
Malas ang Tingin ng Ginang sa mga Batang Kalye, Ito Pala ang Magbibigay Liwanag sa Kaniyang Karinderya
“Hoy, hoy, hoy! Anong ginagawa mo rito, ha? Bawal mangmalimos sa mga kumakain dito! Kaya ako nawawalan ng customer dahil sa mga pulubing katulad mo na palaging nakatanghod sa pagkain!” bulyaw ni Aling Emma sa isang batang kalyeng nakaupo sa pintuan ng kaniyang maliit na karinderya.
“Naku, hindi po, may hinihintay lang po ako,” magalang na sagot nito.
“May hinihintay? Ano, hinihintay mong malingat ang mga kumakain dito tapos nanakawin mo ang mga gamit nila?” sambit niya habang pinupunasan ang mga silya’t lamesa.
“Hindi po, nagkakamali po kayo ng iniisip, ale,” tugon ng batang kalye na ikinais niya.
“Anong nagkakamali ng iniisip? Hoy, basang-basa ko na ang mga galawang ng mga pulubing katulad mo! Umalis ka sa karinderya ko kung ayaw mong tumawag ako ng tanod at ipakulong ka sa barangay!” bulyaw niya pa rito saka tinaboy-taboy ang naturang bata.
“Sige po, pasensiya na po,” sagot nito saka tuluyan nang umalis.
“Hay naku, may malas na namang nagpunta sa karinderya ko, kapag ako hindi nakaubos, malilintikan sa akin ang susunod na pulubing pupunta rito!” ‘ika niya saka binuhusan ng tubig ang sementong inupuan ng naturang bata.
Halos mag-iisang dekada nang natitinda ng mga lutong ulam ang ginang na si Aling Emma. Sa loob ng matagal na panahong ito, mag-isa niyang pinalago ang munti niyang karinderya. Simula sa pagluluto nang halos labinlimang putahe sa madaling araw, hanggang sa pagtitinda ng mga ito sa tanghali’t gabi, siya lahat ang namamahala.
Ayaw niya kasing kumuha ng trabahador na bukod sa pakikisamahan niya na, papaswelduhin at papakainin niya pa. Gustuhin man niyang may tumulong sa kaniya sa lima niyang anak, lahat nang ito’y may sari-sariling rason upang hindi siya matulungan. Ang iba’y may pamilya na, may sarili ng trabaho, habang ang iba’y nag-aaral pa lamang dahilan upang ilagay niya sa sariling balikat ang bigat ng naturang negosyo.
At kapag nalalagay sa alanganin ang kita niya sa isang araw, madalas niya itong sinisisi sa mga pulubing madalas magpunta sa kaniyang karinderya. Madalas kasi, nawawalan ng gana ang mga kumakain sa kaniya dahil sa mga pulubing may masangsang na amoy na nanghihingi ng limos dahilan upang labis siyang manggalaiti sa mga pulubing dumadaan sa kaniyang karinderya.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang linisin ang inuupuan ng isang batang lalaking pulubi, ilang minuto lang ang lumipas, may isang matandang walang kamay ang nais kumain sa kaniyang karinderya. Bumili ito ng isang putaheng ulam at dalawang kanin na nakalagay sa magkaibang plato.
“Naku, tatay, bakit ipapaghiwalay pa natin? Dagdag hugasin lang, eh,” sambit niya nang dalhin niya sa lamesa nito ang mga pagkain.
“Dalawa kami noong batang ‘yon,” sambit nito saka tinuro ang batang kanina’y pinalayas niya.
“Kilala niyo po ‘yan, ‘tay?” tanong niya rito.
“Oo, kahapon ko lang nakilala ‘yan doon sa isang kainan. Siya ang nagsilbing mga kamay ko habang pinagtatawanan ako ng mga tao doon dahil kumakain akong parang aso. Kita mo naman, wala na akong kamay, marami na akong hindi magawa,” kwento nito saka pinapasok ang naturang bata.
Doon tila lumambot ang puso niya. Pinagmasdan niyang magsalo sa kaunting pagkain ang dalawa. Doon niya napagtantong, “Hindi pala lahat ng batang kalye, may masamang balak sa’yo, malas, ang iba pala’y may mabuti ring puso,” saka siya napangiti sa kabaitang pinapakita ng isang batang pinagkaitan ng tadhana.
Pagkatapos kumain ng matanda, agad na itong nagpaalam, baka raw kasi hanapin na siya ng kaniyang mga anak. Nagpasalamat lang ito sa naturang bata saka sinabing, “Mamayang hapunan ulit, ha?” agad naman itong tumango-tango.
Imbis na agad nang umalis, niligpit muna nito ang kanilang pinagkainan na labis niyang ikinatuwa. Doon na siya nagdesisyong kupkupin ito at patulungin sa kaniyang negosyo.
“Alam mo, tingin ko, magkakasundo tayo, gusto mo bang tumira rito?” alok niya, agad naman itong pumayag saka nagtatatalon sa saya.
“Salamat po!” sambit nito habang pinupunasan ang luhang dala ng sayang nararamdaman.
Ang kwentong ito’y kumalat sa buong siyudad dahilan upang dayuhin ang karinderya ni Aling Emma ng mga taong natuwa sa kabaitan ng isang batang kalye at siyempre, dahil sa mabuting pasyang ginawa niya.
Lalo pang lumago ang kaniyang negosyo hanggang sa naging isa na itong restawran na labis niyang ikinasaya. ‘Ika niya habang pinagmamasdan ang maganda niyang restawran, “Isang batang kalye ang swerte ko,” saka niya niyakap ang batang ngayo’y may maayos ng damit, sapatos at higit sa lahat, wala nang masangsang na amoy. Sa kabilang banda naman, nakita niyang masayang nakatanaw sa kaniya ang matandang ngayo’y kasosyo na niya sa negosyo.