Inday TrendingInday Trending
Binigyan Siya ng Mababang Posisyon sa Kompanya ng Mayamang Lolo; Motibo raw nitong Turuan Siya

Binigyan Siya ng Mababang Posisyon sa Kompanya ng Mayamang Lolo; Motibo raw nitong Turuan Siya

Pagkapasok na pagkapasok pa lamang ni Lawrence sa opisina ay kapansin-pansin na ang pagbubulungan ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Hindi man naririnig ni Lawrence ang mismong sinasabi ng mga ito ay alam naman niyang siya ang kanilang pinag-uusapan.

Si Lawrence ay ang nag-iisang apo ng taong siyang nagmamay-ari sa kompaniyang pare-pareho nilang pinagtatrabahuhan. Si Don Mariano Alegria. Anak nito sa labas ang kaniyang amang matagal din nitong hindi nakita.

Simula nang pumanaw sa murang edad dahil sa sakit ang anak ni Don Mariano sa tunay nitong asawa ay hinanap na nito ang ama ni Lawrence. Umaasa ang Don na ito ay maaari niyang pagkatiwalaan at maging tagapagmana kahit pa noon ay hindi naman niya ito kinilala bilang anak. Ngunit laking pagsisisi ng Don dahil ang anak na kaniyang inaasahang magmamana ng lahat ng kaniyang ari-arian ay nagbago simula nang makatikim ng magandang buhay. Walang kaalam-alam noon ang Don na ang kompaniyang iningatan at pinalago niya sa loob ng mahabang panahon ay unti-unti nang bumabagak at napapabayaan ng anak niyang noon ay lulong na sa napakaraming bisyo. Alak, babae, sugal at kung anu-ano pa. Halos malupog na ang kaniyang kompanya sa pangangalaga nito.

Dahil doon ay itinakwil muli ng Don ang anak. Muli itong naghirap hanggang sa ito ay bawian ng buhay dahil sa sakit sa atay. Nabalitaan ng Don na nagkaroon pala ito ng anak sa isang bayaran babae. Agad niyang hinanap ang apo na noon ay binatilyo na at iyon nga ay walang iba kundi si Lawrence. Pinag-aral niya ito, binihisan at binigyan ng maayos na tirahan kasama ang ina nito, ngunit kailanman ay hindi itinuring na kapamilya ang mag-ina sa takot na matulad lamang ito sa kaniyang anak.

Samantala, si Lawrence ay hindi kailan man sumuko upang mapasaya ang kaniyang lolo. Gusto niyang maging proud ito sa kaniya kahit na mukhang malabo iyong mangyari. Sa tagal na kasi nilang magkasama ay hindi kailan man nito ipinaramdam na kadugo ang turing nito sa kaniya. Kung tratuhin kasi siya nito ay animo siya ibang tao. Ni hindi siya nito matingnan sa kaniyang mga mata nang matagal o matawag man lang na apo. Ganoon pa man ay pinilit ni Lawrence na mapalapit sa kaniyang lolo sa pamamagitan ng pag-e-excel sa eskuwelahan, pagiging masipag at masikap na binata at pagbibigay ng iba’t ibang karangalan sa pangalan ng kanilang pangalan.

“Sir, pwede po bang magtanong kung bakit ginagawa ninyo sa apo n’yo ito? Bakit tinitiis ninyo siya gayong sa kaniya rin naman mapupunta ang lahat ng inyong mga ari-arian? Bakit kailangan n’yo pa siyang pahirapan?” tanong ng personal na abogado ni Don Mariano sa kaniya sa kalagitnaan ng kanilang meeting tungkol sa sikretong pagsasalin ng mga ari-arian ni Don Mariano sa pangalan ng apo niyang si Lawrence.

Biglang ngumiti ang Don at humawak sa kaniyang sentido bago nito sinagot ang kaniyang pinagkakatiwalaang abogado. “Ito lang kasi ang nakikita kong paraan para hindi siya matulad sa nangyari sa kaniyang ama. Ayaw kong maulit muli ang pagkakamaling nagawa ko noong bigla kong ibinigay ang lahat sa aking anak sa pag-aakalang sa pamamagitan niyon ay mapupunan ko ang pagkukulang ko bilang ama sa kanilang magkapatid.”

“Gusto kong magsilbing aral sa aking apong si Lawrence ang pagsisimula sa mababa upang kahit papaano ay kaya niyang isipin ang kapakanan ng iba bago siya gumawa ng padalos-dalos na desisyon, lalo na iyong mga bagay na alam naman niyang walang idudulot na maganda sa kaniya,” dugtong pa ng Don habang iniisip ang nakikita niyang kasi pagan ng kaniyang apo kahit na ilang araw pa lang naman ito sa trabaho. Ang totoo ay talagang malaki ang paghanga niya sa apong si Lawrence hindi man siya nagsasalita. Simula pa noon ay talagang ipinapakita nito ang buong kakayahan upang mapasaya lamang siya ngunit hindi alam ng Don kung paano iyon tutugunan.

Lumipas pa ang matagal na panahong at unti-unti nang ipinakita ng Don ang kaniyang tunay na damdamin sa apo habang si Lawrence naman ay unti-unti pang mas natututo sa mga pinagdaraanan sa kaniyang trabaho.

Dahil doon ay mas nabuo ang tiwala ni Don Mariano sa apo hanggang sa dumating na nga ang araw na sinabi na niya rito na matagal na niyang isinalin sa pangalan nito ang kaniyang mga pamana. Naging maayos at masaya ang samahan ng maglolo sa nalalabing mga taon ng Don sa mundo.

Advertisement