Labis ang Poot na Nararamdaman ng Dalaga Dahil Siya Nagawang Hanapin ng Ina Nang Siya’y Nawala; Ikinabigla Niya nang Malaman ang Sinapit Nito

“Nakakatitig ka na naman sa mag-ina,” sambit ni Carla sa kaniyang kaibigang si Joy habang tangan nito ang kape na inorder nilang dalawa. “Ito na ang kape natin,” nakangiti niyang sambit.

“Hindi naman sa mag-ina ako nakatingin. Talagang lumilipad lamang ang isip ko,” pagtanggi ni Joy.

“Naku, kunwari ka pa. Alam kong sa mag-ina ka nakatingin. Madalas kaya kitang mahuli na lagi kang tumititig sa mga ganiyang senaryo,” saad ng kaibigan habang pahigop sa kaniyang kape.

“Bakit kasi hindi mo na lang gugulin ang nalalabi mong araw dito sa Pinas, Joy? Hanapin mo ang nanay mo at nang sa gayon ay matigil na ang lahat ng gumagambala sa isip mo,” sambit ni Carla.

“Wala akong gustong hanapin at ayoko ring masayang ang oras ko. Si Tess ang nanay ko at ang tatay ko naman ay si Mando. Sila lang ang kinikilala kong magulang, Carla!” tugon ng dalaga.

“Pero ni minsan ba, Joy, hindi sumagi sa isipan mo kung nasaan na at kung ano na talagang nangyari sa tunay mong ina?” wika ni Carla.

Bumalik ang lahat kay Joy. Tirik ang araw ng panahon na iyon. Halos hindi mahulugang karayom sa dami ng tao ang Divisoria kung saan namimili ang mag-ina. Pilit mang kumakapit ang limang taong gulang na si Joy sa kaniyang ina na maraming dalang paninda ay bigla na lamang siyang nakabitaw ay unti-unting napahiwalay sa ginang.

Kahit umiyak si Joy ng malakas ay hindi na nagawa pa ng kaniyang ina ang lumingon sa bigat ng dalahin nito. ‘Ni hindi nito napansin ang pagkawalay ng anak. Pilit mang hanapin ng batang Joy ang kaniyang ina ay hindi niya ito makita. Hanggang sa inabutan na siya ng dilim sa lugar na ito. Iyak nang iyak at gutom na gutom.

Advertisement

Nagpapabalik-balik sa lugar kung saan siya naiwan ng kaniyang ina ngunit wala pa rin ito. Hanggang sa isang mag-asawa ang nagmagandang loob na kupkupin siya pansamantala. Hanngang sa tuluyan na nilang ituring si Joy na anak at pinalaki nila ito na parang tunay na sa kanila.

“Kung mahal niya ako, Carla, hindi niya ako magagawang pabayaan. Sana man lamang ay ginawa niya ang lahat upang mahanap ako. Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa kami nagkikita,” tugon ni Joy na tila napupuot sa ina.

“H’wag na nga natin pag-usapan ‘yan! Dapat ay nagsasaya tayo kasi malapit na akong umalis patungong ibang bansa. Matagal tayong hindi magkikita! Matagal tayong hindi makakapagtsismisan!” pag-iiba ng dalaga sa usapan.

Ngunit kahit ano pa ang tanggi ni Joy ay hindi mapagkakaila ang lungkot sa kaniyang mga mata. Lalo na sa tuwing naaalala niya na tanging ang kaniyang ina na lamang ang kaniyang natitirang kadugo sapagkat maaga namayapa ang kaniyang ama. Ngunit hindi rin niya maiwasan ang magtanim ng galit at sama ng loob sa ina sapagkat pakiramdam niya ay tuluyan na siya nitong pinabayaan.

Dumating na ang araw ng pag-alis ni Joy. Tangan niya ang kaniyang mga maleta ay magkahalong damdamin ang baon niya sa kaniyang pag-alis. Naging matagumpay naman siya sa ibang bansa ngunit hindi pa rin niya maiwasan ang maisip ang kakulangan sa kaniyang pagkatao.

“Walang puso ang babaeng iyon. Siguro ngayon ay may pamilya na siyang iba kaya hindi na niya ako nagawang hanapin pa. Siguro ay masaya na siya sa piling ng ibang pamilya kaya kinalimutan na niyang may anak siyang gaya ko!” sambit niya sa sarili.

Kahit anong galit niya ay hindi pa rin niya maiwasan ang magtanong. Ano kaya ang tunay na nangyari sa kaniyang ina.

Kaya napagdesisyunan niya na na sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas ay hanapin ang kaniyang ina. Alam niya kung ano ang pangalan nito at natatandaan din niya ang pangalan ng isa niyang tiyahin na madalas niyang hanapin sa social media. Ngunit hindi niya makita.

Advertisement

Naglakas-loob siyang tunguhin ang lugar na kaniyang naaalala. Kahit puno ng kaba sa kaniyang dibdib na baka makita niyang masaya ang ina sa piling ng iba ay tinapangan na niya ng sa gayon ay matapos na rin ang lahat ng agam-agam niya sa kaniyang sarili.

“May kilala po ba kayong Charito Reyes?” tanong niya sa isang ale.

“K-kapatid ko si Charito Reyes. N-nag-iisang kapatid ko,” wika ng ale.

“Maaari ko po bang malaman kung nasaan po siya,” tanong ni Joy sa babae.

“W-wala rito ang kapatid ko,” malungkot na tugon ng ale. “Maaari ko bang malaman kung sino ka?” saad pa niya.

“Gusto ko pong malaman kung natatandaan niyo po ba na may isang anak si Charito Reyes,” pahaging ni Joy.

“J-joy, ikaw ba iyan? Ikaw na ba si Joy?” saad ng ale na napaiyak sa pagkabigla. “Bakit ngayon ka lang, Joy? W-wala rito ang nanay mo!” dagdad pa ng ale.

“P’wede niyo po ba akong dalhin sa kaniya? Saan ko po siya makikita?” umiiyak na sambit ng dalaga.

Advertisement

Agad siyang isinama nito kung saan niya makikita ang kaniyang ina. Naguguluhan siya kung bakit sa lugar na ito siya dinala ng kaniyang tiyahin.

“Bakit po tayo narito sa sementeryo?” pagtataka ni Joy.

Tumigil ang dalawa sa isang puntod.

“Ate, sa wakas ay narito na ang anak mo. Patawarin mo ako at ngayon lamang nagtagpo ang aming mga landas. Patawarin mo ako at ngayon ko lamang siya nadala sa’yo,” saad ng ginang habang walang tigil sa pag-iyak.

“Matagal nang sumakabilang buhay ang iyong ina. Walang araw na hindi ka niya hinanap, Joy. Kung anu-anong sakit na ang dumapo sa kaniya dahil hindi na siya nakakakain sa pag-aalala sa iyo. Pabalik-balik siya sa Divisoria at nagbabakasakali na makita ka,” paliwanag ng tiyahin.

Ngunit makalipas ng isang taong paghahanap sa iyo at hindi ka pa rin natatagpuan ay nasiraan siya ng bait. Nawala siya sa kaniyang sarili. Wala naman kaming malaking pera para maipagamot siya. Pero sa tuwing nakakatakas siya sa bahay ay natatagpuan namin siya sa pamilihang iyon ay sinisigaw ang pangalan mo, hanggang sa isang araw ay nakatulala daw ito habang naglalakad, tapos ay nasagasaan s’ya. Hanggang sa huling hininga niya, Joy, pangalan mo ang sinasabi niya,” paglalahad pa nito.

Bumuhos ang luha mula sa mga mata ni Joy. Hindi niya akalain na binuhos pala ng kaniyang ina ang buhay nito upang magkita lamang silang muli. Ngunit sa hindi malamang kadahilan ay hindi sila pinagtatagpo ng tadhana.

Nagsisisi siya kung bakit nabuhay siya ng labis ang poot sa kaniyang ina. Sana pala ay mas maaga niyang hinanap ito nang sa gayon ay hindi siya nabuhay sa pait ng nakaraan at matagal na sanang naghilom ang sugat na bunga ng kaniyang pagkawalay sa ina.

Advertisement

“‘Nay, narito na po ako. Narito na po ang kaisa-isa niyong anak na si Joy. Patawarin niyo ako,” sambit ni Joy sa puntod ng ina.