
Iiwan na Lamang Daw ni Mister si Misis Dahil Wala Naman Ito sa Katinuan; Ano Kaya ang Mapapala ng Lalaki?
Noong binata pa man si Randy ay sadyang babaero na ito at ugali na niya ang magsabay-sabay ng mga karelasyon niyang babae. Ngunit nang makilala niya si Andrea ay nagbago ang ihip ng utak at puso ng lalaki. Nagkaroon ito ng direksyon sa buhay nang maging mag-asawa na ang dalawa.
“Pare, akala ko ba si Andrea na ang huling babae sa buhay mo? Bakit bumabalik ka yata sa dilim? Itigil mo na ‘yan, pare,” payo ni Joshua, kaibigan ng lalaki.
“Sino bang hindi mapapagod sa sitwasyon ko, pare? Sino bang may gusto ng ganitong buhay? Hirap na hirap na ako, Pareng Joshua, kung pwede ko nga lang iwan si Andrea ay ginawa ko na pero kahit ano naman yatang gawin ko ngayon ay ako ang magiging masama sa paningin ng lahat,” sagot ng lalaki saka ito lumagok ng alak at humithit ng sigarilyo.
“Pero ‘yang pambababae mo ulit ay kapareho lamang ng ideya sa pag-iwan mo sa kaniya. Kung gaganyanin mo lang din naman ang asawa mo’y mas mabuting iwan mo na lang,” baling naman ni Joshua sa kaniya.
“Nasasabi mo lang ‘yan kasi maganda ang kinahinatnan ng pamilya mo. Maswerte ka sa lahat kaya hindi mo alam ang nararamdaman ko! Mauuna na lang muna ako at makikipagkita pa ako sa mga babae ko,” sagot muli ni Randy at tumayo na ito saka nakipagkita sa kaniyang bagong nobya na si Olivia.
Halos anim na buwan na niyang karelasyon ang babae at sa tatlong kasabayan nito ay si Olivia na lamang ang nakatagal sa kaniya.
“Bakit hindi mo pa rin ako iniiwan, Olivia?” tanong ni Randy.
“Kasi mahal kita, Randy, nandito lang ako habang gusto mo pang nandito ako. Itutuloy lang natin ang ganitong relasyon hangga’t gusto nating dalawa,” malambing na sagot ng babae.
“Hindi mo pa rin ba kayang iwan ang asawa mo?” dagdag pa nito.
Saglit na hindi sumagot si Randy at pumikit lamang ito.
“‘Di ba sabi mo may sira sa ulo ang asawa mo? Natililing? Ibalik mo na lang ‘yun sa pamilya niya at iwan mo. Hindi mo kailangan magpatali sa ganoong relasyon na hindi ka na masaya tapos katulong ka pa,” natatawang sambit muli ni Olivia sa kaniya.
Hindi pa rin nagsalita si Randy at inalis niya ang kaniyang braso mula sa pagkakahiga ng babae.
“Sorry na,” mabilis na wika ng babae sa kaniya.
“Gusto mo ba talagang malaman kung bakit natililing ang asawa ko?” mahina ngunit seryosong tanong ng lalaki.
“Buntis na siya noon at dahil wala pa akong trabaho siya ang naghahanap buhay. Hanggang sa nanganak siya ng wala sa oras at hindi nabuhay ang bata. Simula noon ay nawala sa tamang pag-iisip si Andrea at ito ako gag* rin!” siwalat niya kay Olivia.
“Mahal mo pa rin ba ako, Olivia?” dagdag na tanong ng lalaki.
“Ga*o ka pala talaga! Kung alam ko lang na ganoon pala ang nangyari sa asawa mo ay baka hindi na kita pinatulan pa! Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ‘yan? Kung alam ko lang, Randy! Ako pa mismo ang tumulong sa’yo para matulungan ang asawa mo,” baling ni Olivia sa kaniya.
“Wala kang karapatan na mambabae dahil ngayon ka pinaka-kailangan ng asawa mo at sana huwag kang sumuko at huwag mong sabayan ang pagkalugmok niya. Asawa ka niya, Randy, ikaw lang ang tanging makakatulong sa kaniya kaya umalis na tayo at umuwi ka sa asawa mo,” bweltang muli nito.
“Paano pa ako uuwi sa taong hindi na yata ako kilala at ang tanging naalala na lang ay ang nawala naming anak,” malungkot na wika ni Randy.
“Kahit na hindi na ‘yun nagsasalita at kahit na hindi ka na nun makilala, huwag mo siyang iwan! Hindi makakatulong ang ganitong ginawa mo para gumaling siya. Umuwi ka, alagaan mo siya, mahalin mo siya at araw-araw mong iparamdam sa kaniya na may babalikan pa siyang asawa,” mariing sagot muli ni Olivia sa kaniya.
Mabilis pa sa alas kwatro at umuwi nga si Randy. Naabutan niya si Olivia na nakahiga sa kwarto dapat ng kanilang anak
“Mahal ko, nandito na ako. Nandito pa rin ako, bumalik ka na sa akin. Bumalik ka na, Andrea, mahal na mahal kita at gusto ko nang mabuo ulit tayo. Patawarin mo ako sa lahat, patawarin mo ako, patawarin mo ‘ko, bumalik ka na!” hagulgol ni Randy sa kaniyang asawa tsaka ito umiyak nang umiyak habang yakap-yakap si Andrea.
Hindi nagsalita ang babae ngunit naramdaman niyang yumakap din ito pabalik. Noong mga sandaling iyon ay mas lalong nabuhayan ng loob si Randy. Kaya naman inayos niya ang sarili, ang kanilang bahay at ang kanilang pagsasama. Ipinagamot din muli ng lalaki si Andrea at makalipas ang anim na buwan ay unti-unting nakitaan ng paggaling ang babae.
Ngayon niya mas napagtanto na ang pag-aasawa ay hindi napupuno ng puro tamis at ligaya lamang dahil darating ang araw na susubukin kayo at ang inyong pagsasama. Kapag nandoon na kayo sa puntong iyon at mukhang bibitaw na ang isa, ikaw ang mas humigpit pa ng kapit. Mas madaling umayaw kapag tayo ay hirap na hirap na ngunit mas masaya pa rin ang tumandang may kasama.