
Masama ang Ugali ng Dalaga sa Kaniyang Yaya; Gulat na Gulat Siya nang Sumambulat ang Katotohanan
Spoiled brat ang dalagang si Floralyn Zhey. Iisang anak siya ng mag-asawang Francisco at sunod sa luho ng mga magulang. Lahat ay nabibighani sa kagandahan ng dalaga, lahat ay hinahangaan ang mala-anghel nitong mukha ngunit kabaliktaran naman ang tunay na ugali nito. Maarte, matapobre at bastos ang dalaga. Saksi ang kasambahay nilang si Aling Alicia kung gaano kalupit ang dalaga kapag hindi nakatingin ang mga magulang.
“Yaya, kuhanan mo ako ng juice!” sigaw ni Floralyn sa nag-iisang kasambahay.
“Ito na po, madam.” Iniabot ni Aling Alicia ang orange juice na itinimpla para sa dalaga.
“Nagbago na pala ang isip ko, ayoko na niyan. Mukhang pangit ang lasa, e!” Irap pa nito bago nilisan ang living area at umakyat sa kwarto. Napailing si Aling Alicia sa inasta nito.
Simula pagkabata ay siya na ang nag-alaga nito. Marami na siyang hirap na dinanas sa kamay nito ngunit hindi niya magawang iwan ang mansyon at si Floralyn. Lahat ng pang-aalipusta, masasakit na salita ay naibato na sa kaniya ng dalaga. Napaluha na lamang siya habang nakatingin sa hagdang inakyatan nito.
Kinagabihan ay ibang lalaki naman ang kahalikan ni Floralyn habang paakyat sa sariling kwarto. Malaya niyang nagagawa ito dahil nasa out-of-town ang kaniyang mga magulang. Nakita niya si Aling Alicia na malungkot pero hindi niya pinansin at agad na isinarado ang pinto. Magdamag nilang pinagod ang mga sariling katawan sa pag-iisa.
Sa pagdaan ng mga araw ay mas lalo pang naging iba ang ugali ni Floralyn. Naging mapanagot ito kaya naman hindi nakatiis si Aling Alicia na tawagan ang mga magulang ni Floralyn.
Ilang araw lang ay nakauwi galing Japan ang mag-asawa. Nahuli ng mga ito ang pinaggagagawa ni Floralyn. Dismayado si Ariel sa nakita. Masinsinan nila itong kinausap at saka ipinagtapat ang katotohanan.
“Alam mong mahal ka namin, Zhey,” panimula ni Ariel. “Ngunit hindi na maaari pa na ganiyan ang pag-uugali mo! Hindi ka namin pinalaking bastos lalo na kay Alicia. And for pete’s sake, kailan mo pa ginagawang magdala ng lalaki sa pamamahay ko?” hindi nakatiis si Ariel na sigawan ang anak.
Nakatungo lang si Floralyn at hindi umiimik.
“Nangako kaming hindi namin sasabihin ang totoo sa ‘yo pero hindi na tama ito,” saad ni Ariel. Napatingin si Floralyn sa kaniyang ama na nakatingin naman kay Aling Alicia. Nagpapalit-palit ang tingin ni Floralyn sa ama at sa yaya niyang umiiyak na.
“W-What do you mean, Dad?” naguguluhan niyang tanong.
“Anak, hindi k-kami ang t-tunay mong mga m-magulang. Hindi kami kung hindi siya,” napamaang si Floralyn nang ituro ng kaniyang ama ang kanilang Yaya Alicia.
“Y-You’re joking, right, Dad? It’s impossible! How come that Yaya Alicia is my mother? That’s insane, Dad!” umiyak na sigaw ni Floralyn, hindi makapaniwala.
Umiiyak din si Alicia habang ang asawa ni Ariel ay nakikinig lang.
“Inampon ka lang namin. Hindi kami magkaanak at nang mga panahong iyon ay kinailangan niya ng tulong sa ospital. Doon ka namin inampon, namasukan siya bilang katulong kaya hindi na kami nagdalawang-isip ng Mommy mo. She promised na hindi niya sasabihin ang totoo unless kami ang magsasabi. As your father, you need to know the truth, hindi na tama ang nangyayari.” Napatitig lang si Floralyn sa ama. Hindi mapaniwalaan ang sinasabi ng kinilalang magulang.
“Kaya pala hindi ko maramdaman ang pagmamahal ni Mommy. That’s why I feel like I’m lost. Kaya pala ganoon na lang ako pagsabihan ni Yaya at pangaralan because I’m her daughter. Now I understand, niloko ninyo akong lahat!”
Nagtatakbo papasok ng kwarto si Floralyn, walang humpay ang pag-iyak. Maghapon at magdamag siyang nagkulong sa kwarto hanggang sa muling may kumatok sa pintuan.
“Floralyn,” tawag ng Yaya Alicia niya. Nagdalawang-isip siya kung bubuksan o hindi pero pinili na lamang niyang buksan.
May hawak itong tray ng pagkain. Inilapag nito iyon sa table malapit sa kama niya at umupo sa kaniyang tabi. Hindi niya malaman ang gagawin o sasabihin pero pinili niyang umupo rin at hinayaan ang kaunting espasyo sa kanila.
“Patawad kung naglihim ang mga magulang mo sa ‘yo. Patawarin mo ako kung ipinamigay kita dahil sa hirap ng buhay. Patawad anak kung naging masama akong ina sa ‘yo pero tandaan mong walang araw na hindi kita minahal,” lumuluhang sambit ni Alicia. Unti-unting tumulo ang luha ni Floralyn. Masakit sa kaniya ang bawat pangyayari pero hindi maitatanggi na naging mabuti si Alicia sa kaniya.
“Sorry for everything. I’m s-sorry,” hinging paumanhin din ni Floralyn bago niya niyakap ang tunay na ina.
Sa pinto naman ay nakasilip ang mag-asawang Francisco na masaya para sa anak at yaya nilang si Alicia. Alam nilang hindi na kailanman maliligaw ng landas ang pinakamamahal nilang anak nang mangako itong magbabago simula ngayon.
Minsan, ang katotohanan lamang ang tanging paraan upang maging tuwid ang mga kamalian. Huwag nating ipagkait ito tungo sa masayang buhay.