Inday TrendingInday Trending
Nilulustay sa Sugal at Luho ng Magkapatid ang Perang Ipinapadala sa Kanila ng Tiyahin; Nganga Sila nang Mabisto ang Mali Nilang Gawain

Nilulustay sa Sugal at Luho ng Magkapatid ang Perang Ipinapadala sa Kanila ng Tiyahin; Nganga Sila nang Mabisto ang Mali Nilang Gawain

Masayang-masaya ang magkapatid na Josie at Stella dahil bumalik na galing sa ibang bansa ang kanilang tiyahin na si Cora. Sa tuwing uuwi ang matandang babae ay nagbubuhay prinsesa ang magkapatid dahil sa mga dalang pasalubong nito. Binibigyan rin sila nito ng pera dahil sila lang naman ang malapit na kamag-anak mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang.

“Mabuti naman at naisipan niyong magbakasyon dito, tita. Ano bang plano niyo habang narito kayo?” tanong ni Josie.

“Tatlong linggo lang ang ilalagi ko rito. May mga aasikasuhin lang ako at babalik din ako sa Canada. Kumusta naman kayo rito? Itong bahay hindi niyo ba napapabayaan, naipagawa niyo ba? Ang bake shop ni Ate Madel, maayos ba ang pagpapatakbo ninyong magkapatid? Tandaan niyo, iniwan sa inyo ng inyong ina ang negosyong iyon na dugo at pawis ang kaniyang naging puhunan. Mahal na mahal niya ang bake shop kaya nais kong malaman kung maayos ba ang takbo ng negosyo?” tanong ng tiyuhin.

“Huwag po kayong mag-alala, binabantayan naman po namin at inaalagaan itong bahay na iniwan sa amin ni mama at maayos naman po ang pagpapatakbo namin sa negosyo niya,” sabad naman ni Stella.

Mula nang pumanaw ang ina ay ang tiyahin na nila ang tumulong sa kanilang magkapatid. Ipinaayos nito ang bahay nila at ito rin ang tumulong sa kanilang ina na maipatayo ang bake shop na kasalukuyang bumubuhay sa kanila.

“Mabuti naman kung ganoon. Dahil sa inyo rin naman mapupuntang magkapatid itong bahay at ang bake shop,” wika ni Cora.

Maya-maya ay niyaya na nilang kumain ang tiyahin. Naghanda talaga sila ng maraming pagkain para sa pagdating nito.

Kinagabihan habang himbing na himbing nang natutulog si Cora ay ‘di napigilang pag-usapan nina Josie at Stella ang matandang tiyahin.

“Nag-aalala ako, Ate Josie. Paano kung malaman ni Tiya Cora na nalulugi na ang bake shop at matagal na nating naisanla ang titulo nitong bahay dahil sa pagsusugal mo. Ikaw kasi wala kang tigil sa bisyo mo! Iyong mga ipinapadala niyang pera sa atin ay winaldas mo lang sa sugalan. Buti sana kung nananalo ka, e pero anong ginawa mo ipinatatalo mo lang lahat ang pera! Pati kita ng bake shop ay inuubos mo sa pagsusugal kaya nagkandalugi-lugi na ang negosyo ni mama,” paninisi ni Stella.

“Aba, huwag mo ngang isisi sa akin ang lahat! Ikaw nga itong walang ginawa kundi bumili ng kung anu-ano sa perang galing sa bake shop, e! Iyang bago mong cell phone at laptop ‘di ba ang perang ipinambili mo riyan ay ang perang ipinadala ni Tiya Cora para pambili ng mga ingredients sa bake shop? Puro ka kasi luho kaya nalulugi ang bake shop, kaya huwag mo lang isisi sa akin ang lahat,” sabi ni Josie.

Wala palang kaalam-alam si Cora na nalulugi na pala ang negosyo na pinaghirapan nilang ipundar ng namayapang kapatid.

Isang araw, nang bisitahin ni Cora ang bake shop ay nakita niya na halos kaunti na lang ang mga paninda na naroon. Napansin din niya na mangilan-ngilan na lang ang mga customer na bumibili. Nakaramdam ang matanda na may hindi magandang nangyayari kaya naisip niyang matiyagan ang mga pamangkin.

Nang sumunod na araw ay nakita niyang umalis si Josie gamit ang kotse na ipinundar niya. Ibinigay niya iyon sa magkapatid para kapag umaalis ang mga ito ay hindi na kailangang mag-commute. Palihim niyang sinundan ang pamangkin, sumakay siya sa pinarang taxi. Huminto ang sasakayan sa isang bahay at pumasok roon. Bumaba ang matanda sa taxi at inalam kung ano o sino ang pinuntahan ng pamangkin. Nang biglang may dumating na isang babae at nakita siya na patingin-tingin sa labas ng bahay.

“May kailangan po kayo, manang?” tanong ng babae.

“Nakita ko kasi na pumasok sa bahay na iyan ang pamangkin ko, ano ba ang mayroon diyan sa loob?” tanong ng matanda.

“Ganoon po ba? Sugalan po ang nasa loob niyan. Regular din po akong nagsusugal diyan kaya baka kilala ko kung ano ang pangalan ng pamangkin niyo,” sagot ng babae.

Nagulat si Cora sa kaniyang nalaman. Hindi niya akalain na may bisyo ang pamangkin.

Pagbalik sa bahay ay agad niyang kinompronta si Stella tungkol sa bisyo ng kapatid.

“Matagal na pala ang bisyong pagsusugal ni Josie, hindi mo man lang sinabi sa akin? Magtapat ka nga, Stella. Saan napupunta ang mga perang ipinadadala ko sa inyo? Nakakapag-ipon pa ba kayong magkapatid o ginamit niyang lahat sa pagsusugal?” tanong ni Cora.

Wala nang nagawa si Stella kundi aminin ang totoo sa tiyahin.

“I-ipinapatalo po niyang lahat sa sugal ang mga ipinapadala niyo at ang kita ng bake shop, tiyang,” sabi ng pamangkin.

Sa aktong iyon ay siya namang dating ni Josie at naabutan ang pag-amin ng kapatid.

“Walang hiya ka, ‘di ko akalaing ilalaglag mo ako!” anito.

“Tumigil ka! Akala mo ay hindi ko malalaman ang mga ginagawa mo? Inuubos mo lang pala sa sugal ang mga perang ipinapadala ko sa inyo at pati ang kita ng bake shop ay winawaldas mo sa bisyo mo,” galit na sabi ni Cora.

“Hindi lang naman ako ang dapat niyong sisihin, dapat sisihin niyo rin ang magaling na babaeng iyan dahil ginasta niya sa pagbili ng kung anu-anong mamahaling gadgets ang perang ipinapadala niyo pati na ang pambili ng mga sangkap ng tinapay para sa bake shop,” bunyag ng babae.

Nabigla si Cora sa ibinunyag pa ng pamangkin. Ang pinaghirapan nilang negosyo ng kaniyang kapatid ay nalulugi dahil sa kapabayaan ng kaniyang mga pamangkin.

“Puwede ba, huwag mo lang isisi sa akin kung bakit nalulugi ang bake shop, sisihin mo rin ang sarili mo dahil sa kita ng bake shop mo rin kinukuha ang mga ipinapatalo mo sa sugal!” singhal pa ni Stella.

Hindi na nakapagpigil pa si Cora at binulyawan ang magkapatid.

“Pareho lang kayong dalawa! Inakala ko na pinahahalagahan niyo ang bawat hirap at sakripisyo ko sa ibang bansa. Iyon pala ay winawaldas niyo lang sa walang katuturan? Bukas na bukas rin ay aalis na ako, babalik na ako sa Canada at baka hindi na ako muling bumalik rito. Kung ano ang ibinigay ko sa inyo ay iyon na lang at wala na kayong matatanggap sa akin mula ngayon kahit isang kusing. Kayo na ang bahalang gumawa ng paraan para isalba ang bake shop. Sana sa pag-alis ko ay matuto kayong magpahalaga sa kung anuman ang ibinigay sa inyo,” wika ng matandang babae.

Natuloy sa pag-alis at walang iniwan na kahit magkano ang matandang babae sa mga pamangkin. Laking pagsisisi ng magkapatid sa ginawa nilang pagwawaldas sa perang pinaghirapan ng kanilang tiyahin. Ngayon ay namomroblema sila kung paano iaahon ang nalulugi nilang negosyo na pinagkukuhanan nila ng ikabubuhay. Kung hindi nila pinairal ang pagbibisyo at pagiging maluho ay hindi sana nagkaroon ng problema ang kanilang negosyo at hindi nawalan ng gana ang kanilang tiyahin na tulungan silang magkapatid.

Advertisement