Nakakita ng Limpak-Limpak na Salapi ang Lalaking Katiwala sa Loob ng Kwarto ng Amo; Susubukin Nito ang Kaniyang Pagkatao

Kinuha bilang isang katiwala si Abdon ng isang mayamang pamilya. Kakilala ng kaniyang ina ang may-ari ng malaking bahay na babantayan niya.

“O, ikaw ba si Abdon? Ako si Mameng, ang katiwala nina Mr. at Mrs. Saavedra. Sinabi na ba sa iyo nina Sir kung ano ang mga dapat mong gawin? Magaan lang naman ang magiging trabaho mo rito, e. Kailangan lang naman ay palaging malinis ang buong bahay at huwag mong hahayaan na mayroong ibang makakapasok dito,” mahigpit na paalala ng matandang babae.

“Makakaasa po kayo na gagawin ko po ng maayos ang trabaho ko,” tugon niya.

“Kung gayon ay wala palang magiging problema,” sabi pa ng matanda.

Iniwan sa kaniya ni Mameng ang susi ng malaking bahay bago ito tuluyang umalis. Pansamantalang magbabakasyon ang matandang babae sa pamilya nito sa probinsya kaya siya muna ang pansamantalang magbabantay sa bahay ng mayamang mag-asawa. Ang malaking bahay na binabantayan niya ay isa sa limang bahay ng pamilya sa Maynila.

Nang makaalis ang katiwala ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Namangha siya sa mamahaling muwebles na nasa sala. Ang iba roon ay mga antigo na.

“Kay ganda naman ng bahay na ito! Napakayaman siguro ng pamilyang iyon,” bulong niya sa isip.

Maya-maya ay umakyat siya sa ikalawa at ikatlong palapag at sinilip ang mga kuwartong naroon. May anim na kuwarto roon na ang isa ay pagmamay-ari ng mag-asawa at ang lima naman ay sa mga anak ng mga ito.

Advertisement

Nang pasukin niya ang kuwarto ng mag-asawa niyang amo ay may nakita siya na ikingulat niya nang husto. May naiwan kasing malaking bag na punumpuno ng pera sa ibabaw ng kama.

“A-ang daming pera nito!” gulat niyang sabi.

Hindi niya naiwasang lapitan iyon at busisiin. Halos lumuwa ang kaniyang mga mata nang makita ang limpak-limpak na pera sa loob ng bag. Sa tingin niya ay aabot sa sampung milyon ang halaga niyon.

“Napakaraming pera nito! Ngayon lang ako nakakita ng ganitong kalaking halaga!” mangha niyang sabi sa sarili.

Sumagi sa isip niya na kumuha ng pera sa loob ng bag ngunit pinigilan siya ng kaniyang kunsensiya.

“Hindi ito tama. Hindi ko pagmamay-ari ang mga ito,” pigil niya sa sarili.

Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at bumaba sa sala. Sa sobrang kaba ay napaupo siya sa sofa. Ngayon lang kasi siya nakakita ng ganoon karaming pera sa buong buhay niya. Sa isip niya ay napakasuwerte naman ng mag-asawang amo niya. Naisip rin niya na bakit hinayaan ng mga ito na iwan ang bag na iyon na punum-puno ng malaking halaga ng pera? Hindi man lang ba naisip ng mga amo niya kung gaano kahalaga ang mga iyon?

Isang araw ang lumipas. Abala si Abdon sa paglilinis ng garahe nang biglang tumawag ang bunso niyang anak.

Advertisement

“Itay, maaari po bang makahingi sa inyo ng pera? May mga kailangan po kaming bayaran sa eskwela at ako na lang po ang hindi nakakapagbayad,” daig ng anak.

Napakamot sa ulo ang lalaki.

“Anak, sa susunod na linggo pa ang sahod ko, e. Baka naman puwede kang humiram muna ng pera sa lolo at lola mo?” anito.

“Sige po, itay. Maghingi po muna ako kina lola,” tugon ng anak.

Maya-maya ay ibinaba na niya ang cell phone na may paghihinayang sa kaniyang loob. Hindi man lang niya natulungan ang anak sa problemang pinansyal nito. Nang biglang pumasok sa isip niya ang bag na may lamang limpak-limpak na pera sa loob ng kwarto ng kaniyang amo.

“H-hindi, hindi, hindi, masama ang iniisip mo, Abdon! Tumigil ka!” saway niya sa isip.

Pilit na pumapasok sa utak niya na kumuha ng pera sa kuwarto ng mag-asawa ngunit tinututulan naman niya ito.

Nang sumunod na araw ay tumawag naman ang kaniyang asawa at sinabing isinugod sa ospital ang ikalawa nilang anak dahil sa mataas na lagnat. Sinabi sa kaniya ng asawa na kulang ang dala nitong pera na pambayad sa ospital.

Advertisement

“Anong gagawin ko? Baka may masamang mangyari sa anak ko!” nag-aalala niyang tanong sa sarili.

Hindi mapakali si Abdon at gulong-gulo na ang kaniyang isip. Muli niyang naisip na kumuha kahit maliit lang na halaga sa bag na nasa loob ng kwarto. Agad siyang pumanhik sa itaas at pumasok sa kuwarto ng mga amo. Nakita niya ang malaking bag na nakapatong sa ibabaw ng kama na tila hinihipnotismo siya papunta roon ngunit kinuyom niya ang mga palad at muling pinigilan ang sarili.

“Hindi, hindi ito tama, hindi, Abdon, tumigil ka!”

Nang biglang may tumawag ulit sa kaniya.

“Mahal, may pambayad na tayo sa ospital. Pinahiram na ako ng pera nina itay at inay. Huwag ka nang mag-alala sabi ng doktor ay magiging maayos rin ang anak natin,” sabi ng asawa sa kabilang linya.

Napapikit si Abdon at taimtim na nanalangin.

“Diyos ko, maraming salamat po. Muntik na po akong magkasala sa inyo!” mangiyakngiyak niyang sabi.

Kinaumagahan ay nagulat si Abdon nang biglang dumating ang katiwala na si Mameng.

Advertisement

“Abdon, maaari ka bang makausap?” tanong ng matandang babae.

Biglang siyang nakaramdam ng kaba. Bakit kaya ito bumalik at ano ang pakay nito sa kaniya.

“A-ano po iyon?”

“Alam mo ba na naipasa mo ang pagsubok ng mga amo natin? Sinadya nilang iwan sa loob ng kanilang kwarto ang bag na naglalaman ng maraming pera para subukin ang iyong pagkatao. Naglagay sila ng CCTV sa loob ng kwarto na hindi mo mapapansin kaya kitang-kita nila ang bawat kilos mo. Tuwang-tuwa naman sila sa iyo dahil sa pagiging matapat mo. Hindi mo ginalaw ang iniwang pera sa kwarto at dahil diyan ay ibinibigay na nila sa iyo itong malaking bahay, tanda ng pasasalamat nila sa iyo. Ang totoo’y balak na nilang ibenta ito ngunit sobra silang natuwa sa iyo kaya napagdesisyunan nilang ibigay na ito sa iyo. ‘Di ba nangungupahan lamang kayo rito sa Maynila? Ito na, mayroon na kayong sariling bahay ng iyong pamilya. Kukunin ka na rin nilang permanenteng katiwala sa isa pa nilang bahay sa Makati,” bunyang ng matandang babae.

Hindi makapaniwala si Abdon na sa ginawa niyang hindi pangingialam sa pera ng kaniyang mga amo ay binigyan pa siya ng pabuya ng mga ito.

“Diyos ko, sobra-sobra na po ito!” sabi niya.

“Tanggapin mo na, Abdon. Wala na namang titira sa bahay na ito. Imbes na ibenta at pakinabangan ng iba ay gusto nilang ikaw ang tumira at mangalaga,” wika pa ni Mameng.

Labis-labis ang pasasalamat ni Abdon sa mag-asawa niyang amo. Hindi niya akalain na magbubunga ng maganda ang hindi niya pag-angkin sa pag-aari ng iba. Sinubok man siya ng pagkakataon ay namayani pa rin sa isip at puso niya ang kabutihan.