
Iniwan ng Dalagang Ito ang Lahat Para Sumama sa Kaniyang Nobyo na Tiga-Maynila; Luhaan Pala Siyang Babalik ng Probinsya
Marahas na pinipilit ni Andrea ang kaniyang malaking bag at maleta na punong-puno ng mga damit na kaniyang isinalansan nang maayos para umalis na sa kanilang bahay. Kahit na tutol ang kaniyang ina, hindi niya ito pinapakinggan. Nais kasi niyang mag-asawa sa Maynila at sumama sa isang lalaking nakilala lang niya sa online. Inalok siya nito ng kasal matapos nilang maging magkarelasyon at magkita paminsan-minsan sa loob ng dalawang taon.
Sawang sawa na rin siya sa buhay na halos siya na lamang ang kumakayod. Ang mga tambak na bayarin at pambaon ng mga kapatid ay kaniya ring pinoproblema. Siguro naman ay oras na para sarili naman niya ang unahin, ang kaniyang himutok sa isip-isip. Subalit kailanman ay hindi pumayag doon ang ina.
Walang paa-paalam, agad na umalis si Andrea sa kanilang bahay. Ang huling sulyap na lamang niya ay ang mga kapatid na umiiyak habang kumakaway ito sa kaniya at ang ina na hindi halos makatingin nang diretso sa kaniya.
“Babalik ako. Kukuhanin ko kayo isa-isa. Pangako,” bulong niya sa isip habang patuloy na naglalakad palayo sa kanilang bahay. Kasabay nito ay pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. At tuluyan na ngang sumakay si Andrea paluwas ng Maynila kung saan hindi niya alam ang naghihintay na kapalaran para sa kaniya.
Nang makababa sa daungan ng roro, maingay na mga sabay-sabay na tao ang kaniyang narinig sa unang pagtapak niya sa lungsod. Mga maiingay na bus at naglalakihang mga gusali rin ang sumalubong sa kaniya. Hanggang sa isang babae ang lumapit sa kaniya at nag-alok ng mumurahin na motel na pwede niyang tulugan para sa gabing iyon. Dahil bukas pa naman sila magkikita ng nobyo, tinanggap na niya ang alok ng babaeng iyon.
Nang marating ang motel, agad siyang nagpahinga dahil sa sobrang hilo at pagod niya mula sa biyahe. Hindi niya akalain na magiging ganoon kapagod ang kaniyang biyahe. Hanggang sa ilang sandali lang ay tuluyan na siyang nakatulog.
Kinaumagahan, nagising na lamang si Andrea na pinapaalis na siya ng may-ari ng motel dahil hindi pa raw siya bayad. Agad naman niyang tiningnan ang kaniyang gamit at natuklasan niyang nawawala ang kaniyang selpon pati mga pera na itinago niya. Ang tanging naiwan lamang ay isang daang piso na itinago niya sa bulsa ng kaniyang bag.
Kumakalam na ang tiyan ni Andrea, subalit wala man lang siya makain. Wala siyang kakilala sa siyudad at walang alam sa mga patakaran. Ang tanging nalaman pa lamang niya sa mga oras na iyon ay maraming mandurukot, maraming mandarambong na paligid-ligid sa kaniya. Kaya wala siya dapat paniwalaan kahit na sino.
Sinubukan ni Andrea na makitawag ngunit walang may gustong magpahiram sa kaniya ng selpon. Isang araw na atang hindi siya kumakain. Walang ligo, walang tulog. Dumating ulit ang kinagabihan at desperada na siyang makontak na ang nobyo at makakain. May nakita siyang dalawang lalaki at doon nakiusap na makitawag. Subalit imbes na payagan, humingi ng kondisyon ang mga iyon kapalit ang kaniyang katawan.
Sa una ay matinding hindi ang kaniyang sagot subalit sa kumakalam na sikmura, pagod na katawan, at desperadang sitwasyon, kalaunan ay pumayag din ang dalaga kahit na labag sa kaniyang prinsipyo at kagustuhan. Naisip niya, isang beses lanag naman…
Pagkatapos ay nakuha ni Andrea ang kaniyang gusto. Dahil doon ay nakakuha siya ng isang selpon at may pera pa siya. Ayos na rin dahil wala namang makakaalam at hindi na niya ulit gagawin kahit na kailan. Kinontak niya ang numera ng kaniyang nobyo subalit hindi ito makontak. Muli niyang tiningnan ang peysbuk ng lalaki at nagtanong-tanong ng address nito. Kahit na paubos na ang pera, pinuntahan niya na mag-isa ang lalaki base sa address nito.
Hanggang sa matagumpay na niyang amtunton ang address na hinahanap. Sa wakas, may nakakilala na rin sa kaniyang nobyo! Sa kaniyang loob ay masaya siya dahil tapos na rin ang kamalasan niya rito sa malaking siyudad na ito. Nagpatuloy siya sa paglalakad at muling nagtanong sa mga taga roon.
“Ha? Si Kokoy ba? Wala na, kakaalis lang kahapon ah? Kinuha na siya ng asawa niya sa states. Bakit, neng? Kaibigan ka ba niya?” tugon ng isang matanda na nagpatigil ng mundo ni Andrea.
Habang naglalakad, napuno ng galit at kalungkutan ang puso ng dalaga. Bigla niyang naalala ang ina, ang mga kapatid, at ang kanilang bahay. Sa lahat ng kaniyang mga naranasan sa Maynila, lahat ng iyon ay kagagawan niya. Lahat ng iyon ay bunga ng mga padalos-dalos na desisyon na kaniyang nagawa.
Matapos ang ilang sandali, nais man na kumain o umuwi na ni Andrea, ngunit wala na siya ni-piso pambili ng tubig man lang. Dito na siya muling kumapit sa patalim na ibentang muli ang kaniyang katawan. Nagpaulit-ulit ito hindi lamang isa, dalawa o tatlo kundi nang maraming beses pa. Hanggang sa isang araw, nang makaipon na siya ng malaki-laki, natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na bumili ng ticket pauwi sa kanilang bahay sa probinsya.
Abot tanaw pa lamang niya ang bahay, nangingilid na sa dalaga ang kaniyang mga luha. At nang makita siya ng mga kapatid, nagtakbuhan ang mga iyon at niyakap siya nang mahigpit. Naroon naman sa upuan sa may gilid, ang kaniyang inang nakatingin lamang sa kaniya. Ang laki ng itinanda nito. Niyakap siya nito at parehong nag-iyakan ang dalawa.
Naging bukas si Andrea sa kaniyang ina sa lahat ng nangyari at humingi ng tawad dahil naging matigas ang kaniyang ulo. Isang leksiyon ang natutunan ng dalagang si Andrea sa kaniyang mga naranasan. Na hindi dapat nagdedesisyon nang basta-basta lamang lalo na kung hindi ka sigurado sa kahit na anumang tatahakin mo.