Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Dalaga sa Minamahal ng Kaniyang Kuya kaya Gumawa Siya ng Paraan para Magkahiwalay Sila; Isang Pangyayari ang Magpapatunay ng Kanilang Pag-ibig

Ayaw ng Dalaga sa Minamahal ng Kaniyang Kuya kaya Gumawa Siya ng Paraan para Magkahiwalay Sila; Isang Pangyayari ang Magpapatunay ng Kanilang Pag-ibig

“Kuya, saan mo ba nakilala ang babaeng ‘yan?” tanong ni Julie sa nakakatandang kapatid na si Herbert.

“Balita ko ay isa raw siyang dancer sa isang club. Ganyan ka na ba ka-desperado na magkaroon ng nobya, kuya? Ang dami namang nagkakagusto sa iyo, bakit ‘yang babae pa na iyan?” giit ng dalaga.

“H’wag mo naman siyang husgahan batay sa kung ano ang trabaho niya. Maayos naman ang pagsasayaw na ginagawa nila. At hindi sa kung saan-saang bar ko lang siya nakilala,” tugon ni Herbert sa kapatid.

“Kahit saang bar mo pa siya nakilala, bar pa rin ‘yon. Kahit gaano pa iyon kasikat, kahit gaano pa kamahal ang bayad sa kanila. Kuya, hindi ako palagay sa kaniya. Baka gusto ka lang niyan huthutan,” pahayag muli ni Julie.

“Tama na, Julie. Ayoko na ng mga naririnig ko sa iyo. Hindi tama na pagsalitaan mo ng ganiyan ang nobya ko. Huwag mong pagdudahan ang damdamin sa akin ni Rachel dahil alam kong mahal niya ako at wala akong pakialam sa kaniyang nakaraan,” saad ng binata.

Kilala bilang isang magaling na arkitekto si Herbert. Iginugol niya ang kaniyang sarili sa pag-aaral at pagiging dalubhasa sa kaniyang propesyon at pati na rin ang pagbibigay ng magandang buhay sa kaniyang pamilya kaya marahil ay nakalimutan na ng binata ang pagkakaroon ng kasintahan.

Sa palagay kasi niya ay hindi pa rin niya natatagpuan ang babaeng magpapatibok sa kaniyang puso hanggang sa nakilala niya ang isang mananayaw sa bar na si Rachel.

Madalas kasing magtungo sa nasabing bar si Herbert at kaniyang mga kaibigan tuwing biyernes pagkatapos ng trabaho para magdibersyon. Doon ay nabihag ang kaniyang atensyon. Iba kasi si Rachel sa mga babaeng kaniyang nakilala. Kahit na isang mananayaw ito ay hindi siya nakikipag-usap sa kung sino-sino lamang. Pagkatapos ng kanilang pagtatanghal ay agad na umuuwi si Rachel dahil may pasok pa ito sa eskwelahan kinabukasan.

“Bakit ako, Herbert? Hindi ako nababagay sa isang katulad mo. Magkaiba tayo ng lebel sa buhay,” sambit ni Rachel.

“Kapag tinamaan ka ng pag-ibig hindi mo naman masasagot kung bakit ‘di ba? Basta ang alam ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa buhay ko,” tugon ng binata.

Alam ni Herbert na tututol sa kanilang relasyon ang ilan niyang kaanak lalo pa kapag nalaman ang trabaho ni Rachel. Ngunit pursigido ang binata sa pagmamahal niya sa dalaga. Ilang buwan din nilang itinago ang kanilang relasyong hanggang sa napagtanto niyang hindi niya dapat itinatago si Rachel.

Ngunit iba ang nararamdaman ni Julie sa dalaga. Alam niyang may baho itong itinatago. Marami kasing nagkakagusto sa kaniyang Kuya Herbert ngunit bakit itong babaeng galing sa club pa na ito ang nagustuhan ng nakatatandang kapatid.

“Marahil ay binilog niya ang ulo ng kapatid ko,” saad ni Julie sa sarili.

Kaya simula noon ay lagi na siyang nakabantay sa mga kilos ng nobya ng kaniyang kapatid.

Upang mapatunayan na hindi karapat-dapat si Rachel sa kaniyang kuya ay nag-utos siya sa isang kaibigan na manmanan ang mga pinupuntahan at nakaksalamuha ng dalaga. Hanggang sa isang gabi ay nakita niyang sumakay si Rachel sa isang sasakyan at doon ay naaninagan niya ang sakay ng sasakyan ay isang matandang lalaki.

“Narito ang larawan ng tagpong iyon, Julie,” abot ng lalaki.

“Tama nga ako sa kutob ko sa babaeng ‘yan. Ginagamit lang niya ang kuya ko palibhasa’y alam niyang mahuhuthutan niya!” naiinis na sambit ng dalaga.

Itinaon ni Julie sa isang salu-salo para pormal na ipakilala si Rachel sa kanilang pamilya. Nang nasa hapag-kainan na ay doon isiniwalat ng dalaga ang lahat.

“Ang galing mo ring magpanggap, Rachel. At ang kapal pa ng mukha mo talaga na humarap pa sa amin!” sambit ni Julie.

“H-hindi ko alam ang sinasabi mo, Julie,” tugon ni Rachel.

“A-anong ibig sabihin nito, Julie? Hindi ba napag-usapan na natin na itigil mo na ang lahat ng masasamang iniisip mo sa kasintahan ko?” nagagalit na wika ni Herbert.

“Kuya, kaya kong patunayan na oportunista ang babaeng ‘yan. Ginagamit ka lang niya!” giit ni Julie.

“Ito ang mga larawan. Nakita siya ng kaibigan ko na sumakay sa isang sasakyan lulan ang isang matandang lalaki! Tingnan mo ang mga larawan na ito!” dagdag pa ng dalaga.

Nang makita ni Herbert ang mga larawan ay napailing na lamang siya.

“Iyan ang napapala mo, Julie, sa pag-iisip mo ng masama sa kapwa mo!” sambit ng binata. “Ang matandang lalaking ito na nasa sasakyan ay walang iba kung hindi ang kaniyang ama!” pahayag pa niya.

“Nagsasayaw lang naman ako sa bar para may pangtustos ako sa pag-aaral ko. Alam ko hindi kami mayaman, alam kong hindi maganda ang trabaho ko, pero malinis ang konsensiya ko,” naiiyak na wika ni Rachel.

“Iyang gabi na nakuhaan mo ako na kasama ang papa ko. Sobrang saya ko niyan sapagkat sa unang pagkakataon ay kaya na niya akong ipaglaban at ipakilala bilang anak niya. Tinanggap na rin niya sa wakas na siya ang papa ko,” saad pa ng dalaga.

“Walang bilang sa akin kung si Rachel ay anak sa iba ng tatay niya. Wala sa akin kung nagsasayaw siya sa isang bar at kung ano pa ang lahat ng nakaraan niya. Mahal ko siya at higit sa lahat ako ang nakakakilala sa kaniya at kung ano talaga siya! Kung hindi niyo ‘yon matatanggap ay mabuti pang alisin niyo na rin ako sa mga buhay ninyo,” depensa ni Herbert.

Labis na pagkapahiya ang naramdaman ni Julie ng malaman niya ang katotohanan. Hindi niya alam kung paano siya hihingi ng kapatawaran sa nagawang magkakamali.

“P-patawarin mo ako, Kuya. S-siguro ay hindi ko lang matanggap na mag-aasawa ka na. Saka bilang kapatid mo ay ayoko ring masaktan ka,” pahayag ni Julie.

“Matanda na ako, Julie. Alam ko na ang dapat kong gawin sa buhay ko. Kung lokohin man ako ni Rachel, na malabo namang magyari, ay ako na ang dapat humarap noon,” wika ng binata.

“Saka wala kang kasalanan sa akin. Kay Rachel ka humingi ng kapatawaran dahil siya ang nasaktan mo,” dagdag pa niya.

“Patawarin mo ako. Patawad kung lubusan akong naging mapanghusga. Sana ay makapagsimula tayong muli, Ate Rachel,” sising-sising saad ni Julie.

Agad naman siyang pinatawad ng nobya ng kaniyang kuya.

“W-wala na ‘yun sa akin. Ang mahalaga ay natanggap mo ang pagkakamali mo at humingi ka ng kapatawaran. Tama ka, magsimula tayong muli!” nakangiting sambit ni Rachel.

Simula noon ay naging mabuti na ang relasyon ni Rachel sa mga kaanak ng kaniyang nobyong si Herbert lalo na sa kapatid nitong si Julie.

Hindi naglaon ay tumigil na rin si Rachel sa pagsasayaw sa bar dahil ang papa na niya ang magpapaaral sa kaniya. Nang makatapos ng kursong abugasya ang dalaga ay nagpakasal na rin sila ng kasintahang si Herbert.

Advertisement