Ayaw ng Ginang na Ito sa Nobya ng Kaniyang Anak Dahil Hindi Ito Nakapagtapos ng Pag-aaral, Wala Siyang Mukhang Maiharap nang Masampal ng Tagumpay ng Dalaga

Ayaw ng Ginang na Ito sa Nobya ng Kaniyang Anak Dahil Hindi Ito Nakapagtapos ng Pag-aaral, Wala Siyang Mukhang Maiharap nang Masampal ng Tagumpay ng Dalaga

FamilyInspiringStories

“Nak, marami pang iba d’yan! Yung babaeng maaasahan mo! Hindi yung babaeng ganyan na walang pinag-aralan!” sigaw ni Analiza sa kaniyang bunsong anak, matapos niyang makilala ang nobya nito. 

“Mama, bata pa lang kasi siya, mag-isa na niyang tinataguyod ang sarili niya kaya hindi niya na nagawang makapagtapos. Eh, ako naman, kung hindi dahil sa inyo, hindi rin ako makakapagtapos,” paliwanag sa kaniya ni Ted, habang hinihimas-himas ang kaniyang likuran upang kumalma.

“Kaya nga, eh! Dahil nga hindi nakapagtapos ‘yan, sa’yo kakapit ‘yan para perahan ka! Huwag mo naman sayangin ang pinaghirapan mo at namin ng papa mo para d’yan sa babaeng ‘yan!” pangaral niya dito, hindi niya magawang hindi sumigaw dahil sa pagkainis. 

“Kahit naman po hindi siya nakapagtapos, mama, mabait siya at maaasahan sa bahay. ‘Yun naman po ang gusto niyo, diba? Yung may makakatuwang ako sa bahay? Dahil ‘yon naman ang kahinaan ko,” giit pa ng anak dahilan upang lalo siyang magalit. 

“Halos lahat ng babae marunong sa bahay! Humanap ka ng may natapos para matulungan kang yumaman! Hindi yung ikaw lang ang kumikita ng malaki! Hiwalayan mo ‘yan kung ayaw mong itakwil kita!” sigaw niya dito saka siya lumisan ng lamesa. Naiwan naman niyang maluha-luha ang anak habang pinapakalma ang humahagulgol na nobya dahil sa kaniyang mga sinabi. 

Ginawa ni Analiza ang lahat upang maitaguyod ang kaniyang tatlong anak na lalaki katuwang ang kaniyang asawa. Nagawa niya pa ngang mangibang-bansa para lamang mapagtapos nilang mag-asawa ang kanilang mga anak. 

Sa kabutihang palad, nagawa nga nilang mapagtapos ang mga anak. Ganoon na lamang ang saya ng ginang nang makapaghanap na ng magagandang trabaho ang kaniyang mga anak dahil sa wakas, pupwede na siyang magpahinga. 

Halos taon lang ang binilang, nagsipag-asawa na ang kaniyang dalawang anak. Hindi naman siya kumontra dito, dahil may mga kaya rin ang mga napangasawa ng dalawa dahilan upang matulungan pa rin siya kahit papaano. 

Ngunit labis siyang nadismaya sa babaeng pinakilala ng kaniyang bunsong anak. Hindi kasi ito nakapagtapos at galing pa nga sa sirang pamilya.

Ganoon na lamang siya sumabog sa galit sa harap nito at nakapagsalita ng hindi tama. 

Laking gulat niya na ilang araw na niyang hindi nakikita sa kanilang bahay ang anak. 

“Diyos ko, mukhang nagalit pa talaga sa akin ang anak ko, ha? Para lang naman ‘yon sa kapakanan niya! Anong mahihita niya doon? Peperahan lang siya no’n! May gana pa siyang magkulong sa kwarto at magtampo sa akin!” inis niya pang sambit saka pumunta sa kwarto nito. 

Labis siyang nagtaka dahil sa linis ng kwarto ng kaniyang anak. Wala ang mga damit nito, kahit pa mga sapatos.

Sa paglibot niya ng kaniyang mata, nakita niya ang isang liham, doon niya nalamang napagdesisyunan ng kaniyang anak na lumuwas ng Maynila kasama ang kaniyang nobya at doon magsimula ng sariling buhay. 

Inis na inis siya sa nalamang balita at dali-daling tinawagan ang anak upang pagbawalan ngunit hindi na niya ito matawagan dahilan upang kausapin niya ang dalawa pang anak. Ngunit ika ng kaniyang panganay, “Mama, hayaan mo na si Ted, malaki na siya, alam na niya kung anong makakabuti sa kaniya. Hindi naman dahilan ang mahirap na nobya para pagbawalan mo siyang mag-asawa.” 

Wala na siyang nagawa kundi payagan ang anak kahit pa masama ang kaniyang loob. Lumipas ang tatlong taon na walang paramdam ang kaniyang anak. 

Nagulat na lamang siya nang isang araw, may marangyang sasakyan na tumapat sa kaniyang bahay.

Agad niyang binuksan ang kanilang pintuan at halos mapaiyak siya nang makilala kung sino ang kumakaway sa kaniya. 

“Ted? A-anak ko?” sambit niya saka tumakbo sa anak, bigla namang lumabas ng sasakyan ang nobya nito. 

“O, andito pala ang dahilan ng pag-alis mo sa puder ko,” mataray niyang ika, agad naman siyang pinigilan ng anak. 

“Hayaan niyo po kaming humingi ng tawad, mama,” ika nito saka siya niyayang pumasok sa loob. 

Doon niya nalamang isa na palang doktor ang nobya ng anak. Lumuwas pala ng Maynila ang dalawa upang maipagpatuloy ng dalaga ang dalawang taong kulang nito sa pag-aaral. Nabigyan pala ito ng iskolarship sa isang unibersidad sa Maynila dahilan upang makapagtapos na siya sa naudlot na pag-aaral sa kolehiyo at maging isang ganap na doktor. 

Gulat na gulat siya sa balitang narinig. Halos lumubog siya sa kinauupuan sa hiyang nararamdaman dahil sa pangmamaliit niya sa dalaga. “Pa-pasensya ka na, iha,” nakatungong sambit niya, laking gulat naman niyang yakapin siya nito at sabihing siya ang naging inspirasyon nito upang maging matagumpay sa buhay. 

Doon niya napagtantong tama ang babaeng napili ng kaniyang anak at mali lahat ng kaniyang panghuhusga dito. Laki man ito sa hirap, hindi ito naging hadlang upang mapursigi ito sa buhay na labis niyang hinangaan. 

Ilang taon lang ang nakalipas, ikinasal nga ang kaniyang anak na labis niyang ikinatuwa.

Nawa’y huwag lagi tayong dumipende sa pera, dahil nauubos ang pera at maaaring kitain muli, ngunit ang puso at pagkatao, natatangi at hindi mapepeke.

More Stories