Dahil sa Pagkaabala sa Trabaho’y Napabayaan ng Ginang ang Anak na Mahumaling Sa Selpon; Nagimbal Siya nang Malaman ang Nangyayari sa Anak

Dahil sa Pagkaabala sa Trabaho’y Napabayaan ng Ginang ang Anak na Mahumaling Sa Selpon; Nagimbal Siya nang Malaman ang Nangyayari sa Anak

FamilyKarmaStories

“Ma, may itatanong po sana ako sa inyo dito sa assignment ko,” sambit ni Nica sa kaniyang ina. 

“Mamaya na, Nica. Alamin mo muna iyan mag-isa kasi abala ako sa trabaho ko. May kailagan akong ipasang report ngayong araw. Kapag natapos ako agad dito ay tutulungan kita. Pero sa ngayon ay ikaw muna ang gumawa ng paraan,” tugon ni Mandy habang abala sa kaniyang computer at hindi man lamang nagawang tignan ang anak. 

“Kasi, ma, hindi ko po maintindihan talaga,” mahinang wika ni Nica. 

“Please, Nica, kung hindi mo alam ay saka mo na gawin. May kailangan lang akong tapusin at kung iistorbohin mo ako ay lalo akong magtatagal sa gawain na ito. Mas hindi kita matutulungan,” naiinis nang wika ni Mandy sa anak. 

Wala nang nagawa pa si Nica kung hindi lisanin ang silid ng ina. 

“Nica, isara mo nang mainam ang pinto at hintayin mo na lang ako d’yan sa sala. Tatapusin ko lang ito,” dagdag pa niya sa anak. 

Ilang oras ding naghintay si Nica sa kaniyang ina hanggang sa nakatulugan na nito ang kaniyang asignatura. Nadatnan na lamang ni Mandy ang pitong taong gulang na anak na nakayuko ang ulo sa kaniyang libro. 

“Bakit ka dito natulog, Nica? Pumasok ka na sa kwarto mo at doon matulog,” wika ng ina. 

“Ngunit kailangan ko pa po kasing tapusin ang assignment ko, mommy. Please, tulungan niyo po ako,” pakiusap ng bata. 

Kahit maghahatinggabi na at antok na antok na si Nica ay pilit niyang ginigising ang kaniyang sarili sapagkat ngayon lamang ang panahon na maaari siyang turuan ng kaniyang ina.

Hindi na rin alam ni Mandy kung paano pa hahatiin ang kaniyang sarili sa pagtatrabaho at pag-aasikaso sa bahay at sa kaniyang anak. Lalo pa ngayon na maraming pinapagawa ang kaniyang mga kliyente. Talagang nawawalan na siya ng oras para sa kaniyang anak at sa bahay. Ngunit ano ang kaniyang magagawa?

Hindi naman siya makakuha ng kasambahay dahil sakto lamang ang kaniyang kinikita para sa kanilang nirerentahang apartment at iba pang bayarin. Kasama pa dito ang pagpapaaral kay Nica sa pribadong paaralan at sa kanilang mga pangangailangan. Kaya nais man ni Mandy na pagtuunan ng pansin ang anak ay talagang kailangan niyang humanap ng oras. 

Kaya para mawala ang bigat na dinadala niya sa kaniyang dibdib dahil hindi niya mapagtuunan ng pansin ay pilit na lamang pinapalitan ni Mandy ang mga oras na ito sa mga materyal na bagay na ikatutuwa ng anak. 

“Anak, buksan mo ito. May regalo sa iyo si Mommy!” nasasabik niyang wika sa anak. 

Agad na binuksan ni Nica ang kahon at laking gulat niya ng makita ang isang bagong selpon. “Wow, mommy, sa akin po ba talaga ito? Maraming salamat po!” tuwang tuwang sambit ng anak. Sa labis na pagkasiya nito ay niyakap pa ang ina at hinalikan ito sa pisngi. 

Tinuruan ni Mandy ang anak kung paano magsasaliksik ng mga asignatura lalo na sa panahon na abala ang ina. Kaya na itong gawin mag-isa ng bata. 

“Mommy, may ipapakita po ako sa’yo dito sa selpon,” saad ni Nica. “Sige mamaya, anak, titignan ko may tinatapos lang ako,” nagmamadaling wika ni Mandy. 

Maya-maya ay heto na naman si Nica at may sasabihin sa kaniyang ina. “Mommy p’wede po bang…” hindi pa natatapos ang kaniyang anak sa sinasabi ay agad sumagot si Mandy.

“Sige lang, anak. Maglaro ka na muna sa selpon mo kung tapos ka na sa assignment mo. Maya-maya ay itse-tsek ko rin ‘yon,” sambit ng ina. 

Dahil sa tuwing nagpaaalam ang kaniyang anak ay payag lamang siya ng payag ng hindi tinitingnan ang mga ito, nasanay na si Nica na magdesisyon para sa kaniyang sarili. 

Isang araw ay lubusan ang pangambang nararamdaman ni Mandy nang tumawag ang guro ni Nica. 

“Ginang, maaari po bang magtungo kayo dito sa tanggapan ng paaralan. May nangyari po kasi dito sa inyong, anak. Dito na lamang po namin ipapaliwanag,” sambit ng guro. 

Humahangos si Mandy na nagtungo sa paaralan. Diin niya napag-alaman na may isang lalaki na pilit na kinuha ang bata. Mabuti na lamang ay nagduda ang guard at agad itong sinita. Agad silang nagpatawag ng pulis. 

“Misis, ang sabi po ng inyong anak ay nakilala daw po niya sa isang laro itong lalaki. Alam niya po ang lahat ng tungkol sa pamilya ninyo. Kung hindi nga lang po nagduda ang guwardiya ng paaralang ito ay baka nakuha na ang anak niyo dahil sasama siya rito. Ang sabi niya’y kaibigan daw po niya ang lalaking iyon,” dagdag pa ng guro. 

Hindi alam ni Mandy ang kaniyang itutugon. Sa kaniyang isipan ay nakukunsensya siya sapagkat hindi man lamang niyang nagawang gabayan ang kaniyang anak. Tila kasalanan niya na muntik ng mawala sa kaniyang piling si Nica. 

“Misis, dapat po ay alam niyo ang mga ginagawa ng inyong anak. Baka mas malalala pa po ang mangyari sa kaniya,” saad ng guro. 

Mahigpit na niyakap ni Mandy ang kaniyang anak. Napahagulgol siya ng ‘di sinasadya dahil sa lubusang kaba. 

“Maraming salamat po sa inyo,” sambit ni Mandy sa pamunuan ng paaralan. 

“Patawarin mo ako, anak. Naging pabaya akong ina. Ako pa ang nagbigay ng bagay na gumagawa ng mitsa sa iyong buhay. Patawarin mo ako,” sambit ni Mandy na lubusang nagsisisi. 

Nagsilbing aral ito ng husto kay Mandy. Mula noon ay tinuon na niya ang kaniyang pansin sa anak. Sinusubaybayan na rin niya ang lahat ng galaw nito at sinisigurado niya na si Nica ang prayoridad sa kaniyang buhay.

More Stories