Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Dalaga ang Pagkawala ng Kaniyang Ama; Isang Lihim ang Kaniyang Matutuklasan Habang Nagluluksa

Hindi Matanggap ng Dalaga ang Pagkawala ng Kaniyang Ama; Isang Lihim ang Kaniyang Matutuklasan Habang Nagluluksa

Nakatulala na naman si Maris. Mugto pa rin ang kaniyang mga mata sa kaiiyak. Ilang linggo na rin ang lumipas simula ng bawian ng buhay ang ama niya ng dahil sa malubhang sakit.

Bunsong anak si Maris at talaga namang papa’s girl ito, kaya naman siya ang pinakalabis na dinadamdam ang pagkawala ng matanda. Hindi lang kasi ama ang nawala sa dalaga kundi pati na rin ang kaniyang nagsisilbing pinakamatalik na kaibigan.

Buong buhay niya ay kaagapay niya sa lahat ang ama. Parati niyang kasama ang ama sa lahat ng kaniyang pinagdaanan sa buhay, kasama niya itong hinarap ang mga pagsubok sa buhay. Paano na lamang siya ngayong wala na ang pinakamamahal niyang ama na nagsilbing tagapagligtas niya? Labis na sakit at pighati ang hatid ng trahedyang ito sa dalaga.

Hindi matanggap ni Maris ang pagkawala ng matanda at labis itong dinibdib. Parati na lamang siyang nasa loob ng kaniyang kwarto at hindi na magawang lumabas. Iyak lamang siya nang iyak habang nagluluksa sa pagkawala ng pinaka-importanteng lalaki sa kaniyang buhay.

At dahil nga sa labis na pagluluksa ay hindi na nagawang pumasok sa eskwela ng dalaga, hindi na rin siya lumalabas kasama ang mga kaibigan o kahit na ang mga kapatid o pinsan. Ikinulong niya na lamang ang sarili sa loob ng kaniyang kwarto.

Hindi na nakatiis ang kaniyang ina at nagpatulong na sa unang anak na lalaki na minsan lang din nilang makita at makasama dahil nasa probinsya ito nakatira kasama ang pamilya niya. Pinuntahan si Maris ng kaniyang nakakatandang kapatid at sinubukan siya nitong kausapin.

“Maris, alam naman namin ang nararamdaman mo. Nawalan din kami. Ama rin naman namin siya. Parang awa mo na, tigilan mo na ito. Bumangon ka na. Pakawalan mo na siya,” pakiusap sa kaniya ng kaniyang nakatatandang kapatid.

Hindi naman pinansin ng dalaga ang ginoo at nakatulala lang na nakatingin sa kawalan. Nasa pinakagilid ang dalaga ng kaniyang kama at mugto ang mga mata hawak ang litrato nila ng ama. Mahal na mahal niya ang kaniyang ama at hindi niya matanggap na wala na ito sa buhay niya.

Hindi na nakayanan ng nakatatandang kapatid ni Maris ang kaniyang nakikita sa dalaga. Labis na napapabayaan na ng dalaga ang kaniyang sarili dahil sa labis na pagluluksa at paghihinagpis. Para bang animo’y kahit ano mang oras ay handa itong sumunod sa ama.

“Bakit ka ba nagkakaganyan ha?! Alam kong nasaktan ka ng sobra sa pagkawala ni tatay pero p*tang ina naman Maris, hindi lang ikaw ang nasasaktan dito! Huwag ka namang maging makasarili! Hindi pa katapusan ng mundo! Marami pang nagmamahal sa’yo! Nandito pa kami para sa’yo,” bulyaw ng nakakatandang kapatid ni Maris sa dalaga.

“Nawalan ako ng ama. Wala na si tatay. Wala nang makikinig sa mga kwento ko at magsasabi sa’kin kung ano ba ang dapat kung gawin. Wala nang magtatanong sa’kin kung okay lang ba talaga ako at papatawanin ako hanggang sa sumakit ang tiyan ko kakatawa. I lost my hero, mahirap bang intindihin ‘yon?” madamdaming sagot ng dalaga sa nakatatandang kapatid.

Lumapit naman ang lalaki sa dalaga at niyakap ito nang mahigpit. Nagulat ang dalaga sa ginawa ng nakakatandang kapatid. Ni minsan ay hindi sila naging malapit ng kapatid niya. Para bang napakalayo ng loob ng lalaki sa kaniya.

“Hindi ko na kaya na nakikita kang ganiyan. Hindi ko alam kung kakasuklaman mo ba ako o matatanggap mo ang katotohanang ito, pero sa tingin ko ay panahon na siguro para ipagtapat ko ito sa’yo,” kumalas sa yakap ang lalaki at tiningnan sa mata si Maris bago nagpatuloy sa pagsasalita.

“Labinlimang taon na ang nakararaan ng magluwal ng isang panibagong sanggol ang aking asawa. Pareho kaming nag-aalala sa magiging kinabukasan namin ng aming mga anak. Mahirap lamang kami at hindi na namin kayang tustusan pa ang mga pangangailangan ng mga bata. Sakto naman na binisita ako ng aking mga magulang ng wala man lang pasabi. Doon sila nag-alok na tumulong. Kinuha nila ang bagong silang na sanggol at pinalaki bilang sarili nilang anak. Masakit man para sa amin ng aking asawa ay nagpapasalamat pa rin kami dahil nakita namin lumaki ang batang iyon ng puno ng pagmamahal at pag-aaruga. At ikaw ang batang iyon, Maris. Alam kong mahirap paniwalaan pero anak kita at ako ang iyong tunay na ama,” tumulo ang luha sa mga mata ng lalaki pagkatapos nitong sabihin ang mga katagang iyon.

Hindi naman makapaniwala si Maris sa kaniyang narinig. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang kaniyang nalaman. Umalis na muna ang lalaki at binigyan siya ng sapat na oras para makapag-isip.

Kinabukasan ay kinausap naman siya ng kinagisnang ina. Ipinaliwanag ng matanda sa kaniya ang tunay na nangyari at pinayuhan siyang bigyan ng pagkakataon ang kaniyang tunay na mga magulang. Nag-iyakan silang dalawa. Pero sa puso ni Maris ay alam niyang baka ito na rin ang sagot para mapunan ang pagkukulang sa puso niya na naiwan ng pumanaw ang kaniyang pinakamamahal na ama.

Sumama si Maris sa kaniyang tunay na ama para makilala ang babaeng nagluwal sa kaniya at ang kaniyang mga kapatid. Nakita niya naman na ang mga ito ngunit isang beses pa lamang. Noong bumisita ang mga ito noong anibersaryo ng kanilang mga magulang.

Kinilala niya ang mga ito at nanirahan kasama sila ng isang buwan bago bumalik sa Maynila para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa pasukan. Napaka-iksi man ng panahon na nakasama niya ang kaniyang tunay na pamilya ay naging sapat na ito para malaman niya na marami pa siyang rason para ipagpatuloy ang buhay.

Nagsikap ng mabuti si Maris para sa kaniyang ina at para na rin makatulong sa kaniyang tunay na pamilya. Paminsan-minsan ay bumibisita sila ng kaniyang ina sa tunay niyang pamilya para makasama ang mga ito. Nakapagtapos rin naman si Maris sa kaniyang pag-aaral at naging isang ganap na nurse.

Nagpunta sa Amerika ang dalaga para doon magtrabaho at para mas makatulong sa kaniyang pamilya. Siya na rin ang nagpa-aral sa iba niyang mga kapatid na siyang kasama na ngayon ng kanilang lola.

Hindi inakala ni Maris na sa pagkawala ng kaniyang pinakamamahal na ama ay siya namang pagkahanap niya ng kaniyang tunay na pagkatao. Ngayon ay patuloy na nagsisikap si Maris para sa kaniyang mga mahal sa buhay at pilit na lumalaban sa mga pagsubok ng buhay para sa isang magandang kinabukasan na alam niyang makakamit din nila sa tamang panahon.

Advertisement