
Inulan ng Kutya ang Babaeng Ito Dahil Siya ang Pinakasalan ng Binatang Ubod ng Gwapo; Mapanindigan Kaya Nila Iyon Hanggang Dulo?
Pumatak na ang alas otso ng gabi at masayang nakaupo si Lani sa kanilang sofa malapit sa pintuan. Nililingon-lingon din niya ang bintana kung saan tanaw ang sinumang papasok ng pinto. Oras na kasi para umuwi ang kaniyang asawa galing trabaho. Hindi naman siya nabigo dahil ilang sandali lamang ay dumating na si Mico. Masaya nilang hinagkan ang isa’t isa at naghapunan ng gabi na iyon.
Puno ng ligaya at kapayapaan ang buhay asawa ni Lani at Mico. Magaang pamumuhay dahil mayaman ang pamilya ni Lani at mataas ang posisyon doon ni Mico sa kanilang negosyo. Ngunit sa kabila ng kaginhawaan ng buhay ay ang mga duda at inggit ni Lani.
Sa loob ng tatlong buwang buhay mag-asawa nila, hindi natigilan si Lani ng sinuman na magpapadala ng mensahe sa kaniya na kaya lang naman siya pinakasalan ni Mico ay dahil sa pera niya. Kung minsan pa nga ay nababasa niya rin ito mula sa selpon ng kaniyang asawa. Dito unti-unting namuo ang kaniyang pagdududa sa sarili at sa asawa.
“Sa panget mong ‘yan tingin mo mahal ka talaga ni Mico?”
“Binili mo lang naman ng pera ‘yan kaya ka pinakasalan niyan eh! Hahaha!”
Ilan lamang ang mga ito sa mga kutya at panlalait ng ibang babae sa kaniya. Maging ibang lalaki ay hindi nagdadalawang-isip man lang na sabihan siyang pangit ang mukha at ang mayroon lang daw siya ay pera. Subalit ang mga salitang “mahal kita” ang nagpapatibay ng loob ni Lani upang maniwala na tunay ngang mahal siya ng asawang ubod ng gwapo. At kahit na anong nababasa niya, wala siyang anumang sinasabi sa asawa dahil alam niyang wala naman talaga iyon. Lingid sa kaniyang kaalaman na ito na pala ang simula ng tunay na hamon nila bilang mag-asawa.
Dumaan ang sabado’t linggo na abalang-abala ang kaniyang asawa sa trabaho nito. Pinadala kasi iyon sa malayong lugar upang makipagtransaksiyon ukol sa kanilang negosyo. Hindi na namamalayan ni Lani na sa tuwing tutulala siya ay maiiyak na lamang siya dahil iniisip niya ang mga sinasabi ng ibang tao tungkol sa kaniya, tungkol sa kanila.
Isang umaga, nagising si Lani na may mensahe sa kaniyang selpon. Larawan iyon ng isang lalaki at babae na magkasip*ng. Naroon ang parehong damit na siya mismo ang naghanda para ibaon ni Mico. Nabitawan niya ang hawak na selpon dahil sa labis na pagkagulat. Dumiretso siya sa banyo at doon umiyak nang umiyak. Nang makita niya ang sarili sa salamin, pinagsasampal-sampal niya ang kaniyang mukha.
“Ang pangit mo! Ang pangit mo! Ang pangit mo! Bakit?!” patuloy na pagwawala ni Lani.
Kinalma ni Lani ang kaniyang sarili nang matapos na inunawa ang nangyayari. Kahit na hindi sanay, kinuha niya ang bag at nagbihis ng napakaganda. Nang hapon din na iyon, nagpunta si Lani sa isang salon upang magpaayos ng buhok. Nagpunta rin siya sa isang derma para magpakonsulta at magpaayos ng kaunti sa kaniyang mukha.
Sa buong dalawang araw na iyon, abala siyang parito’t pariyan sa mga clinic, salon, pati na mall para bumili ng mga magagandang mga gamit at make-up. Hanggang sa dumating na nga ang araw na umuwi na si Mico. Pagod itong binuksan ang pinto. Subalit walang Lani na sumalubong sa kaniya. Nalungkot siya nang makitang natutulog na pala ang asawa. Dahil madilim, hindi niya napansin ang ilang pagbabago sa itsura at mukha nito. Pinalipas na lamang niya ang gabi at nagpahinga na rin.
Dumating ang umaga, pagdilat ng mga mata ni Mico ay hindi niya nakita roon ang asawa. Bumaba siya upang tingnan kung mayroon nang almusal. Nang tingnan niya, bigo siyang makakita ng pagkain sa lamesa. Nagtataka siyang hinahanap si Lani sa buong bahay ngunit wala roon ang kaniyang misis. Sinubukan niya itong tawagan, at narinig niya ang tunog sa banyo sa may likod ng kanilang bahay. Agad siyang naglakad papunta roon upang yayain na kumain ang kaniyang misis.
Dahan-dahang siyang naglalakad at kinatok ang pinto ng banyo. Nakasarado ito at hindi rin sumasagot ang kaniyang misis. Ngunit naririnig pa rin niya ang tugtog ng selpon nito sa loob. Pinuwersa ni Mico ang pinto at tumambad sa kaniya ang misis na hinihiwa ang sariling kamay nito habang umiiyak.
Agad siyang tumawag ng ambulansiya at buti na lamang ay naagapan ito. Matapos magising ni Lani, naroon si Mico na halata ang pag-aalala sa kaniya. Dito na nagtapat ng buong kwento si Lani pati na lahat ng kaniyang mga hinanakit. Nanlumo si Mico nang malaman ang lahat ng iyon at niyakap nang mahigpit ang asawa.
“Patawad kung ganoon ang naramdaman mo… Pinakasalan kita hindi dahil sa pera, hindi dahil sa kung anong mayroon o wala ka… Kundi dahil sa kabutihan ng puso mo. Kung paano mo ako alagaan at mahalin… At iyong nasa larawan, hindi ako yun, noong mga oras na iyon ay nasa meeting ako. Kahit na itanong mo pa sa papa mo…” pagpapaliwanag ni Mico kay Lani.
Bumalik sa ulirat ang babae at hinagkan nang mahigpit si Mico. Humingi siya ng tawad dahil pinagdudahan niya ito at hindi naging bukas sa mga nararamdaman at nangyayari sa kaniya. Simula noon, natuto ang bagong mag-asawa na sa isang buhay mag-asawa, kailangan ng isang daang porsyentong tiwala sa isa’t isa pati na pagiging tapat at totoo sa lahat.