Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Dalagang Ito sa Kaniyang Ate Dahil Pabaya Ito sa Kaniyang mga Anak; Atungal Siya Nang Matuklasan Niya ang Totoo

Galit na Galit ang Dalagang Ito sa Kaniyang Ate Dahil Pabaya Ito sa Kaniyang mga Anak; Atungal Siya Nang Matuklasan Niya ang Totoo

“Oh, ate, san na naman ang punta mo? May lakad ako sinasabi ko sa’yo iiwan ko talaga ‘yang mga anak mo ha. Subukan mo lang talaga umalis,” pambabanta ni Alice sa kaniyang Ate Liezel.

“Saglit lang ako, babalik din ako agad…” wika naman nito matapos mag-ayos ng sarili at saka tuluyang umalis.

Naiwan na namang muli si Alice kasama ang kaniyang tatlong pamangkin na maliliit pa rin. Nag-iinit na naman ang kaniyang ulo dahil araw-araw na lamang, uuwi ng pasikat na ang araw ang kaniyang ate at aalis ulit kapag sasapit ang hapon. Ang mas kinakainis pa niya, mababalitaan na lamang niyang nagdadalantao na naman ito. Nais man niyang mag-aral, wala silang pagkukunan ng pangkolehiyo niya. Kaya naman, siya ang naiiwan palagi sa bahay upang mag-alaga ng mga pamangkin.

“Buti na lamang ay nariyan ang kanilang mga kamag-anak upang abutan sila ng tulong buwan-buwan. Nagbibigay din ng sustento ang ama ng bunso ng kaniyang Ate Liezel kaya sumasapat na para sa pang-araw araw na pangangailangan. Kung minsan pa kasi, ay sobra-sobra ang ibinibigay nito. Tuwing sasapit ang huling araw ng buwan, nagpapadala iyon ng mensahe sa kaniya upang kunin na ang pera na ipinadala.

Sa bawat araw na lumilipas, nasanay na si Alice sa ganitong buhay. Subalit kapag nakikita niya ang mga ka-edad na pumapasok sa eskwelahan at ang iba pa’y may trabaho na, hindi niya maiwasang hindi mainggit sa mga buhay nila. Pakiramdam niya ay bigla na lamang siya naging ina ng tatlong supling na hindi naman niya iniluwal. Kaya labis ang galit at inis niya sa kaniyang ate na pabaya at walang pakialam.

“Umayos kayo. Wala ang nanay niyo! Napakawalang kwenta ina. Magtapos ka ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho para naman maalagaan mo ang mga kapatid mong maliliit pa…” panenermon niya sa panganay na anak ni Liezel na labing dalawang taon na at kaagapay niya sa pag-aasikaso sa dalawang maliit pa.

Ilang sandali lamang ay dumaan na ang kaniyang mga kaibigan upang sunduin siya para sa kanilang lakad ng gabing iyon. Nahiya siya at hindi masabing tinakasan na naman siya ng kaniyang ate dahilan para hindi siya makaalis ng bahay. Dinahilan niya na masakit ang kaniyang katawan at masama ang pakiramdam.

“Naku! ‘Yan ka na naman, Alice! Ang sabihin mo, tinakasan ka na naman ng magaling mong ate! Wala ka na talaga, nanay ka na habang buhay!” Pangungutya ng kaniyang mga kaibigan. Palagi na lamang kasi ganito ang sitwasyon sa tuwing magyayakag ang mga iyon. At wala ni isa siyang napuntahan. Ang laking sakripisyo na para kay Alice dahil pati pagkatao niya ay kinukutya na ng mga taong malalapit sa kanila.

Buong gabi, iyak na naman nang iyak si Alice dahil sa kaniyang sitwasyon. Gusto niyang umalis, gusto niyang takasan ang mundong ikinulong siya sa responsibilidad na hindi naman talaga kaniya. Ngunit sa tuwing gagawin na niya ang plano, hindi niya makayang iwanan ang mga bata. Wala na ngang ama, palaging wala ang ina, pati ba naman siya ay mawawala? Mga kaisipang nagtatalo sa utak ng dalagita. Kaya hangga’t maaari, kinakaya niya ang lahat. Gaano man kabigat.

Isang umaga, inabangan talaga ni Alice ang kaniyang ate dahil kailangan talaga niyang umalis ng umagang iyon upang dumalo sa kaniyang interview dahil nag-apply siya sa isang posisyon sa gobyerno. Kahit papaano ay dagdag iyon sa kanilang panggastos. Isa pa, pangarap ni Alice na makapag-ipon dahil gusto niyang bumalik sa pag-aaral kapag malaki na ang mga pamangkin at pwede nang maiwan.

Pagbukas ng pinto at nang makaharap ang kaniyang ate, kumunot na naman ang kaniyang noo at nagsalubong ang mga makakapal na kilay ni Alice. Dahil sumalubong sa kaniya ang kaniyang ate na lasing na lasing na naman at halos hindi na makayang buhatin ang sarili nito. Agad niya itong inalalayan papunta sa kwarto at binihisan at nilinis ang mukha nito na puno ng make up.

Hanggang sa maya-maya lamang ay nagkamalay na ito at malakas na itinulak si Alice. Nagulat siya sa ginawang iyon ng kaniyang ate. Muli niya itong nilapitan at tinangkang ituloy ang paglilinis sa mukha nito. Subalit isa namang malakas na sampal ang kaniyang natanggap mula rito.

“Bastos ka! Alice, bastos ka! Kung makasagot ka sa’kin, kung makapagsabi ka na wala akong kwentang ina! Bakit? Alam mo ba kung ano ang sinasakripisyo ko para sa mga anak ko? Para sa’yo?! Ha?!” biglang bwelta nito sa kaniyang kapatid na nakatayo sa kaniyang harap. Walang tugon si Alice dito. Para siyang bata na pinapagalitan ng kaniyang ama o ina ng mga oras na iyon. Subalit wala pa rin siyang ideya kung ano ang pinagsasabi ng kaniyang kapatid. Habang hindi niya mawari ang mga pinagsasabi ng kaniyang ate, umalis na siya sa loob ng silid dahil napansin niyang late na late na siya. Naiwang umaatungal ng malakas si Liezel sa loob ng silid.

Tumatakbong karipas si Alice upang maabutan ang kaniyang interview habang ilang ulit na sinisilip ang relo na nakasuot sa kaniyang kaliwang kamay. Nang marating iyon, nakita niyang mahaba pa ang pila at naisip na umabot pa siya. Ngunit nang siya’y lumapit, hindi na siya pinapasok ng guwardiya dahil cut off na daw at hindi na tatanggap. Nakiusap siya at ikinuwento ang nangyari, subalit hindi pa rin siya pinayagang pumasok sa loob.

Umuwing bagsak ang kalooban si Alice. Nang bigla siyang makatanggap ng mensahe sa kaniyang pamangkin na hindi pa raw sila kumakain dahil tulog na ang kaniyang ate, binalewala muna niya ang nararamdaman at muling nagmadali na umuwi kaagad. Pagod na pagod at pawis na pawis na si Alice kahit na tanghaling tapat pa lamang.

Muli siyang pumasok sa silid upang tingnan at gisingin na sana ang kaniyang ate. Ngunit tumambad sa kaniya ang isang pakete ng sigarilyo na nakakalat sa sahig at iniligpit iyon. Tumutulo ang luha habang naglilinis ng silid. Nakita niya ang selpon ng ate na naroon ang kaniyang larawan at ng mga pamangkin. Dito niya naisip na tingnan ang mga mensahe na naroon. Imbes na inis ang maramdaman ni Alice, bumuhos ang kaniyang luha nang makita ang ilang palitan ng mensahe kung saan nagtatrabaho pala ang kaniyang ate sa isang club bilang bayaring babae. Isa pa, ang palitan ng mensahe niya at ang akala niyang nagsusustento sa bunso na anak nito. Ang kaniyang ate pala ang nagbibigay ng lahat ng iyon!

Mabilis siyang tumayo nang marinig ang boses ng ate. Tinitigan niya ito at naalala ang iyak nito kagabi. Bumalik rin sa kaniyang isipan kung gaano niya kinamuhian ito sa kabila ng sakripisyo pala nito sa kanilang lahat. Napaluhod siya at mahigpit na niyakap ang ate. Umatungal si Alice at humingi ng tawad sa kapatid.

Nag-usap ang dalawa na maging bukas na sa isa’t isa at wala nang itatagong sikreto. Napagdesisyunan ng dalawa na magtayo ng negosyo dahil may naipon na rin si Liezel na pang-aral sana ni Alice. Nagkaroon ng kapatawaran ang magkapatid. Napagtanto nilang pareho na silang dalawa lamang ang magkasangga sa hamon ng buhay.

Advertisement