Nagpunta ang Mag-anak sa Isang Resort Para Magbakasyon at Magsaya; Isang Malagim na Pangyayari Pala ang Naghihintay sa Kanila

Bakasyon na naman kaya naman nagpunta sa isang resort ang buong pamilyang Dela Cruz para mag-enjoy nang sama-sama. Maaga pa lang ay naghanda na ng mga dadalhin ang pamilya. Matapos ang paghahanda ay bumiyahe na sila papunta sa resort. Tumagal din ng tatlong oras ang biyahe nila, ngunit napawi agad ang pagod ng mag-anak nang makita na nila ang resort.

Mapuno at madamo ang resort. Siguradong marerelax ang mga taong magbabakasyon rito. Medyo luma na rin ang resort pero maayos pa rin naman ito. Halatang inaalagan at prinepreserba ang natural na ganda ng kalikasang nakapalibot dito.

Pagkatapos mag check-in ay kaniya-kaniyang lapag na nang mga gamit. Agad din namang nagpaalam ang mga bata upang magsimula ng magliwaliw sa lugar.

“‘Pa! Mag iikot-ikot lang kami nila Chel dito sa resort. Pang profile picture lang sa Facebook,” halatang excited na paalam ng binata sa kaniyang ama.

“Oy Adrian, ‘wag kayong lalayo ng kapatid mo ha. Bumalik kayo kaagad,” sagot at paalala ng ama sa mga anak.

“Tara na kuya! Damihan mo ang pagkuha ng pictures sa akin ha!” nakangiti at excited ding saad ni Chel sa kapatid habang palabas ng kwarto.

Habang naglalakad-lakad ang magkapatid ay natanaw ni Chel ang maliit na kweba at tumakbo paroon.

“Hoy Chel, saan ka pupunta?!” sigaw ng kuya nito nang mapansin ang kapatid na tumatakbo papunta sa may maliit na kweba.

Advertisement

“Kuya Adrian, kuhaan mo nga ako ng picture dito. Bilis, bilis!” excited na mungkahi ni Chel sa kapatid habang kumakaway dito.

Nang makalapit ang binata ay agad naman nitong kinuhaan ng litrato si Chel. Pose lang nang pose ang dalaga nang may mapansing kakaiba sa litrato ang binata. Binalikan nito ang mga litrato na kaniyang kinuha.

“M-may babae…” wala sa sariling mungkahi ng binata, hindi makapaniwala sa kaniyang nakita. Bumalik sa ulirat ang binata nang tapikin siya ng kaniyang kapatid.

“Kuya? Kuya?! Huy, kuya!” naiinis na tawag ni Chel. Gulat na napatingin si Adrian sa kapatid.

“Kuya maganda ba picture ko? Teka, bakit parang gulat na gulat ka d’yan? Ang ganda ko ba lalo?” biro pa ni Chel sa kapatid.

Nahimasmasan naman ang binata. Agad niya namang inaya pabalik na ang kapatid sa kanilang pamilya.

Pagkabalik nila Adrian at Chel sa kanilang tinutuluyan sa resort ay nandoon na ang ibang mga pinsan at malalapit na mga kaibigan ng pamilya nila.

“Uy Jerry! Ben! Kumusta? Buti naman at nakasama kayo. Akala ko iiwan niyo na naman ako sa ere eh!” biro ni Adrian sa mga pinsan ng makita ang mga itong nakaupo sa kama parehong nagcecellphone. Napatingin naman ang dalawa sa kaniya.

Advertisement

“Oo nga eh. Nasaan pala si Chel?” tanong ni Ben ng mapansin na mag-isa lang si Adrian. Madalas kasing makikitang magkasama ang magkapatid.

“Ha? Nandito lang yun kanina ah!” sagot ni Adrian sa pinsan. At gaya nga ng sabi ng pinsan ay hindi nila nakita sa paligid ang dalaga.

Agad namang lumabas ang tatlong binata upang hanapin si Chel. Nahanap nila itong kumakain na ng barbecue sa labas.

Masayang nag-swimming, kainan, at naglaro ang buong pamilya maghapon. Alas sais na ng umahon ang mag pipinsan sa pool at nag-aya na naman si Chel na mag ikot-ikot daw muli sa resort dahil marerelax daw ito ‘pag naglalakad-lakad. Madilim na ang paligid at iilang poste lamang ang nagbibigay liwanag sa daanan ng resort.

Masayang nagkwekwentuhan ang magkapatid na Chel at Adrian, habang si Jerry naman ay tahimik na naglalakad at patingin-tingin lang sa paligid. Nang makarating sila sa pinagkuhaan nila ng litrato ni Chel kanina ay napatigil sa paglalakad si Jerry at Ben. Napatigil din ang magkapatid nang mapansin ang dalawa.

“Oh bakit kayo tumigil?” nagtatakang tanong ni Adrian. Nakangiti naman sa dalawa si Chel.

“W-wala naman. Gabi na kasi at hindi na maganda maglakad-lakad ng ganitong oras,” sagot ni Jerry na para bang kinakabahan.

“Oo nga. Mukhang malayo-layo na rin ang nalakad natin. Tayo na at bumalik na sa kwarto. Gutom na ulit ako eh!” dugtong naman ni Ben. Nagtawanan naman ang magpipinsan at bumalik na sa kanilang kwarto.

Advertisement

Pagkatapos kumain ay nagpunta na ang magpipinsan sa kwartong pagtutulugan nila. Agad din namang nakatulog ang lahat dahil sa pagod sa biyahe at pag-enenjoy sa resort.

Naalimpungatan si Jerry mga alas tres ng umaga dahil sa tawang naririnig nito. Tawang nakakaloko na para bang ito’y nang iinis. Nagtatakang bumangon si Jerry at hinanap kung saan nanggagaling ang tawa. Umupo ang binata sa gilid ng kama ni Adrian nang maaninag nito si Chel na nasa tapat ng bintana. Medyo nagulat ang binata dahil akala nito ay tulog pa rin ito.

Tumayo si Jerry at lumapit sa pinsan na nakatingin lamang sa labas ng bintana. May mga salita rin itong binubulong na para bang may kausap ito sa labas ng bintana.

“Chel, sinong kausap mo d’yan?” tanong ng binata sabay hawak sa braso ng dalaga.

Pag hawak sa braso ng dalaga ay agad na humarap ito, ngunit hindi inaasahan ng lalake na ibang itsura ang makikita niya. Isang bruha! Maitim na nanlilisik na mga mata at ngiting nakakakilabot ang nakita ng kaniyang mga mata. Hindi maipapaliwanag ang kahindik-hindik na itsura ng babae.

Napasigaw sa takot si Jerry at napaupo sa sahig. Dahilan naman upang magising si Adrian at Ben. Agad binuksan ni Ben ang ilaw para malaman kung ano’ng nangyari.

Pagkabukas ng ilaw ay nanlaki ang mata ni Ben sa kaniyang nasaksihan. Nanlalaking mata na napatitig si Ben sa dalaga. Hindi alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob para lapitan ito. Pagkalapit ng lalaki ay bumulong ito sa kaniyang palad at dali-daling itinapal iyon sa noo ng dalaga. Umalingawngaw ang sigaw nito at biglaang nawalan ng malay.

Nang bumagsak ang katawan ng dalaga ay agad na itinali ito. Akmang hihingi na sana ng tulong si Adrian nang biglaang nagising ang kaniyang kapatid dahilan upang napatigil ito.

Advertisement

“Pakawalan niyo ako!” sigaw ng dalaga. Ang boses nito ay para bang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa. Naging malaki ang boses ng dalaga na tila ba’y nagiging dalawa o tatlo ang lumalabas na boses dito.

“Sino ka?! Bakit ka nanggagambala dito?!” madiin na tanong ni Jerry.

“Huwag kang mangialam!” galit na galit ng saad ng dalaga. Nanlilisik ang mata nito at gigil na gigil na makaalis.

“Anong huwag kang mangialam?! Ikaw ang nakakaperwisyo dito! Umalis ka na sa katawan ng babaeng ‘yan kung ayaw mong masaktan!” matigas na sabi ni Jerry.

Nagpupumiglas pa rin ang dalaga, habang si Ben naman ay inutusan na magdasal si Adrian. Habang siya ay nagriritwal sa loob ng bilog upang makalaban kung ano ang sumanib sa dalaga.

Sumigaw ang dalaga ng bumulong si Jerry sa kaniyang dalawang daliri at idinikit sa tagiliran ng dalaga. Halos hindi makahinga ang babae sa sakit na nadarama nito.

“Ano?! Gusto mo pa?! Matigas ka ha! Hindi ka aalis?!” gigil na saad ni Jerry.

“Hindi! Hindi ako aalis! Akin na ang katawang ito! Mahahanap ko rin siya! Hahanapin ko siya-” hindi na natuloy ng babae ang sasabihin nang idinikit ulit ni Jerry ang daliri niya sa lalamunan ng babae. Naghahabol ng hininga ang babae na para bang nakabalot ang ulo nito sa plastic.

Advertisement

Agad rin namang tinanggal ito ni Jerry at si Ben naman ang kumalaban sa babaeng sumapi sa dalaga.

“Kuya Jerry, anong nangyayari? Hindi ko maintindihan,” naguguluhang tanong ni Adrian.

“Napasukan ng ibang nilalang ang katawan ng kapatid mo. Nung una ay akala ko sumusunod lamang ito sa kapatid mo nang nakita ko ito sa likuran niya. May masamang binabalak pala ito,” seryosong sagot ni Jerry.

“Babae? Eto ba? Eto ba ang itsura niya?” sabay pakita ng litrato na kuha nito kay Chel…

“Siya nga! Matigas ang isang ‘yan,” sagot ng lalaki.

“Mabuti na lamang at pumunta kami dito at may alam kami sa ganyang bagay. Kung nagkataon, baka nalinlang na kayo ng babaeng ‘yan na siya ang kapatid mo,” dugtong pa ni Jerry. Kinilabutan naman si Adrian sa narinig na maaaring nangyari kung wala ang dalawang pinsan niya.

Umabot ng dalawang oras ang pakikipagtunggali ng magpipinsan sa babae hanggang sa kumalma na ito at lumuha nang lumuha.

“Oh, matapos mo mambulabog ay iiyak-iyak ka ngayon? Ano, kaya mo pa?” inis na saad ni Ben sa babae.

Advertisement

“Hahanapin ko siya. Hahanapin ko…” paulit-ulit na sabi ng dalaga habang lumuluha.

“Sinong hahanapin mo? May gagawan ka ng masama?! Eh kung pasabugin kita sa loob niyan?!” inis na saad ni Jerry na nauubusan na ng pasensiya.

“Maghihiganti ako! Hahanapin ko siya! Magbabayad siya sa ginawa niya sa akin at sa anak ko!” galit na galit na sigaw ng babae.

“Anong nangyari sa’yo? Bakit gusto mong maghiganti?” tanong ni Jerry.

“Pinagsamantalahan nila ako! Wala silang awa! Ang anak ko!” sigaw ng babae habang nakahawak sa kaniyang tiyan. Iyak pa rin nang iyak ang babae.

“Umalis ka na diyan. Walang kasalanan ang babaeng sinaniban mo. Hanapin mo ang kapatawaran sa puso mo para makatawid ka na sa kabila. Ipagdarasal ka na lang namin at ipagtitirik ng kandila. Magpahinga ka na,” kalmadong wika ni Ben sa babae.

Tumingin ang babae kay Ben at tumigil na ito sa pagluha. Lumapit naman ang lalaki at bumulong sa palad niya at itinapal ito sa noo ng babae. Bumagsak ang katawan nito sa kama. Humigop ng hangin si Ben at sinabing “balik!” Napahinga ng malalim ang dalaga at nagtanong kung ano’ng nangyari.

Humingi ng tubig si Chel dahil sobrang nauuhaw raw ito. Bumulong naman si Jerry sa baso bago ito inumin ng dalaga. Dinasalan ng magpinsan ang babae bago sila matulog muli para hindi na ito pasukan ng kung ano-ano pang nilalang.

Advertisement

Pagdating ng umaga ay agad namang bumili ang apat ng kandila at nagtirik sa may daan malapit sa kweba. Inalayan din ng apat ng taimtim na dasal ang babae upang makatawid na ito sa kabilang buhay.

Matapos ang insidenteng iyon ay napagdesisyunan ng magpipinsan na itago na lamang na sikreto ang pangyayari. Hindi man nila ito napag-uusapan madalas ay bakas pa rin ito sa kanilang isip at hindi nila malilimutan.