
Minaliit ng Lalaki ang Dating Nobyo ng Kaniyang Asawa, Labis Siyang Nag-alala Nang Layasan Siya ng Kaniyang Asawa Dahil sa Pag-uugali Niyang Ito
“Joseph! Bakit mo naman pinagsalitaan ng ganoon ang dating nobyo ko? Wala naman siyang ginagawang masama sa’yo, ha?” tanong ni Riza sa asawa, isang araw nang makauwi sila galing ospital.
“O, bakit? Totoo naman ang sinabi ko, diba? Kung siya ang nakatuluyan mo, baka isang kahid, isang tuka kayo ng pamilya niyo! Bubuhayin niya kayo sa pagbabasura niya sa ospital? Pambihira!” sagot ni Joseph, bakas sa mukha niya ang pagyayabang.
“Pambihira ka talaga, Joseph! Napakatindi ng ugali mo! Nagkaroon lang tayo ng pera, bumalik ka na naman sa ugali mong ‘yan!” inis na sambit ng kaniyang asawa, dismayado ito sa pagmamataas na ginawa ng asawa.
“Ako pa ang pambihira ngayon? At siya pa ang magaling? Baka gusto mo sumama ka na rin doon! Ako ang asawa mo tapos pagsasalitaan mo ako nang ganyan?” galit niyang sagot dahilan upang mapatungo ang kaniyang asawa.
“Mali kasi ang inasta at mga sinabi mo, kaya tinatama kita,” nakatungong hikbi nito.
“Ewan ko sa’yo! Lumayas ka dito! Sumama ka doon sa dating nobyo mo na janitor ngayon!” bulyaw niya pa dito saka padabog na pumasok sa kanilang silid.
Tatlong taon nang kasal si Joseph sa kaniyang dalawang taong nobyang si Riza. Sa loob ng halos limang taong kanilang pagsasama, labis na nagtagumpay sa buhay ang dalawa. Nakapagpatayo na sila ng sariling bahay, nakabili ng isang sasakyan at may sapat nang ipon para sa kanilang mga magiging anak.
Kaya ganoon na lamang kasaya si Joseph sa kapalarang mayroon siya sa piling ng kaniyang asawa. Ngunit tila ganoon na lamang lumabas muli ang ugaling mayroon siya nang makita niyang kausap ng kaniyang asawa ang dati nitong nobyo sa ospital na pinagtatrabahuhan niya.
Labis niya itong minaliit sa harap ng ibang empleyado. Ika niya, “Ikaw kasi mas inuna mo ang puso kaysa sa pag-ibig. Ayan tuloy hindi ka nakapagtapos at isa ka lang janitor dito. Buti na lang pala naging asawa ako ni Riza, kundi kawawa lang siya sa’yo,” na naging dahilan ng labis na pagkagalit ng kaniyang asawa.
Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang makipagtalo sa asawa, agad na siyang pumasok sa kanilang silid upang magpahinga.
Kinaumagahan, laking gulat niya nang wala sa tabi niya ang asawa. Agad niya itong hinanap sa kanilang bahay ngunit isang liham lamang ang kaniyang natagpuan.
Doon niya nalamang lumayas nga ang kaniyang asawa. Napangisi lamang siya’t sinabing, “Hindi ka naman makakatiis sa mahirap na buhay. Baka nga bukas nandito ka na ulit.”
Ngunit lumipas ang isang buwan, hindi pa rin bumabalik ang kaniyang asawa. Labis na siyang nag-aalala at halos mabaliw na kakaisip kung saan man ito nagpunta.
Napagdesisyunan niyang maglibot sa kanilang lugar, pumunta siya sa dati nilang pinapasukang unibersidad at doon tila nagbalik sa kaniyang pag-iisip ang matatamis at mapapait nilang pinagdaanang dalawa.
Naalala niyang lulong nga pala siya noon sa pag-iinom at hindi pumapasok sa kaniyang klase dahil sa kagustuhang maglaro ng bilyar.
Walang araw ding wala siyang nakakaaway dahil sa kayabangang mayroon siya. Doon niya napagtantong lahat pala ng mayroon siya ngayon, hindi niya makakamit kundi dahil sa matiyagang pangungulit at pangungumbinsi ni Riza noon sa kaniya na magtapos ng pag-aaral.
Halos tila nabato siya sa kinatatayuan noong mga oras na iyon, ika niya, “Tama nga siguro ang asawa ko, bumalik ako sa dating ugali ko.” Wala na siyang sinayang na oras, agad siyang nagtungo sa mga pulisya upang humingi na nang tulong. Agad niya ring tinawagan ang kanilang mga kaibigan at isang araw lang lumipas, nalaman niyang umuwi pala ito ng probinsya at doon namalagi.
Agad siyang nagtungo doon, naabutan niyang masayang nakikihalubilo sa mga bata ang kaniyang asawa katulad ng lagi nitong ginagawa noong nasa kolehiyo pa sila. Napangiti na lamang siya’t napabuntong hininga dahil sa sayang nararamdaman.
Doon na siya humingi ng tawad sa asawa at kinumbinsi itong bumalik sa kaniya. Ikinuwento niya rin dito ang kaniyang mga napagtanto sa mga araw na wala ito sa piling niya. Ipinangako niya ring hihingi ng tawad sa dati nitong nobyo dahil ika niya, mali talaga ang kaniyang ginawa dahilan upang makumbinsi ang asawa at sumama na sa kaniya pauwi.
Agad silang nagtungo sa ospital at doon na nga siya humingi ng tawad sa lalaking kaniyang pinahiya. Binigyan niya pa nga ito ng kaunting tulong at dahil nga mataas ang posisyon niya sa naturang ospital, hiniling niyang gawing sekretarya ang naturang lalaki upang makatulong din sa pamilya nito.
Labis ang kaniyang saya noong pagkakataong iyon, dahil bukod sa kapiling na niya muli ang asawa, nakatulong pa siya sa iba. Ika niya, “Wala talagang maidudulot na maganda ang kayabangan, imbis na ipagmayabang ko kung anong mayroon ako at ibaba ang iba, siguro dapat ngang itikom ko ang aking bibig at hilahin sila pataas. Nang sa gayon, parehas kaming may sayang maninirahan sa aming puso.”

Iniwan ng Dalaga ang Nobyo Dahil Hindi Ito Bumili ng Motor Para Siya’y Maihatid Sundo sa Trabaho, Nagsisi Siya nang Malaman Kung Ano ang Pinag-iipunan Nito Para sa Kaniya
