Inday TrendingInday Trending
Napagbintangan Lamang ang Lalaki at Nakulong Ito sa Salang Hindi Niya Ginawa; Nang Dahil sa Pagmamahal sa mga Anak ay Nagawa Niya ang Ganitong Bagay

Napagbintangan Lamang ang Lalaki at Nakulong Ito sa Salang Hindi Niya Ginawa; Nang Dahil sa Pagmamahal sa mga Anak ay Nagawa Niya ang Ganitong Bagay

“Tatay, pangako niyo po kahit na wala na si nanay ay hinding-hindi niyo kami iiwan,” umiiyak na saad ng bunsong si Mikmik kay Mang Ador habang inililibing ang kanilang yumaong ina.

“Pangako, anak. Hinding-hindi ko kayo iiwan. Nandito lang ako lagi. Gagawin ko ang lahat para hindi kayo pabayaan ng mga kapatid mo,” sabay yakap ng amang nagdadalamhati.

Isang linggo na rin nang yumao ang ilaw ng tahanan na si Aling Emma dahil sa matinding karamdaman. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nila ito nagawa pang ipagamot pa. Naiwan kay Mang Ador ang apat niyang maliliit pang mga anak.

Pilit tuloy na itinataguyod mag-isa ng ginoo ang mga ito. Hirap man kung paano hahatiin ang kaniyang katawan ay kinakaya ni Mang Ador dahil wala naman din siyang aasahan. Ang siyam na taong si Celia na panganay tuloy ay pinipilit na magpaka-ate sa kaniyang mga kapatid.

“Pasensiya ka na, Celia at hindi mo magawang maglaro sa labas o matamasa man lamang ang iyong kabataan. Pasensiya ka na, anak. Pero tanging ikaw lamang ang maaasahan ko. H’wag ka sanang magtanim ng sama ng loob kay tatay,” sambit ng ama.

“Naiintindihan ko po, ‘tay. Bago po mawala ang nanay ay palagi niya pong sinasabi sa akin ang responsibilidad na naka-atang sa akin bilang ate. Nangako po ako sa kaniya na tutuparin ko ito. Saka nakikita ko po kung gaano po kayo nagsisikap para sa amin. Ito lamang po ang maitutulong ko sa inyo,” paiyak ng tugon ni Celia.

Patuloy sa paghahanap ng trabaho si Mang Ador. Lahat na yata ay pinasok niya matugunan lamang ang pangangailangan ng kaniyang mga anak. Ang tanging nasa isip lamang niya ay kung paanong hindi makakaranas ng hirap ang mga ito. Kaya kaliwa’t kanan ang ginagawa niyang pag-ekstra sa mga trabaho.

Isang araw habang nagkakargador sa palengke si Mang Ador ay bigla na lamang siyang dinampot ng mga pulis.

“Ginang, nasisiguro po ba ninyo na ito po ang kumuha ng inyong bag?” wika ng pulis sa babae.

“Siguradong-sigurado ako. Siya nga! Wala nang iba!” pagtuturo sa kaniya ng ginang.

Lubusang nagugulumihanan si mang Ador sa mga nangyayari.

“Sandali lamang po, mga ginoo, ale. Wala po akong kinalaman sa mga sinasabi ninyo. Wala po akong kinukuhang bag!” pagtatanggol niya sa sarili. Ngunit kahit anong palag ni Mang Ador ay wala na siyang nagawa kung hindi sumama sa mga pulis.

Sa himpilan ay kinulong siya sa salang wala talaga siyang kinalaman.

“Parang-awa niyo na po, pauuwin niyo na ako! Wala akong kasalanan. Naghihintay po sa akin ang mga anak ko! Hindi nila alam ang nangyari sa akin! Parang awa niyo na po!” walang tigil sa pagmamakaawa si Mang Ador upang siya ay palayain ngunit tila walang naririnig ang mga pulis.

Lumipas ang buong gabi at walang nasa isip si Mang Ador kung hindi ang kalagayan ng kaniyang mga anak. Lubusan ang kaniyang pag-aaalala sapagkat alam niyang walang matandang kasama ang mga ito at hanggang ngayon ay malamang niya’y hindi pa nagsisikain ang mga anak.

“Parang-awa niyo na po, tulungan niyo akong malaman ng mga anak ko ang nangyari sa akin! Maliliit pa ang mga anak ko! Wala silang kasama sa bahay baka kung ano na ang nangyari sa kanila!” pagsusumamo niya.

“Dapat naisip mo na ‘yan bago ka umumit ng gamit na hindi sa’yo!” sigaw ng isang pulis.

“Wala po talaga akong kinalaman sa sinasabi niyo. Wala po akong kinuhang gamit. Inosente po ako!” tugon ni Mang Ador.

“Narinig na namin ‘yan! Lahat naman kayo d’yan ay inosente! Manahimik ka na at baka magdilim pa ang mata ko sa’yo, e!” dagdag pa ng pulis.

Hindi na nagawang makatulog ni Mang Ador sa labis na pag-aalala. Kinabukasan ay wala pa ring linaw ang nangyayari sa kaniya. Tatlong araw na ang nakakalipas at halos mabaliw na si Mang Ador sa kakaisip sa nangyari sa magkakapatid. Kaya naisipan niyang gumawa ng paraan.

Dahil sa kaniyang pagkadesperado ay uminom siya kunwari ng panlinis ng banyo. Nang makita ng mga pulis na nangingisay na ang ginoo ay agad nila itong isinugod sa ospital. Doon ay nakagawa siya ng paraan upang tumakas. Tumakbo siya ng napakatulin at hindi lumingon kahit isang beses. Handa na siyang may mangyaring kahit anong masama sa kaniya basta mapuntahan lamang niya ang mga anak.

Nagawang makatakas ni Mang Ador mula sa mga nagbabantay sa kaniya. Puno man ng takot at pangamba ay nagawa pa niyang umuwi sa mga anak. Nadatnan niya ang mga ito na kumakain ng agahan.

“Tatay! Salamat at nakauwi na po kayo! Saan ba kayo nanggaling?” galak na galak ang magkakapatid nang makita ang ama. Sabay-sabay nila itong niyakap ng mahigpit.

“Anak, hindi ako magtatagal. Kailangan ng tatay na bumalik sa presinto. May nangyari kasi sa akin. Pero tandaan ninyo na inosente ang tatay at wala akong kasalanan,” natatarantang paliwanag ng ama sa mga anak na tila hindi rin naiintindihan ang mga nangyayari.

“Celia, tingnan mo ang mga kapatid mo. Nakakain ba kayo sa tamang oras? Anong nangyari dito habang wala ako?” sunud-sunod na tanong ng ama.

“Ayos naman po kami, tatay. Binigyan po kami ng kapitbahay ng bigas at ulam habang wala kayo. T-tay, aalis po ba kayo ulit?” sambit ng panganay na anak.

Maya-maya pa ay natunton na ng mga pulis si Mang Ador at dadakiping muli. Ngunit humarang ang kaniyang mga anak sa pagkakataong ito.

“Hindi po masamang tao ang tatay namin. Wala na po kaming nanay kaya h’wag nyo na pong kuhain ang tatay namin. Paano po kaming mga anak niya? Hindi po namin kaya,” umiiyak na wika ni Celia.

“Patawad po kung tumakas ako. Pero hindi ko na po kasi alam kung ano ang nangyayari sa mga anak ko. Balak ko din naman pong bumalik sa presinto at magpaliwanag. Pero nangangako po ako sa harap ng mga anak ko at sa Diyos, wala po akong kasalanan!” muling pagsusumamo ni Mang Ador.

Dahil sa pangyayaring ito ay nahabag ang mga pulis. Napagtanto nila na totoo nga ang sinasabi niyang kailangan siya ng kaniyang mga anak.

“Maaari niyo po bang kausapin muli ang babae at tanungin kung sigurado po siyang ako ang kumuha ng gamit niya? Kahit anong hirap namin, ser, hindi ko po iyon gagawin dahil may mga anak akong umaasa sa akin,” paliwanag pa ni Mang Ador.

Dahil dito ay muling pinatawag ang babaeng nambibintang kay Mang Ador. Sa muling pagkakataon, sa pagtatanong ng mga pulis kung sigurado siya kung si Mang Ador ang kumuha ng kaniyang bag ay hindi na raw niya matandaan. May mga tumestigo din para kay Mang Ador na nagtatrabaho ito ng mga panahong iyon at wala sa lugar ng nakawan.

Dahil dito naabswelto ang ginoo. Laking pasasalamat niya sa Panginoon sapagkat hindi niya alam ang gagawin kung pati siya ay mawawalay sa kaniyang mga anak.

Narinig ng iba ang kwento ni Mang Ador at marami ang tumulong sa kaniya na makapagtayo ng tindahan sa kanilang bahay nang sa gayon ay hindi na niya magawang iwan ang mga maliliit pang anak.

Sa kabila ng pangyayari sa kanilang buhay ay malaki pa rin ang pag-asa ng mag-aama para sa isang magandang bukas.

Advertisement