Bibigyan nga Kaya ng Halaga ng Babaeng Ito ang Isa Niyang Kustomer Kahit na may Problema Ito sa Pag-iisip?

Bibigyan nga Kaya ng Halaga ng Babaeng Ito ang Isa Niyang Kustomer Kahit na may Problema Ito sa Pag-iisip?

HeartbreakingInspiringStories

Limang buwan pa lamang sina Dina at William sa kanilang bagong tinitirhan ay malapit na kaagad ang babae sa kanilang mga kapitbahay. Paano’y napakasarap kasi ng mga luto nitong tindang ulam at barbeque.

“Mahal, huwag mo nga masyadong pinag-aaksayahan ‘yung matanda nating kapitbahay. Baliw baliw ‘yun ‘di ba?” tanong ng lalaki sa kaniyang asawa.

“Uy, ikaw naman, mahal, hinaan mo naman ang boses mo baka may makarinig naman sa’yo! Nakakahiya at baka sabihin nila ay mapanghusga tayo!” mabilis na sita ni Dina sa kaniyang mister sabay tingin kung may nakarinig sa kanilang dalawa.

“Hala, parang kang t*nga, hindi naman sa akin nanggaling ‘yun. Galing na ‘yun sa mga taga rito, baliw nga tawag nila sa matanda. Bakit ba kasi kinakausap mo pa ‘yun, iisang ulam lang ang binibili pero ang tagal-tagal ng kinukunsumo mong oras para sa kaniya. Kung ako sa’yo ay tarayan mo na lang ‘yun nang matapos na,” baling naman ni William sa babae.

“Hayaan mo na, bumibili e, lahat naman ng kustomer ko ay pantay-pantay lang ang tingin at trato ko. Kawawa na nga ‘yung matanda e,” sagot naman ng babae rito.

Hindi na muling sumagot pa si William at tumalikod na lamang ito sa kaniyang asawa nang makitang paparating na naman ang tinutukoy nilang matanda.

“Hoy, Dina! Gusto mo ba ng monggo ko, bagong luto! Akin na ang plato mo,” bungad agad ni Aling Mirna, ang kapitbahay ng babaeng may sira raw sa pag-iisip.

“Nako, ang dami kong ulam, ‘nay! Sa inyo na po iyon!” nakangiting sagot ni Dina sa matanda.

“Akin na, akin na ang plato mo! Basta bibigyan kita! Ang dami ko kasing naluto tsaka alam mo ba, dalawa lang naman kami ng anak ko. Sayang naman ‘yung ulam!” pagpupumilit muli ng matanda at mabilis na kumuha ito ng plato nila Dina. Wala naman nagawa ang babae nang bigla itong umalis pagkahawak ng plato.

Maya-maya pa ay bumalik din kaagad ito, may dalang ulam at dali-daling iniabot sa kaniya.

“Ayan! Pahingi naman ako ‘day ng isdang prito mo! Kuha na ako, salamat!” biglang wika ng matanda at sabay kuha rin sa pritong isda na tinda niya. Napapikit na lamang si Dina sa ginawa ng ale tsaka tumingin sa kaniyang mister.

“Ayan, oh, nalugi ka na ngayon ng isang tilapia kapalit ng isang monggo ‘di mo malaman kung may dasal ba ‘yan o ano. Bahala ka sa buhay mo,” inis na wika kaagad ni William sa kaniya.

Hindi lamang ito ang unang beses na ginawa iyon ni Aling Mirna, pinapalampas lamang niya ito lalo na kung siya lang naman lagi mag-isa sa pwestong karinderya na tapat ng kanilang bahay. Naawa kasi siya sa matanda dahil sa palagi na lamang itong pinagtatawanan ng mga taga roon at tinatawag na baliw. 

“Puntahan mo ‘yung matanda! Pagsabihan mo na hindi pwede ‘yang ginagawa niya,” muling sigaw ni William sa kaniya habang malayo ang kaniyang tingin.

“Oo na!” baling ni Dina sa kaniyang asawa.

Kaya kahit na naawa siya sa ale ay binitbit niya ang binigay nitong ulam upang puntahan ito sa kanilang bahay. Hindi pa man din siya kumakatok ay naririnig na nya ang isang babae.

“Sigurado ka bang binayaran mo ‘yang isda, ‘ma?” tanong ng dalaga, sa wari ni Dina ay anak ito ng ale.

“Oo nga! Binigyan ko pa nga ng ulam saka ‘wag mo na ako pagalitan kasi kakain na kami ng papa mo!” sigaw ng ale rito.

Kakatok na sana siya ng biglang lumabas ang dalaga sa bahay ng ale.

“Oh, ‘di po ba kayo ‘yung nagtitinda ng ulam? Pasenisya na po, pero binayaran ba talaga kayo ng nanay ko?” tanong kaagad ng dalaga sa kaniya.

“Nanay mo ba siya? Bakit parang ngayon lang yata kita nakita,” balik na tanong ni Dina sa dalaga.

“Pang gabi po kasi ako sa call center tapos minsan ay natutulog na lang talaga ako rito sa amin. Pasensiya na po talaga kung naistorbo kayo ng nanay ko,” malungkot na sagot nito.

“Nasaan ba ang papa mo? ‘Di ba kakain na raw sila, narinig ko kasi kanina bago ako kumatok,” saad muli ni Dina rito. Saglit na napatingin ang dalaga sa direksyon ng kaniyang ina na nasa mesa habang kumakain ito mag-isa. Napatingin din kaagad si Dina nang mabiglang wala naman pala itong kasama.

“Halos ilang taon na rin nang mawala ang papa ko, hindi kasi kinaya ni mama kaya siya nagkaganyan. Baliw na nga ang tawag ng lahat sa kaniya rito, e, wala naman akong magawa kasi hindi naman nga normal ang kumausap  sa hangin ‘di ba. Pero nasasaktan ako, mahal na mahal niya si papa at hindi niya matanggap na wala na ang asawa niya kaya parang nawalan na rin ako ng mama. Hindi naman po siya baliw, may mga oras lang talaga na bigla niyang hahanapin si papa,” lumuluhang siwalat ng dalaga sa kaniya.

“Kaya salamat po, ha. Sabi niya kasi sa akin ay kayo lang daw ang mabait sa kaniya, palagi ko rin nakakalimutan na puntahan kayo dahil sa pagod pero susulitin ko na po ito. Kung may mga nakuha man ang nanay ko sa tinda niyo, pwede po bang ilista niyo na lang at ako na ang magbabayad. Pasensiya na po talaga kayo sa perwisyo,” dagdag pa nito.

“Grabe naman pala! Naiiyak na rin ako! Siya, huwag ka na umiyak at ako na ang bahala sa nanay mo kapag nasa trabaho ka. Hindi naman siya makulit, lagi lang ‘yan pupunta sa tindahan at kakain. Ako na ang bahala maglista, huwag ka na umiyak! Kausapin mo lagi ang nanay mo!” sagot ni Dina saka ito bumalik sa kaniyang puwesto.

Mabilis niyang na-ikwento iyon sa kaniyang asawa at parehas silang naawa sa sitwasyon ng matanda.

“Pasensiya ka na, Dina, kung sinabihan kita na iwasan na si Aling Mirna,” nahihiyang wika ng lalaki.

“Ngayon ko napatunayan na ang pagiging mabait sa kapwa ay may malaking naidudulot na maganda. Dapat lagi nating tatandaan na kahit ano o kahit sino pa man ang maging kostomer natin ay dapat na iisa ang respeto ang ipakita natin sa kanila. Huwag tayong mamili ng kapwa na papakitaan natin ng maganda,” saad ni Dina sa kaniyang mister.

Simula noon ay naging suki na nila si Aling Mirna at mas naitindihan nila ngayon ang ale. Noong makita rin ng ibang kapitbahay nila na inaasikaso nila ang matanda ay nagsimula rin ang mga ito sa pakikitungo ng maayos sa ale hanggang sa wala nang tumatawag na baliw kay Aling Mirna.

More Stories