
Ibinigay ng Bata ang Perang Pinaghirapan sa Dalawang Matanda; Nang Makita Ito ng Babae ay Higit pa sa Selpon ang Natanggap ng Bata
“Nay, may ekstra po ba kayong pambili ng selpon?” tanong ni Junior sa kaniyang ina.
“Bakit mo naman biglang natanong ‘yan, anak?” tugon ng ina habang naglalabada.
“Narinig ko po kasi sa ibang kaklase ko na kailangan daw po ng selpon kasi para sa pag-aaral ngayon. Ito daw po ang gagamitin dahil hindi kami makakapasok sa paaralan,” paliwanag ng anak.
“Anak, pasensiya ka na. Wala pa tayong pambili para sa isang selpon. Ngayon nga lamang ay hirap tayong makabili ng pagkain natin. Kinuha ko na nga lamang agad ang sahod ko dito sa paglalaba ko kay Mrs. Reyes para may pambili ako ng gatas ng kapatid mo at makapananghalian na kaagad kayo,” pahayag ng ina.
“Ayos lang po sa akin, ‘nay. Huwag n’yo na pong alalalahanin. Natanong ko lang po,” wika ni Junior.
Dahil kasi sa pandemiya ay naiba ang sitwasyon sa paaralan. Labis na ikinatatakot ni Junior baka ito pa ang maging dahilan para siya ay matigil sa pag-aaral. Lubusan kasi ang paghahangad niya na makatapos ng pag-aaral dahil ito lamang ang nakikita niyang paraan upang maibangon sa kahirapan ang kaniyang ina at tatlo pang mga kapatid.
Panganay sa magkakapatid ang sampung taong si Junior. Nasawi ang kaniyang ama dahil sa isang engkwentro dahil nasangkot ito sa isang grupo na nagbebenta at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot limang taon na ang nakalilipas. Simula noon ay mag-isa na lamang silang tinataguyod ng kaniyang ina na isang labandera.
Kayod kalabaw ang kaniyang ina para sila ay mabuhay. Bukod kasi sa paglalabada ay inuutos-utusan din siya ng mga kapitbahay na gumawa ng ibang gawain kapalit ang maliit na halaga o minsan ay ulam at bigas. Ginagawa lahat ng ginang upang kahit paano ay mairaos nila ang araw-araw.
Dahil ayaw na ni Junior na dumagdag pa sa isipin ng kaniyang ina ay naisipan niyang mag-ipon para makabili ng kahit lumang selpon.
“Mayroon pa akong ilang buwan para makapag-ipon. Kailangan ko na lamang makaisip ng paraan kung paano,” sambit ni Junior sa kaniyang sarili.
Naisipan ng bata na mangalakal nang sa gayon ay makaipon siya. Tuwing hapon pagkauwi ng kaniyang ina mula sa labada ay saka naman umaalis si Junior upang maghanap ng p’wedeng ikalakal.
Inilalagay niya ang mga napagbentahan sa isang bote na kaniyang ginawang alkansiya. Hindi inalintana ng bata ang hirap, pagod, init o ulan para lamang mabuo niya ang kailangan niyang isang libo at limang daan para sa isang lumang selpon.
“Baka naman magkasakit ka niyan, anak?” sambit ng ina.
“Kapag alam mong uulan ay huwag ka nang mangalakal. Huwag ka ring lalayo, anak. Baka mahuli ka. Bawal lumabas ang mga bata. Hayaan mo kapag nakaluwag-luwag tayo ay ako na ang bibili ng selpon na nais mo,” saad ng ina.
“Huwag na po kayong mag-aalala sa akin, ‘nay. Dito lamang po ako sa ating baranggay. Ayoko rin po kasi na nag-aalala kayo sa akin. Saka mababalewala lahat ng ipon ko kung magkakasakit lamang ako,” tugon ng bata.
Inabot ng ilang buwan hanggang sa tuluyan nang naipon ni Junior ang nasabing pera. Masayang-masaya ang bata habang binibilang ang mga barya at pinapapalit ng buo sa junk shop.
“Sa wakas ay makakabili na rin ako ng selpon. Sigurado nang hindi ako titigil sa pag-aaral. Hindi na ako makapaghintay na ibalita ito kay nanay!” tuwang-tuwa na umuwi ang bata.
Sa kaniyang daan pauwi ay nakita niya ang isang mag-asawang matanda na halata ang panghihina mula sa gutom. Wala man lamang suot na face mask ang mga ito. Nakahiga na rin ang matandang babae sa kaniyang matandang asawa. Mababanaad mo sa kanilang mga mukha ang hirap ng kanilang kalagayan.
Napatingin si Junior sa perang kaniyang hawak. Hindi na siya nagdalawang-isip pa na bigyan ng limang daan ang dalawang matanda.
“Kunin ninyo na po ang kaunting maitutulong ko. Sana po ay kahit paano’y makatulong sa inyo,” sambit ng bata.
Labis na pasasalamat ng mga matatanda sa batang si Junior.
Isang babae ang lumapit sa kaniya.
“Bata, bakit mayroon kang ganiyang kalaking pera? Saan galing ‘yan?” pagtataka ng isang babae.
“Inipon ko po ‘yan sa pangangalakal para po ipambili ng kahit lumang selpon. Nakita ko po ang mag-asawang matanda at lubusan po akong nahabag. Kaunti na lamang po ang buhay nito dito sa mundo at ako naman po’y bata pa at kaya pang mangalakal at makaipon muli. May natira pa naman po sa aking isang libo. Mag-iipon na lang po ako ulit,” nakangiting sambit ni Junior sa babae.
Naantig ang kalooban ng babae sa ginawa ng bata.
“Papalitan ko ang limang daang binigay mo sa mga matatanda bilang kapalit ng mabuti mong kalooban. Itago mo na iyan at gamitin mo para sa sarili mo o sa pamilya mo. Bukas ay magkita tayong muli dito sa lugar na ito at may ibibigay ako sa’yo,” saad ng babae.
Kinabukasan ay bumalik si Junior sa kanilang tagpuan. Isang kahon ang iniabot ng babae sa kaniya. Nang buksan ito ni Junior ay napaiyak siyang makita ang isang bagong selpon.
“Dahil mabuti ang kalooban mo at mabuti kang bata, para sa’yo talaga ‘yan!” wika ng babae.
Hindi alam ni Junior kung paano magpasalamat sa babae.
“Kulang po ang salitang pasasalamat para dito sa ibinigay ninyo. Hindi po ninyo alam kung gaano po ako kasaya ngayon,” umiiyak sa galak na sambit ng bata.
Ang hindi alam ni Junior ay nai-post na rin ng babae sa social media ang kabutihang kaniyang ginawa at maraming nais na magpaabot ng tulong sa bata at pamilya nito. Lahat ng ito ay ibinigay ng babae kay Junior.
Nag-uumapaw ang tuwa ni Junior at buo niyang pamilya. Hindi na kasi kailangan pa ng kaniyang ina na maglabada at matututukan na ang kaniyang mga anak dahil biniyayaan sila ng puhunan para sa isang maliit na tindahan. Hindi na rin kailangan pang mangamba ni Junior sapagkat may sumagot na rin ng kaniyang pag-aaral hanggang kolehiyo.
Tunay ngang nakikita ng Diyos ang lahat ng kabutihang iyong ginagawa sa iyong kapwa. Mapalad ang ina ni Junior sapagkat mayroon siyang anak na may ginintuang puso.

Mabait ang Ginang sa Tuwing Siya ay Nangungutang Ngunit Galit na Pagdating sa Singilan; Hindi Niya Aasahan ang Ganti ng Kapalaran sa Kaniya
