Inday TrendingInday Trending
Waldas sa Pera ang Binatang Ito, Natutunan Niyang Pahalagahan ang Bawat Sentimo nang Makaranas ng Kahirapan

Waldas sa Pera ang Binatang Ito, Natutunan Niyang Pahalagahan ang Bawat Sentimo nang Makaranas ng Kahirapan

“Mga pare, ano, tutuloy ba tayo mamaya?” wika ni Kiro sa mga kaibigang lalaking nakatipon sa bilyaran, isang hapon pagkatapos ng kaniyang klase.

“Oo naman, pare, basta ba magpapatalo ka ng tatlong bote,” sagot ni Gilbert, isa sa kaniyang mga kaibigan saka sumargo sa nilalarong bilyar.

“Tatlong bote lang? Ano, ako, kuripot? Kahit ilang bote pa ang gustuhin niyo, basta walang uuwing hindi lasing!” mayabang niyang sambit dahilan upang maghiyawan ang kaniyang mga kaibigan.

“‘Yan ang gusto namin sa’yo, eh! Kapag ikaw ang kasama namin, bukod sa nakakauwi kaming lasing at masaya, buo pa ang mga pera namin!” ‘ika ng naturang binata saka siya inakbayan.

“Siyempre naman, pare, ako ang medyo nakakaluwag, eh, dapat ako ang magpatalo!” sagot niya pa saka kumindat sa mga kaibigan, “O, paano? Kita na lang tayo mamaya, ha? Kukuha lang ako ng pera sa bangko!” paalam niya.

“Sige, pare, ingat ka!” sabay-sabay na sambit ng kaniyang mga kaibigan, tumango lang siya’t agad nang pinaandar ang bagong bili niyang motorsiklo.

Palaging nagpapatalo sa mga inuman at pagdiriwang ang binatang si Kiro. Dahil nga laki sa marangyang buhay, wala lang para sa kaniya ang libo-libong inilalabas tuwing nagkakayayaan silang magkakaibigan.

Masaya siya sa tuwing nakikitang masaya ang mga ito. Lahat ng hilingin ng mga ito, hindi siya nagdadalawang isip na ibigay. Mapapagkain man ito o gamit, basta’t dumaing sa kaniya ang isa sa mga ito, bukal sa puso niyang ibibigay.

Ang mga binatang ito na lang kasi ang kaniyang nakakasama at naaasahan dito sa Pilipinas. Lahat kasi ng kaniyang kaanak, mapamagulang man niya, kapatid at tiyahin, pawang nasa abroad na at doon na naninirahan.

Matagal na siyang pinapasunod doon ng kaniyang mga magulang, ngunit dahil nga may pagkamatigas ang ulo niya’t nais maging malaya sa lahat ng gagawin niya, mas pinili niyang manatili dito sa Pilipinas kung saan pinapadalhan lang siya ng pera ng kaniyang mga magulang.

Sobra-sobra ang pinapadala ng mga ito dahil nga siya’y nasa kolehiyo na’t alam nilang maraming bayarin, ngunit dahil nga hindi niya pinaghihirapan ang perang ginagasta, gastos doon, gastos dito ang ginagawa niya.

Ngunit noong araw na ‘yon, pagkapunta niya sa bangko upang kumuha ng pera, labis niyang ikinagulat ang sinabi ng isang empleyado roon.

“Naku, sir, kakabura lang po ng account niyo, binawi na po no’ng naghuhulog lahat ng perang nailagay sa account niyo saka ito pinabura kani-kanina lang,” wika nito dahilan upang agad-agad niyang tawagan ang kaniyang ama.

Doon niya nalamang nasunog pala ang kumpanya ng kaniyang ama sa abroad at nalimas lahat ng ari-arian. Hindi na sapat ang pera nito sa abroad upang muling makapagsimula dahilan upang kuhanin nito lahat ng perang nasa bangko niya.

“Pasensiya ka na, anak, magtrabaho ka muna d’yan para sa pang-araw-araw mong gastos, pangako, ibabalik ko lahat kapag bumalik na sa sigla ang negosyo ko rito,” ‘ika nito dahilan upang labis siyang manlumo.

Agad siyang umuwi sa kaniyang bahay, iniyak niya ang panlulumong nararamdaman. Maya-maya pa, tinatawagan na siya ng kaniyang mga kaibigan. Sinagot niya ito’t ikinuwento niya ang tunay na nangyari, ngunit imbis na kaawaan siya at tulungang makabangon, nagalit pa ang mga ito.

“Sabi na, eh, nagbago ka na, sa’yo na ‘yang pera mo! Pinaasa mo kami!” sigaw ni Gilbert saka siya binabaan ng selpon.

Doon niya napatunayang ang mga binatang iyon, nandyan lang kapag siya’y masagana. Ginamit niya ang lahat ng sama ng loob upang muling bumangon sa buhay.

Ibinenta niya ang bagong biling motor. Ginamit niya ang perang napagbentahan upang magtayo ng maliit na damitan sa tapat ng kaniyang bahay at dahil nga wala na siyang pera, minabuti niya munang tumigil sa pag-aaral.

Ilang buwan lang ang lumipas, maraming tumangkilik sa mga damit na kaniyang inaangkat sa Divisoria dahilan upang lumago ito at unti-unti siyang makapag-ipon.

Ngayong may pera na siya ulit, at umingay ang kaniyang negosyo sa buong lalawigan, muli siyang kinamusta ng mga dating kaibigan. Pinakitunguhan niya pa rin ng maayos ang mga ito ngunit hindi na siya naglalabas ng pera katulad dati. Pinainom niya lang ang mga ito ng juice at pinakain ng biscuit.

Nahalata niyang sumimangot ang mga ito dahilan upang masabi niya sa sariling, “Ngayong naranasan ko ang hirap ng buhay, natutunan kong pahalagahan ang bawat sentimong ilalabas ko sa bulsa ko at para sa mga taong nais talaga akong makasama, kahit wala akong maraming pera, magiging masaya sila sa kaunting makakaya ko.”

Hindi pa man muling naibabalik ng kaniyang ama ang perang binawi sa kaniya, may sapat na siyang pera upang muling makabalik sa pag-aaral sa susunod na taon na labis niyang ikinasaya.

Advertisement