Dadalo ang Babaeng Ito sa Reunion, Pakitunguhan Kaya Siya ng Maayos o Lalaitin Lamang Doon?

“Tara na! Wala naman babayaran roon at isa pa hindi mo rin naman kailangan bumili ng gown o kaya naman bonggang damit para lang pumunta. ‘Yung nandoon ka ay sapat na! Miss na miss ka na namin!” wika ni Yhanna, kaklase ni Allison sa kaniyang kolehiyo.

“E, kasi naman, hanggang 1st year lang naman ang inabot ko, mamaya kapag pumunta ako ay malait pa ako roon. Sabihin na hindi naman ako kaklase,” natatawang sagot ng babae.

“Uy ano ka ba?! Kahit kailan ay hindi ka namin na tinuring na ganon, kaya ‘wag kang pabebe! Sumama ka na, sige ka hindi na kita tutulungan magtinda!” panakot naman muli ng kaniyang kaklase.

“Ayan na naman siya, dinamay na naman ang negosyo ko. Siya, pupunta na!” mabilis na sagot nito kay Yhanna saka niya pinutol ang kanilang tawag.

Napabuntong hininga na lamang ang babae saka siya napatingin sa kaniyang kalendaryo, binilugan na niya ang petsa ng nasabing reunion ngunit hanggang ngayon ay nagdadalawang isip pa rin ang babae na tumuloy.

Hindi nakapagtapos si Allison ng kolehiyo dahil sa nabuntis ito ng maaga at iniwan pa ng kaniyang kasintahan noon. Kaya naman binubuhay niyang mag-isa ang kaniyang anak. Simula rin noong makapanganak at hanggang ngayon ay online selling na ang pinagkakitaan ng babae. Nariyang nagtinda na siya ng kung ano-anong pampaganda, gamit sa bahay, laruan at ang pinakapatok sa lahat ay ang pagkain.

Gusto niyang magpunta sa nasabing pagtitipon upang personal na ring makapagpasalamat sa kaniyang mga kaklase noon. Ito kasi ang tumulong sa kaniya na itinda ang kaniyang mga luto at suki na rin niya ang halos kalahati sa kaniyang mga kaklase. Ngunit nananaig din ang kaba at takot sa kaniyang puso na baka mailang lamang siya roon lalo pa’t hindi naman na niya alam ang kwento ng kanilang buhay kolehiyo. Hindi niya masasabayan ang mga kwentuhan at tangging tinda lamang niya ang kaniyang maibibida.

“Hays! Ano ba naman ‘yan, Allison, ang ganda-ganda mo tapos tindera lang ang kinahinatnan mo,” wika niya sa sarili habang nag-aayos ito sa harap ng salamin.

Advertisement

“E ano naman ngayon, nabubuhay ko naman ang anak ko,” sagot niyang muli sa sarili saka huminga at napapikit nang matagal. Walang nagawa ang babae kung ‘di ang pumunta.

“Allison! Buti nakapunta ka! Grabe miss na miss ka namin at sobrang sarap mo magluto!” bati ng isa niyang kaklase.

“Hala, hindi naman pero salamat ha. Salamat talaga,” nahihiya niyang sagot dito at sa lahat pa ng bumati sa kaniyang pagdalo.

“Guys, salamat talaga ha! Kung hindi dahil sa inyo baka hindi ko nabuhay ang anak ko,” nakangiting sabi ng babae sa mga kaklase habang ang lahat ay nag-iinuman na ng alak at masarap na ang kwentuhan.

“Wala ‘yun! Support local, ‘ika nga!” sagot kaagad ni Yhanna sa kaniya.

“Pero sa totoo lang, kaya lang ako bumibili kasi naawa talaga ako sa’yo. Isipin mo, nabuntis ka ng maaga, iniwan ka ng asawa mo tapos ngayon nagtitinda ka na. Kaya ayun, lagi akong omorder kahit na pinamimigay ko lang talaga!” natatawang saad naman ni Camille, isang kaklase at suki ni Allison. Saglit na napatigil ang iba sa kanilang narinig at maging si Allison ay nasaktan ngunit pinilit niyang itago ito.

“Salamat,” maiksi niyang sagot at saglit na natahimik ang lahat. Pakiramdam ng babae ay para siyang lumulubog sa kinauupuan at parang napaka kapal na ng kaniyang mukha, medyo nabibingi na rin siya sa panliliit sa sarili.

“Sa’kin, walang masama sa pagtitinda!” sagot naman ng isang lalaki nilang kaklase.

Advertisement

“Wala naman akong sinabing masama ‘yun. Ang akin lang is, hindi naman dahil masarap ang tinda niya kung ‘di dahil mas nakakaawa siya kaya bumibili tayo. Aminin niyo na! Nandito na rin naman tayo,” malakas na wika ni Camille sabay tawa ulit ng malakas.

Pilit na inipon ni Allison ang kaniyang lakas upang makatayo at makaalis na lamang. Hindi na niya kakayanin pa ang susunod na sasabihin ng mga ito. Biro man o hindi ay nasasaktan na siya ngayon. Kaya naman yumuko na lamang ang babae at inayos ang kaniyang damit para makaalis.

“E ikaw, Camille? Ano bang narating mo sa pagtatapos natin? Hindi ba’t lubog ka sa utang ngayon pero kung umasta ka ay akala mo mayaman ka. Ano nga bang trabaho mo ulit? Baka mas mayaman pa sa’yo ‘tong si Allison na minamaliit mo. Hindi mo ba alam na may bahay na ‘to at nakabili na rin ng sasakyan. Cash lahat ‘yun at lahat din ‘yun ay pinagpaguran niya, pinagpuyatan niya, pinagpawisan niya para kumita kaya kung ‘di mo naman pala kinakain ‘yung gawa niya e ‘di wow sa’yo! Kasi hindi ka naman mayaman para mamigay lang ng pagkain! ‘Wag kami ang pinagloloko mo!” banat kaagad ni Nina na isa pang kaklase ni Allison at sunod-sunod pa ang suporta na kaniyang natanggap laban kay Camille hanggang sa ito na ang unang umalis sa kanilang grupo.

“Sana kung hindi kayo nasasarapan ay magsabi kayo sa akin. Sana rin hindi lang kayo naawa sa’kin,” malungkot niyang wika kay Yhanna bago ito magpaalam.

“Hoy! Huwag ka ngang papaapekto roon kay Camille! Isa pa hindi kami naawa sa’yo! Humahanga kami sa’yo dahil napakatapang mo! Napakamaparaan mo, napakasipag mo, napakagaling mo! Hindi kailangan ng diploma para umangat sa buhay dahil kung ano man ang mayroon ka ngayon diyan sa mga ginagawa mo ay ‘yun ang kailangan namin lahat. Maniwala ka sa sarili mo, Allison, katulad ng paniniwala at paghanga namin sa’yo. Mahal ka namin at ang lahat ng tinda mo!” sagot sa kaniya ng kaibigan saka sila nagyakapan.

Ngayon mas lalong lumakas ang loob ni Allison na harapin ang buhay niya kahit na walang diploma. Tiningnan niyang muli ang kaniyang anak at naalala niya ang lahat ng dahilan kung bakit siya nagsusumikap ngayon para sa bata, walang katumbas ang pagiging isang ina. Ito ang pinakamataas na diplomang mayroon siya ngayon kaya naman gagawin niya ang lahat para maging isang mabuting ina. Ano man ang paraan, ano man ang itinda, ano man ang sabihin ng iba basta’t wala siyang inaapakang iba.