
Iniwan ng Dalaga ang Nobyo Dahil Hindi Ito Bumili ng Motor Para Siya’y Maihatid Sundo sa Trabaho, Nagsisi Siya nang Malaman Kung Ano ang Pinag-iipunan Nito Para sa Kaniya
“Ano ba naman ‘yan, Renz? Napahiya ako doon! Akala ko naman bibilhin mo na yung motor kaya tayo nagpunta doon!” sigaw ni Gabbi sa kaniyang nobyo, isang araw matapos silang magpunta sa bilihan ng mga motor.
“Eh, pasensiya ka na, mahal, naalala ko kasing may pinag-iipunan nga pala ako. Kung bibilhin ko yung motor, hindi ko mabibili yung pinag-iipunan ko sa susunod na buwan,” kamot-ulo namang paliwanag nito.
“Ano ba kasi ‘yang pinag-iipunan mo, ha? Mas mahalaga ba ‘yan kaysa sa akin, ha?” galit na tanong niya.
“Siyempre, mas mahalaga ka, mahal ko, kaso kasi…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin ng binata at agad nang nagbunganga.
“Kung mahal mo talaga ako bibilhin mo agad ‘yon dahil maiisip mong magagamit mo ang motor na ‘yon para ihatid at sunduin ako sa trabaho ko! Alam mo namang malayo sa atin ang trabaho ko, eh! Saka, bago pa lang tayo, pinag-iipunan mo na yang bagay na gusto mong bilhin! Hanggang ngayong tatlong taon na tayo hindi mo pa mabili-bili! Nakakainis! Bahala ka d’yan!” bulyaw niya sa kaniyang nobyo saka agarang sumakay ng jeep pauwi.
“Ma-mahal!” habol sa kaniya ng binata ngunit hindi niya ito inintindi’t tuluyan itong iniwan.
Panganay na anak sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Gabbi dahilan upang gawin niya ang lahat upang makatulong kaagad sa kaniyang mga magulang pagkatapos niyang mag-aral.
Agad siyang nakipagsapalaran sa Maynila at doon nga nakakuha ng permanenteng trabaho. Ngunit dahil nga may kalayuan ito sa kanilang bahay, palagi siyang nahuhuli sa trabaho o kung hindi naman nahuhuli ng uwi dahilan upang hindi siya makatulog ng maayos.
Ito ang kaniyang dahilan upang pilitin niyang bumili ng motor ang kaniyang tatlong taong nobyo.
“Sigurado naman akong may sapat siyang pera pambili ng motor! Ewan ko ba kung anong pinag-iipunan noon para tablahin niya ako ngayon! Bahala talaga siya, kapag ako nakahanap ng may motor na handa akong ihatid sundo, iiyak talaga siya!” galit niyang sambit habang nasa biyahe, pilit siyang tinatawagan ng kaniyang nobyo noong mga oras na iyon matapos silang mag-away sa kalsada.
Iyon ang naging simula upang mawalan siya ng gana sa nobyo. Lalo pang lumayo ang kaniyang loob sa binata noong naging malapit sa kaniya ang isang niyang katrabahong may motor na malapit lang sa kanilang probinsya.
Palagi siyang hinahatid sundo nito at noong tanungin siya nito kung pupwede siya nitong ligawan, agad siyang pumayag. Sambit niya, “Dito na lang ako sa lalaking ito, may nobyo na ako, may tagahatid sundo pa ako!” Tuluyan na niyang pinutol ang kaniyang komunikasyon sa tatlong taong nobyo. Hindi na niya sinasagot ang mga tawag at mensahe nito at kapag pumunta ito sa kanila, tinataguan niya ito.
Ngunit isang araw, may isang mensahe siyang natanggap mula dito na nagpatigil ng mundo niya.
“Nakabili na nga pala ang ng condo sa tapat ng pinagtatrabahuhan mo. Sayang, kung kailan nabili ko na itong regalo ko sa’yo, wala ka na sa piling ko,” halos mabitawan niya ang selpon sa mensaheng nabasa. Agad niyang tinawagan ang binata ngunit ayaw na siyang sagutin nito.
Tuluyan niyang nabitawan ang kaniyang selpon nang matanggap muli ng mensahe. Galing naman ito sa kasalukuyang niyang nobyo at nais na nitong makipaghiwalay sa kaniya sa kadahilanang nakabuntis pala ito ng ibang babae.
Halos lumubog sa lupa ang dalaga sa dalawang balitang natanggap. Hindi siya makapag-isip nang maayos dahilan upang makapagdesisyon siyang umuwi na lang ng bahay at doon ibuhos lahat ng kaniyang panghihinayang at pagsisisi sa pag-iwan sa lalaking handang ialay lahat para sa kaniya.
“Kung nanatili pala ako kay Renz, edi sana may matutuluyan na ako sa Maynila at hindi ako naloko ng katrabaho ko!” hikbi niya.
Sinubukan niyang tawagan muli ang dating nobyong si Renz ngunit ayaw na talaga nitong makipag-usap. Labis daw itong nasaktan sa kaniyang ginawang pagtataksil at nais mapag-isa.
Naisip ng dalaga na hindi pupwedeng tumigil ang kaniyang buhay sa pangyayaring ito dahilan upang magpursigi siya lalo sa trabaho. Nagawa niyang makaipon upang makabili ng sariling motor. Sambit niya, “Siguro mali talaga na iasa ko sa iba ang pangangailangan ko.”
Doon na napagtanto ng dalaga lahat ng kaniyang pagkakamali. Sa sobrang gusto niyang makapagipon para sa pamilya, pati ipon ng ibang tao nais niyang gastusin huwag lang mabawasan ang kaniya.
Simula noong araw na iyon, hindi na muling umasa ang dalaga sa bulsa ng iba at naging independiyente na. Hindi man bumalik ang dati niyang nobyo, umaasa siyang makakatagpo ulit ng lalaking katulad nito.
Kinakailangan talaga nating tumayo sa sariling mga paa upang matuto sa buhay dahil kung hindi, habambuhay tayong sasandal sa mga taong hindi natin alam kung hanggang kailan mamalagi sa ating tabi.