Inday TrendingInday Trending
Nangaliwa ang Lalaki Para sa Hinahanap Nitong Karanasan; ‘Di Niya Akalaing Buhay pala ang Magiging Kapalit Nito

Nangaliwa ang Lalaki Para sa Hinahanap Nitong Karanasan; ‘Di Niya Akalaing Buhay pala ang Magiging Kapalit Nito

Si Kate at Bernard ay limang buwan pa lamang na magkasintahan ngunit nang mabuntis si Kate ay nais ng ina nito na ipakasal ang dalawa. Bagama’t ayon kay Bernard ay hindi pa sapat ang kaniyang pera upang magpakasal ay pinangakuan niya na lang ito na papakasalan balang araw kaya inaya na lang niya muna ito na magsama sila sa iisang bahay.

Naging masaya ang pagsasama ng dalawa ngunit ‘di inaasahang nagkaproblema ang sanggol sa sinapupunan ni Kate kaya siya nakunan. Labis itong ikinalungkot ng dalawa ngunit pinilit pa rin nilang ipagpatuloy ang buhay.

Sila ay nagsama pa rin sa iisang bahay at masayang nagsama hanggang sa isang araw ay may nadiskubre si Kate tungkol kay Bernard.

Sosorpresahin sana ni Kate si Bernard sa isang business trip nito ngunit ikinagulat niya nang makitang sa isang bahay ito nagtungo. Ayaw niyang pagbintangan agad si Bernard kaya naman tinawagan niya ang selpon nito ngunit ito ay nakasarado. Hinintay na lamang niya na lumabas si Bernard mula rito ngunit inabot na siya ng umaga sa kahihintay.

Sa pagkainip ni Kate ay bumaba na siya ng sasakyan upang katukin ang gate. Maluha-luha siyang naglalakad papalapit dito nang biglang bumukas ito kaya bigla siyang napatago sa isang tabi.

Nakita niya si Bernard na hinalikan ang isang babae bago ito tuluyang nagpaalam at sumakay sa sasakyan.

Naiyak nang tuluyan si Kate sa kaniyang nasaksihan. Sa kaniyang galit ay agad siyang bumalik sa sasakyan at sinundan si Bernard. Hinabol niya ito at binusinahan hanggang sa makuha ang atensiyon nito.

Ikinagulat ni Bernard nang makita si Kate. Siya ay agad na huminto at nilapitan si Kate nang huminto na rin ito at bumaba ng sasakyan.

Bago pa makapagsalita si Bernard ay agad siyang sinampal ni Kate.

“Akala ko ba nasa business trip ka? Eh bakit parang hindi ka naman sa business trip galing? Akala ko ba kaya ka puro business trip ay dahil dumudoble kayod ka para sa kinabukasan natin? Eh bakit parang iba ‘yung dinodobleng trabaho mo? Sa tuwing sinasabi mo ba na pupunta kang business trip eh dun ka sa babaeng ‘yun pumupunta? O baka naman iba-iba silang pinupuntahan mo?” sunud-sunod na tanong ni Kate habang galit na galit.

“Huwag kang mag-eskandalo dito. Pinagtitinginan na tayo ng mga tao,” ang sabi ni Bernard.

“Bakit? Nahihiya ka? Nahihiya ka sa ibang tao pero hindi ka na nahiya sa akin nung niloko mo ko!” nagpipigil na sinabi ni Kate.

Hindi nakapagtimpi sa kahihiyan sa Bernard kaya naman hinatak niya si Kate sa loob ng sasakyan nito at inuwi sa bahay.

Doon sila nagtalo. Pilit na tinatanggi ni Bernard ang paratang ni Kate sa kaniya habang pilit na pinaninindigan ni Kate ang kaniyang nasaksihan.

Matagal silang nagtalo hanggang sa nakiusap na lang si Kate na umamin si Bernard. Nung una ay tumatanggi pa rin ito hanggang sa napaamin siya ni Kate.

“Sorry, Kate. Hindi ko sinasadya. Gusto ko lang naman sana maexperience ‘yung excitement at thrill na napagkukuwentuhan namin ng mga barkada ko about sa pagkakaroon ng ibang babae. ‘Yung thrill sa pagatatago at paglilihim. Iba ‘yung feeling eh,” pag-amin ni Bernard.

Naluha si Kate ngunit pinilit niyang magpakatatag at sinabing: “Siguro naman sapat na ‘yung na-experience mo? Makipaghiwalay ka na sa kaniya”

“Sorry talaga Kate pero hindi puwede,” ang sabi ni Bernard.

“Bakit? Nabuntis mo ba siya?” tanong ni Kate habang lumuluha.

“Hindi. Pero, kasi… kasal kami at mayroon kaming dalawang anak,” nag-aalangang pag-amin ni Bernard.

Gumuho ang mundo ni Kate. ‘Di niya inaasahan ang narinig mula kay Bernard. Bigla siyang napaupo sa kaniyang kinakatayuan habang humahagulgol sa pag-iyak.

“Paano mo nagawa sa akin ‘to? Bakit mo ko ginawang kabit?! Bakit?!” ang sabi ni Kate.

“Sorry, hindi ko naman akalaing seryoso ka sa relasyon natin noon. Hanggang sa naging komplikado na nung nabuntis ka,” ang sabi ni Bernard.

“Pero Kate, minahal kita. Mahal kita. ‘Yun naman ‘yung mahalaga ‘di ba?” pahabol na sinabi ni Bernard.

“Manloloko! Manloloko ka! Umalis ka!” pasigaw na sinabi ni Kate habang pinagtatabuyan si Bernard.

Tuluyang napaalis ni Kate si Bernard sa kanilang tinitirhan habang siya ay patuloy na humahagulgol sa pag-iyak sapagkat hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang sinapit.

Siya ay gulong-gulo at hindi malaman kung anong hakbang ang gagawin sa buhay.

Kinagabihan ay nakatanggap ng tawag si Bernard mula sa ina ni Kate. Ito ay humahagulgol at minamadali si Bernard na umuwi sa kanilang tinutuluyan.

Pag-uwi ni Bernard ay tumambad sa kaniya ang katawan ni Kate na walang buhay.

Ayon sa ina ni Kate ay tumawag ang kaniyang anak na iyak nang iyak. Nang tanungin daw niya ito ay sinabi nitong nalulungkot siya sa pagkakakunan niya sa kaniyang sanggol. Ang sabi pa raw ni Kate ay tanging ang sanggol lang daw sa kaniyang sinapupunan ang totoong nagmamahal sa kaniya kaya nais niya na itong makapiling.

Nang marinig ito ng ina ni Kate ay dali-dali itong pinuntahan si Kate subalit huli na siya dahil wala ng buhay ang anak pag dating niya rito.

Biglang napaiyak si Bernard sapagkat hanggang dulo ay pinagtakpan pa rin siya ni Kate sa ina nito sapagkat alam niyang siya ang dahilan kung bakit iyon nagawa ni Kate. Mas lalo siyang humahagulgol nang mabasa ang nakatagong sulat ni Kate para sa kaniya at nakumpirma ang pagtatakip sa kaniya nito.

“Ito na ‘yung highlight sa exciting at thrilling experience na hinahanap mo. Sana napunan ko ‘yung hinahanap mo”

Labis na nagsisi si Bernard sa kaniyang nagawa kay Kate. Hindi niya akalaing hahantong ito sa ganito.

At dahil walang ibang nakakaalam sa totoong nangyari at sa totoong rason ni Kate ay hindi mapapanagot si Bernard sa kaniyang kinahantungan.

Ngunit ganoon pa man ay habambuhay na inusig si Bernard ng kaniyang konsensiya sa nangyari kay Kate. Sa tuwing ipipikit niya ang kaniyang mga mata ay parati niyang naiisip si Kate na walang buhay.

Hanggang sa isang araw ay kahit na gising siya at nakadilat ay naaaninag niya ang pag-iyak ni Kate noong huling araw nito sa mundo. Umabot siya sa punto na siya ay naging miserable at nawala na sa katinuan. Iyon na nga siguro ang karmang napala ng salawahang lalaki.

Advertisement