
Labis ang Pagkamuhi ng Binata sa Ama; Handa Pala Nitong Isakrispisyo ang Sarili para sa Kaniya
“Anak, nariyan ka na pala? Kumain ka na ba?” tanong ni Martin sa anak na si Ryan.
Tiningnan lang ng binata ang ama at padabog na umakyat ng hagdan patungo sa kwarto nito.
Mula nang pumanaw ang ina ni Ryan ay nagkaroon na siya ng sama ng loob sa ama dahil hindi naman mawawala nang maaga ang ina kung ‘di dahil sa magaling niyang ama.
Babaero kasi ang amang si Martin at nang matuklasan ng ina na nambabae ito ay bigla na lang inatake sa puso na agad na ikinas*wi ng ina. Mula noon ay hindi na pinapansin ni Ryan ang ama. Kahit nakatira sila sa iisang bubong ay nilalampas-lampasan lang niya ito na parang hangin.
Ang hindi niya pagpansin sa ama ay ikinabahala naman ng kaniyang lola.
“Hanggang kailan mo ba hindi papansinin ang tatay mo, apo? Pinagsisihan na naman niya ang mga nangyari,” tanong nito sa kaniya.
“Paano ko mapapatawad ang taong naging dahilan kung bakit nawala ang aking ina, lola? Walang ginawang anumang masama si nanay. Naging mabuti siyang asawa sa kaniya, pero ano ang ginawa niya, pinagtaksilan niya si nanay at nambabae kaya sa sobrang sama ng loob ni nanay ay iyon ang kaniyang ikinas*wi. Masisisi mo ba ako, lola, kung kamuhian ko ang sarili kong ama na sumira sa aming pamilya?” matigas niyang sagot.
“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, apo, pero nangyari na ang nangyari. Pinagsisihan na ng ama mo ang ginawa niya. Matuto kang magpatawad at kahit anuman ang mangyari ay siya pa rin ang iyong ama,” payo pa ng matanda.
Isang araw, sa pag-uwi niya sa bahay ay nakita niya ang ama na nagluluto sa kusina. Agad siya nitong nakita.
“O, nariyan ka na pala, anak. Nagluto ako ng gusto mong ulam, sinigang na hipon. ‘Di ba iyon ang paborito mo? Kumain ka na hangga’t mainit pa ang sabaw,” alok nito sa kaniya.
Gaya ng dati ay hindi naman niya pinansin ang ama at nilampasan na naman niya ito.
Walang nagawa si Martin. Napaupo na lamang siya sa sama ng loob at sa patuloy na pagbabalewala sa kaniya ng anak. Hindi naman niya magawang magreklamo dahil hindi niya masisisi ang anak dahil malaki ang kasalanan niya rito at sa kaniyang namayapang asawa na sa palagay niya ay wala nang kapatawaran ngunit hindi pa rin siya susuko at umaasa pa rin na balang-araw ay makakamtan din niya ang pagpapatawad ng anak.
Nang sumunod na araw ay niyaya ni Martin ang anak na kumain sila sa labas kahit na walang okasyon. Alam niya na mahihirapan siyang mapapayag ito ngunit sumugal pa rin siya.
Pumasok siya sa kwarto ng anak at naabutan itong nakahiga at naglalaro ng paborito nitong laro sa cell phone.
“A, e anak, m-may gagawin ka ba ngayong araw? Yayain sana kitang kumain sa labas, e.”
“Wala naman pong okasyon, bakit natin kailangang kumain sa labas?” seryosong sabi ng binata.
Nakaramdam ng kaunting pag-asa si Martin dahil sa wakas ay napansin din siya ng anak.
“W-wala lang, gusto lang kitang makasama. Ang tagal na rin nating hindi nakapag-usap mula nang mawala ang nanay mo. Bigyan mo naman ako ng pagkakataon, anak. Matagal ko nang pinagsisihan ang nagawa ko sa kaniya. Pakiusap, anak,” wika ng ama.
Bago sumagot ay ipinikit ni Ryan ang mga mata, saglit na nag-isip. Maya-maya ay sinabi sa ama ang desisyon.
“Ngayon na po ba tayo aalis?” seryoso pa ring sagot.
Laking tuwa ni Martin na napapayag niya ang anak. Agad siyang nagpalit ng pang-alis na damit at isinuot ang kanyang paboritong polo shirt na kulay asul.
Eksaktong alas-sais nang gabi umalis ng bahay ag mag-ama. Napadaan sila sa isang masikip na eskinita. Panay ang pindot ni Ryan sa kaniyang cell phone kaya hindi niya namalayan na may biglang humablot niyon.
“Anak ng… hoy, ibalik mo ang cell phone ko!” sigaw niya.
Naabutan niya ang binatilyong isnatcher na nakasuot pa ng maskara at pilit na inagaw ang cell phone niya.
“Ibalik mo ang cell phone ko, g*go ka!” sigaw ng binata habang pilit na inaagaw sa isnatcher ang hawak na cell phone. Nakatiyempo naman si Ryan at naagaw nito ang cell phone niya ngunit ang hindi niya alam ay may bitbit na patalim ang binatilyong isnatcher at agad na inundayan siya ng saksak. Laking gulat niya nang mapagtanto na hindi siya ang nasaksak ng isnatcher kundi ang iniharang na katawan ng kaniyang ama!
Hinabol ni Martin ang anak at nang makitang uundayan ng saksak ng isnatcher ang binata ay iniharang niya ang sariling katawan para maproteksyunan lang ang anak.
Matapos ang ginawa ay agad na tumakas ang isnatcher.
Napahagulgol si Ryan nang makita ang duguang katawan ng ama sa kaniyang harapan.
“T-tatay, b-bakit niyo iyon ginawa?”maluha-luha niyang sabi.
“Dahil mahal kita, anak. Mahal na mahal,” tugon ni Martin.
Humingi ng tulong sa mga taong naroon si Ryan para madala sa ospital ang ama. May mga nagmagandang-loob na tumulong at nahabag sa kalagayan nilang mag-ama. Pagdating sa ospital ay agad na dinala sa emergency room si Martin upang gamutin ng doktor. Ilang oras na tumagal ang operasyon hanggang sa kinausap siya ng doktor na tumingin sa kaniyang ama.
“Ikaw ba ang anak ng pasyente?” tanong nito.
“Opo, Dok. Kumusta po ang tatay ko?”
“Maayos na ang lagay niya. Mabuti na lang at nadala niyo agad siya rito kundi ay naubusan siya ng dugo.”
Labis-labis ang pasasalamat ni Ryan sa Diyos dahil binigyan pa siya Nito ng pagkakataon na makasama ang ama.
Mabilis naman ang paggaling ni Martin. Humingi ng tawad sa kaniya ang anak at napatawad na rin siya nito sa naging pagkakamali niya noon. Matapos ang nangyari, mas lalo silang pinaglapit at naging maayos ang relasyon nilang dalawa at tuluyan na nilang ibinaon sa limot ang malungkot nilang nakaraan at nagsimula ng panibagong samahan bilang mag-ama.