
Mabait ang Ginang sa Tuwing Siya ay Nangungutang Ngunit Galit na Pagdating sa Singilan; Hindi Niya Aasahan ang Ganti ng Kapalaran sa Kaniya
“Sylvia, parang awa mo na. Nahihiya man akong lumapit sa iyo ay kakapalan ko na ang mukha ko. Kailangan ko kasi ng pera,” sambit ni Aling Rosy sa kaniyang kapitbahay na si Aling Sylvia.
“Ikaw lang talaga ang malalapitan ko, Sylvia. Alam kong mabuti ang kalooban mo. Kailangan ko lang ng limang daang piso kasi kailangan kong bilihan ng gagamiting damit ang anak ko para sa pagtatanghal sa eskuwela. Ibabalik ko rin naman kaagad sa’yo,” dagdag pa ng ginang.
“Naku, Rosy, kailangan ko rin kasi ng pera ngayon. Hindi pa sumasahod ang asawa ko. Idadagdag ko sana ang perang ito pambili ng bigas namin, e.” tugon ni Aling Sylvia.
“Pangako ko sa’yo, Sylvia, ibabalik ko kaagad. Hinihintay ko lang ‘yung makukuha kong tubo sa binenta kong singsing ng kapitbahay nating si Mercy. Pagkakuhang-pagkakuha ko ay ibabalik ko sa’yo. Pangako ko ‘yan!” giit pa ng ginang.
Dahil mapilit si Aling Rosy at nadala ng mga pangako nito si Aling Sylvia ay pumayag na rin ang ginang na magpautang ng limang daan sa pangakong ibabalik ito kaagad.
Makalipas ang dalawang araw ay naniningil na si Aling Syvia Kay Aling Rosy nang makita niya ito sa tindahan.
“Rosy, baka p’wede ko ng makuha ‘yung limang daan na inutang mo sa akin. Sabi mo ‘di ba ay ibabalik mo kaagad?” wika ni Sylvia.
“Alam mo, Sylvia, dapat ay ibabalik ko rin sa’yo kahapon. Kaso wala kasing pambili ng gatas ang anak ko kaya ipinambili ko muna ng gatas. Pero may inaantay ako ulit na pera na padala ng asawa ko. Pangako, kapag nakuha ko na ay iaabot ko sa’yo ang limang daan mo,” pakiusap ni Rosy.
“Sige, Rosy, pangako ‘yan, a. Kailangan ko kasi rin ang pera pang dagdag sa budget namin. Hindi pa kasi rin nakakasahod ang asawa ko,” sambit ng ginang.
Kinabukasan ay nariyan na naman si Aling Rosy sa bahay nila Sylvia.
“Sylvia, pasensiya ka na. Alam kong hindi pa ako nakakabayad ng utang sa’yo. Kaso kailangan ko talaga ng pera, e. Hindi pa kasi nagpapadala ng pera ang asawa ko. Parang hindi na ata siya makakasahod. Kailangan ko kasing bumili ng gamot ng anak ko. Nilalagnat siya. Ikaw lang talaga ang malalapitan ko. Kahit dalawang daan lang sana, Sylvia, parang awa mo na!” pagamakaawa ni Aling Rosy sa ginang.
“Rosy, kasi may utang ka pa sa akin. Alam mo namang gipit din kaming mag-asawa,” paliwanag ni Aling Sylvia.
“Alam ko naman ‘yon. Kaso, nababaliw na rin ako sa pag-iikot kung saan ako kukuha ng pambili ng gamot ng anak ko. Talagang walang-wala na akong malapitan kaya kinapalan ko na lang ang mukha ko na magpunta dito at mangutang ulit sa’yo,” saad ni Aling Rosy.
“Pangako, isasabay ko na sa utang kong limang daan sa’yo ang uutangin ko ngayon. Sabay ko silang babayaran. Hindi ko na lang maatim makita na mataas ang lagnat ng anak ko,” dagdag pa niya.
Dahil sa habag ay wala na muling nagawa pa si Aling Sylvia kung hindi pahiramin muli ng pera itong si Aling Rosy.
Ang hindi alam ni Aling Sylvia ay tanging sinat lamang ang sakit ng anak ni Aling Rosy at gagamitin lang pala ng ginang ang pera para lamang makabili ng mga pampaputing sabon.
Ngunit dumaan ang mga araw at napapansin ni Aling Sylvia na dinadaan-daanan na lamang siya ni Rosy. Kaya nagtungo ito sa kanilang bahay upang singilin ang kapitbahay.
“Kailangan ko na rin kasi ng pera, Rosy. Baka p’wede mo nang ibalik sa akin ang hiniram mo,” wika ni Aling Sylvia.
“Naku, pasensiya ka na, Sylvia, naibili ko kasi ng bagong bentilador ang pera. Naiinitan kasi ang mga bata. Baka sa makalawa ay mabayaran na kita. Pangako ko ‘yan,” tugon ni Aling Rosy.
Nang dumating na ang makalawa ay muling siningil ni Aling Sylvia ang ginang. Ngunit sa susunod na araw na lang daw ulit. Nagpabalik-balik si Aling Sylvia kila Aling Rosy upang maningil ngunit nagulat na lamang siya nang siya pa ang pinagsungitan ng ginang.
“Hindi ka ba makaintindi, Sylvia? ‘Di ba sabi ko sa’yo ay ako na lang ang magdadala ng bayad ko sa bahay ninyo? Bakit ba hindi ka makahintay?” bulyaw ni Aling Rosy.
“Bakit tila ikaw pa ang galit, Rosy? Noong nanghihiram ka sa akin ay napakabait mo at para kang basang sisiw na nakikiusap na pautangin kita. Ngayong singilan na ay ikaw pa ang nagagalit?” tugon ni Aling Sylvia.
‘“Paano para pitong daang piso lang ay hindi ka makatulog. Sinabi ko na nga sa’yong wala pa, e. Pinipilit mo akong magbayad!” sigaw ni Aling Rosy.
“Grabe ka! Binabawi ko lang naman ang pera ko na inutang mo. Naaawa ako sa’yo kaya kita pinautang. Ngayong ako na ang nangangailangan ng pera ko ay ayaw mong ibigay. Dapat ay hindi na lamang kita pinautang kung ganito rin lang ang mangyayari. Dapat ay ginastos ko na lang sa mga anak ko ang perang ‘yon!” galit na wika ni Aling Sylvia.
“Tandaan mo, Rosy. Hinding-hindi ka na makakautang sa akin kahit kailan. Hindi na ako maniniwala sa lahat ng pakiusap mo! Kapag hindi mo nabayaran sa akin ang pitong daang piso na inutang mo ay ipapabaranggay talaga kita!” saad ng galit na ginang.
“Ipabaranggay mo! Akala mo ay natatakot ako?! Parang pitong daang piso, hindi ka makatulog?!” palabang sigaw rin ni Aling Rosy.
Makalipas ang tatlong araw mula sa pag-aaway na iyon ay bigla na lamang inaapoy ng lagnat ang dalawang anak ni Aling Rosy. Lubusan ang taas ng lagnat ng mga bata kaya napatawag na ito sa kaniyang asawang nagtatrabaho bilang isang construction worker sa ibang lugar.
Hindi nito magagawang magpadala ng kahit magkano sa asawa dahil punumpuno na rin pala ito ng bale sa kaniyang amo.
“Mangutang ka muna riyan, Rosy!” wika ng asawa.
Ngunit dahil sa sigalot at lakas ng sigawan ng pagaaway na namagitan kay Aling Rosy at Aling Sylvia noon ay nalaman ng lahat ang ginawang hindi pagbabayad ng ginang sa kanilang mabuting kapitbahay.
Nang lumapit si Aling Rosy sa ilang kapitbahay ay hindi na naniwala ang mga ito. Kahit na pilit nitong isinasama ang mga kapitbahay sa kanilang bahay upang makita ang mga anak na may mga sakit ay walang bumibili sa akalang kaniyang drama lamang.
Tanging si Aling Sylvia na lamang ang hindi niya malapitan at alam niyang hindi na rin siya nito papautangin dahil sa kaniyang ginawa sa ginang.
Nang malaman ni Aling Sylvia ang nangyari sa mga anak ni Aling Rosy ay ikinagulat ng ginang na nagpadala pa rin ng tulong pinansiyal sa kanila ang kapitbahay.
“Tanging dalawang daan na lamang ang pera ko, Rosy. Ito, tanggapin mo ito hindi utang kung hindi bilang tulong ko na lamang sa inyo. Gamitin niyo kahit pamasahe para sa mga anak mo para maidala mo sila sa center,” saad ng ginang.
Naluha si Aling Rosy sa ginawang ito ni Aling Sylvia. Hindi niya akalain na sa kabila ng kawalanghiyaang ginawa nito sa ginang ay siya pa rin pala ang tutulong sa kaniya.
Agad na dinala ni Aling Rosy ang kaniyang mga anak sa pagamutan. Napagtanto niya na dahil sa kaniyang ugaling hindi nagbabayad sa tamang panahon at kapag siningil ay siya pa ang galit ay wala na siyang malalapitan pa.
Mabuti na lamang at maganda ang kalooban ni Aling Sylvia at nagawa siyang patawarin. Nang gumaling ang mga anak ni Aling Rosy, pilit niyang pinagkasya ang budget na pinapadala ng kaniyang asawa at unti-unti siyang naghulog ng kaniyang pagkakautang kay Aling Sylvia.
Dahil sa pangyayaring iyon ay natuto siya na kahit gaano kaliit o kalaki ang iyong inutang ay dapat mo itong bayaran.