
Bumalik ng Pilipinas ang Binata Dahil Handa na Siyang Harapin ang Nakaraan; Hindi Niya Napigilan ang Emosyon nang Muling Makita ang Babaeng Matagal nang Iniibig
Kanina pa naghihintay si Jheo sa airport. Hinihintay niya kasi ang matalik niyang kaibigang si Xander na galing pa sa Amerika.
“Xander!” tawag ni Jheo nang sa wakas ay nahagilap na rin ng kaniyang mata ang kaibigang kanina pa hinihintay.
“Jheo! Long-time no see ‘tol, namiss kita p’re!” ani Xander at niyakap ang kaibigan. Mukhang na-miss din yata siya ng matalik na kaibigan niya.
“Welcome home! Tara na nga at mamaya na tayo magkumustahan sa bahay. Sa’min ka na muna magstay habang nasa Manila ka, ha?” alok niya sa kaibigan.
“Nako, nakakahiya naman pero sige! At nang makapagbonding din tayo gaya ng dati. Sila tita at tito ba, kumusta na?” masiglang sagot ni Xander sa alok niya. Nakaramdam naman ng saya si Jheo dahil hindi pa rin nagbabago ang kaibigan niya kahit na ba matagal-tagal na rin itong naninirahan sa Amerika kasama ang pamilya nito.
“Ayun, pareho pa rin naman ng dati. Wala naman masyadong nagbago sa parents ko. Kung may malaki man ang pinagbago ay malamang si Jean ‘yun. Sumasakit ang ulo ko kakabantay sa batang ‘yun, ang dami kasing umaaligid eh! Tsk,” reklamo niya sa kaibigan pero makikita pa rin ang ngiti sa mga labi ni Jheo na halata ang pagmamahal sa tinig habang binabanggit ang bunsong kapatid na si Jean.
Napansin niyang natigilan si Xander nang marinig ang pangalan ng kapatid. Agad din naman itong ngumiti ng makabawi.
“Naks! E ‘di mas gumanda na pala kapatid mo niyan. Mukhang proud na proud ka eh kahit na ba nagrereklamo ka d’yan,” nakangiting sagot nito sa kaniya. Ngiting hindi umaabot sa mata.
“Oo naman! Sigurado akong magugulat ka pag nakita mo siya,” proud na proud na pahayag niya sa kaibigan.
Natawa na lang si Xander sa kaibigang si Jheo. Hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin nito ang nag-iisang kapatid na si Jean. Natutuwa naman siya at nakikita niyang hindi pa rin nagbabago ang matalik niyang kaibigan. Natutuwa siyang marami pa rin ang hindi nagbabago sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.
Pagkarating nila ng bahay nila Jheo ay agad din silang sinalubong ng mga magulang ni Xander. Nagkumustahan lamang sila at malugod naman siyang pinatuloy sa kanilang tahanan hanggang sa kung kailan niya raw gusto. Parang pamilya na rin kasi ang turing sa kaniya ng pamilya ni Jheo.
“Nasaan nga po pala si Jean, tita?” tanong niya sa ina nila Jheo. Kanina niya pa kasi hinahanap ang dalaga pero parang wala ata ito sa bahay.
“Ah, nasa Bulacan siya ngayon. Nandoon kasi ang location ng bago niyang project,” nakangiting sagot nito sa kaniya.
“Ganoon po ba? Ano nga po pala ulit ang naging trabaho niya? Parang hindi po nabanggit ni Jheo sa’kin eh.” Nasa high school pa lang kasi ang dalaga ng umalis sila ng kaniyang pamilya papuntang Amerika para doon na manirahan.
“Sa awa ng Diyos ay isa na siyang ganap na arkitekto ngayon. Mahigit isang taon na rin simula nang makapasa siya at nagsimulang magtrabaho,” proud na pahayag ng mommy nito. Napangiti nalang si Jheo sa narinig. Pati siya ay hindi maiwasang maging proud sa dalaga sa narating nito.
Nanariwa sa kaniyang isipan ang mga alaalang kaniyang dinadala kahit nasa ibang bansa man siya. Alaalang malapit sa kaniyang puso.
Bata pa lamang ay matalik na silang magkaibigan ni Jheo. Magkatabi lamang ang kanilang bahay kaya naman madalas talaga silang magkasama. Magkasama sila parati at parati ring nakabuntot sa kaibigan ang nakababata nitong kapatid na si Jean. Malambing at napakulit nitong bata.
Medyo chubby pa ito kaya madalas ay tuksuhin nilang dalawa ni Jheo. Pero kahit na ganun ay mahal na mahal nilang dalawa si Jean. Ang magkapatid ang kaniyang naging lakas at karamay sa lahat ng pagsubok na hinarap sa buhay. Lalong lalo na ng iniwan sila ng kaniyang ama.
Limang taon ang agwat nilang dalawa ni Jheo kay Jean, kaya naman kahit nagdadalaga na ito ay parang baby pa rin ang turing nila rito na labis namang ikinaiinis ng dalaga. Parang nakababatang kapatid na rin ang turing niya sa dalaga.
Pero unti-unti itong nagbago nang bigla na lamang umamin ang dalaga sa kaniya. Nasa huling taon na ito ng high school noon, samantalang siya naman ay nagtatapos pa lang ng kolehiyo.
“Mahal kita! Mahal kita nang higit pa sa kapatid, Xander! Naiintindihan mo ba?” umiiyak na saad ng dalaga ng tanungin niya ito kung bakit ito nagagalit sa kaniya. Nabigla siya sa sinabi ng dalaga kaya hindi siya agad nakapagsalita.
“Galit ako kasi nagseselos ako! Kasi gusto kita! Matagal na kitang mahal!” dugtong pa nito. Alam niyang mali pero natuwa ang puso niya sa mga narinig mula sa dalaga. Hindi man niya aminin ay alam niyang espesyal din ang damdaming mayroon siya para sa dalaga.
Bata pa lamang ay mahal niya na si Jean. Parati itong nasa tabi niya sa mga oras na kailangan niya ng karamay. Sa lungkot at saya, palaging nand’yan ang dalaga para sa kaniya. Ngunit alam niyang hindi niya maaaring mahalin ang dalaga. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila ng matalik niyang kaibigang si Jheo.
Mahal na mahal ni Jheo ang kapatid nito at hindi ito papayag na mapunta lang ito sa kung sinong lalaki, kahit na sa kaniya pa. Simula pa lamang ay alam niya ng off-limits ang dalaga. Alam niya iyon, pero sadyang traydor ang puso at hindi nagpaawat na mahulog sa kaisa-isang taong alam niyang hindi niya pwedeng mahalin.
Hindi niya sinagot si Jean sa araw na iyun. Pagkatapos nitong ilabas lahat ng sama ng loob at pag-amin sa kaniya ay inihatid niya na lamang ang dalaga sa kanila at humingi siya ng tawad dito. Pagkalipas ng mahigit isang buwan ay lumipad na sila papuntang Amerika para doon manirahan. Yun ang huli nilang pagkikita ni Jean, at walang kaalam-alam si Jheo sa mga nangyari.
Hindi napansin ni Xander na malalim na pala ang gabi ng matauhan. Nauuhaw siya kaya naman napagdesisyunan niyang bumababa para uminom sana ng tubig nang makita niya ang babaeng kaytagal niyang inasam makita, si Jean.
Nasa kusina ito at mukhang kararating lang din. Mukhang kukuha pa lang ito ng makakain nang mapansin siya.
“Jean,” sambit niya sa pangalan ng dalaga ng makalapit rito. Nanlaki naman ang mga mata ng dalaga ng mapagtanto kung sino siya.
Hindi alam ang gagawin ay agad itong lumayo sa kaniya at akmang aalis pero mabilis niyang nahawakan ang braso nito kaya hindi nito natuloy ang pag-alis.
“Bitawan mo ako kung hindi sisigaw ako,” may pagbabanta sa boses ng dalaga ng bitawan ang mga katagang iyon. Wala naman siyang nagawa kundi ang bitawan ang braso nito.
Tumakbo ito palabas ng bahay na sinundan niya naman. Hinabol niya ang dalaga at agad na niyakap mula sa likuran ng sa wakas ay maabutan niya ito.
“I’m sorry,” buong puso niyang pahayag sa dalaga.
“Pwede ba, lubayan mo na ako! Ayaw na kitang makita!” sigaw nito sa kaniya. Nadurog ang puso niya sa narinig sa dalaga.
Mahigit anim na taon na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay mahal niya parin ang dalaga. Unti-unting lumuwag ang yakap niya sa dalaga ng bigla na lamang itong humarap sa kaniya at tinitigan siya sa mga mata. Mas lalo nga itong gumanda. Ang mukhang hindi niya magawang makalimutan sa loob ng mahigit anim na taon.
“Ganun lang yun? Isang sigaw ko lang na lubayan mo ako, susuko ka na agad? Aalis ka ulit? Mahigit anim na taon na ang lumipas ngunit duwag ka pa rin,” puno ng hinanakit na pahayag ng dalaga habang nakatitig sa kaniyang mga mukha.
Akmang tatalikod at aalis na sana ang dalaga ng kusang kumilos ang kaniyang katawan at pigilan ito sa -alis at hinalikan sa labi ni Xander. Isang madiin at puno ng pangungulilang halik ang kaniyang ibinigay sa dalaga. Hindi na siya makakapayag na mawala ulit sa kaniya ang dalaga.
“Sapat na ang mahigit anim taon para mapatunayan ko sa sarili ko na ikaw lang talaga ang babaeng iibigin ko. Mahal na mahal kita, Jean. Handa na akong ipaglaban ang pag-ibig ko sa’yo. Mahal mo pa rin ba ako?” Puno ng emosyong pahayag niya sa dalaga. Ilang taon niyang itinago sa dibdib niya ang mga katagang iyon, ngayon sa wakas ay narinig na rin ito ng dalaga.
Hindi naman mapigilan ni Jean ang kaniyang mga luha sa pag-agos sa narinig sa lalaking kaytagal hinintay. Akala niya ay hindi niya na maririnig ang mga katagang iyon mula sa labi ni Xander.
“Talaga? Pangako ‘yan ha? Hindi mo na ako iiwan,” tumango lang ang binata bilang sagot sa tanong ng dalaga.
“Mahal na mahal din kita, Xander. Noon, ngayon at magpakailanman,” buong pusong pahayag ng dalaga ng kaniyang wagas na pag-ibig sa binata.
Kinabukasan ay agad kinausap ni Xander si Jheo at ipinagtapat ang lahat sa kaibigan. Handa na siyang masuntok ng matalik na kaibigan ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ay matagal na pala nitong alam na nagmamahalan sila ng kapatid nito at naghihintay lang talaga kung kailan siya aamin.
Napagdesisyunan ni Xander na manatili na lamang sa Pilipinas at dito na muli manirahan kasama ang babaeng pinakamamahal niya. Makalipas lamang ang isang taon ay nagpakasal na rin sila ni Jean at hindi nagtagal ay biniyayaan ng kambal na anak. Namuhay sila nang masaya at puno ng pagmamahalan, dahil sa pagkakataong ito, wala nang pipigil pa sa kanilang nararamdaman para sa isa’t isa.