Inday TrendingInday Trending
Dahil sa mga Post Niyang Litrato ng Ulam sa Social Media ay Nagalit si Kumare; Bakit Naman Kaya?

Dahil sa mga Post Niyang Litrato ng Ulam sa Social Media ay Nagalit si Kumare; Bakit Naman Kaya?

Nakangiti pa si Sally habang kinukuhanan ng litrato ang mga putaheng iniluto ng kaniyang dalawang masisipag na mga anak na sina Stella at Gavin. Galing siya kanina sa maghapong pagtatrabaho at katulad ng inaasahan ay sinalubong siya ng mga ito ng masasarap na putahe sa hapunan bilang pangpawi sa kaniyang pagod.

Pinindot niya ang post button sa kaniyang Facebook account at agad na tumambad sa kaniyang timeline ang masasarap na ulam na iniluto ng kaniyang mga anak para sa kaniya. Nadagdagan na naman ang album niya na siyang nagpapatunay na napakasuwerte niya sa kaniyang mga anak dahil ang mga batang ito ay masisipag at mapagmahal.

Masayang nagii-scroll si Sally sa kaniyang Facebook account nang bigla na lamang may mag-pop na notification sa kaniyang cellphone. Ang sabi roon ay nagkomento raw sa kaniyang ipinaskil na litrato ang kaniyang kaibigang si Lorrie.

“Mare, alam naming masarap lagi ang ulam ninyong mag-ina, araw-araw. Hindi mo na kailangang i-post pa ’yan lagi para ipagyabang. Maging sensitive ka naman sa kapwa mo! ’Yong ibang makakakita niyan, hindi mo alam wala palang makain. Iniinggit mo pa!” anang nasabing komento na talagang ikinagulat ni Sally.

Bigla siyang napatanong sa sarili kung ano ang mali sa pagpo-post ng mga bagay na nagpapasaya sa ’yo gamit ang sarili mo namang account? Isa pa’y simpleng putahe lamang naman iyon katulad ng nilagang kangkong na binuhusan ng mainit na ginisang bagoong. Espesyal lamang naman kasi sa kaniya ang mga putaheng iyon dahil iniluto iyon ng may pagmamahal mula sa kaniyang mga anak.

“Mare, wala akong intensyong magyabang o mang-inggit ng kapwa. Huwag kang mag-isip nang ganiyan. Ipinaskil ko lang naman ’yan dahil natutuwa ako sa mga anak ko. Maging masaya ka na lang din sana para sa kapwa mo,” hindi nakapagpigil namang sagot ni Sally sa kaniyang Kumareng Lorrie.

Ngunit hindi pa roon natapos ang kanilang bangayan at palitan ng opinyon kahit na ang totoo ay hindi talaga alam ni Sally kung ano ang ipinuputok ng butsi ng kaniyang kumare.

“Simula sa araw na ito, hindi na kita kaibigan!” Iyon ang huling iniwan nitong komento bago siya nito in-unfriend sa Facebook. Napakamot na lamang sa ulo si Sally at malaki ang pagtataka sa problema sa kaniya ng kaibigan. Hindi pa naman siya sanay na may nakakaalitang kaibigan lalo’t ang dahilan ay simpleng bagay lamang naman. Napagpasiyahan ni Sally na magpapakumbaba na lamang siya at iintindihin si Lorrie dahil mukhang may pinagdaraanan yata ito.

Kinabukasan ay pinuntahan agad ni Sally si Lorrie sa bahay ng mga ito. May dala pa siyang mga prutas bilang peace offering kung sakaling nagtatampo pa rin ito sa kaniya.

Ngunit tila hindi nagustuhan ni Sally ang nadatnan sa tahanan ng pamilya ng kaniyang Kumareng Lorrie. Paano’y puno na naman ng mga sugarol ang kanilang bakuran kahit halos kasi sikat pa lang ng araw.

Napakaaga namang mag-umpisa ng sugal an session ng mga ito?! Nasabi niya sa kaniyang sarili.

Ganoon pa man ay magpapatuloy na sana si Sally sa paglapit sa kaibigan… ngunit muli siyang napahinto nang marinig ang sinabi ng kaibigang si Lorrie.

“Alam n’yo ba, mga Mamsh? Inaway ko si Sally kagabi sa Facebook!” tumatawang balita ni Lorrie sa mga katsismisan.

“Naku, bakit naman? E, ‘di ba ang bait-bait ng kaibigan mong ’yon sa ’yo?” bigla namang tanong ng isa na bagama’t tsumitsismis ay nakatutok naman ang mga mata sa hawak niyang mga baraha.

“Wala lang. Ginawan ko lang siya ng pag-aawayan kagabi. Naiinis kasi ako sa kaniya hanggang ngayon dahil hindi niya ako pinautang noong isang buwan. Ang arte-arte, akala mo hindi babayaran!”

Napasinghap si Sally sa sagot na ’yon ng kaibigan. Iyon lamang pala ang dahilan kung bakit siya nito inaway kagabi! Napakababaw niyon para isakripisyo ang ilang taon na nilang pagiging magkumare!

Hindi na nakapagpigil pa si Sally. Tuluyan na siyang nagpakita sa kaibigang si Lorrie at halos ganoon na lang ang pamumutla nito nang malamang narinig niya ang sinabi nito!

“Hindi mo na ako kailangan pang itaboy ulit sa ganoong paraan, Lorrie. Ito na ang huling beses na mag-uusap tayo. Sayang lang ang pinagsamahan natin. Dahil lamang hindi kita napautang ng pangsugal ay sinira mo iyon. Napakababaw mong tao!” sigaw pa ni Sally sabay talikod at hakbang paalis.

Napagtanto niyang wala pala talaga sa tagal ng pinagsamahan ang pakikipagkaibigan. Minsan, kapag alam mong hindi na karapat-dapat pa ang isang tao sa pagpapahalaga mo ay dapat mo rin silang kalimutan upang magpatuloy ang masaya at tahimik mong buhay.

Advertisement