Inday TrendingInday Trending
Itinuring Nilang Pamilya ang Matandang Pinabayaan ng Pamilya Nito; Isang Regalo ang Iniwan Nito sa Kanila

Itinuring Nilang Pamilya ang Matandang Pinabayaan ng Pamilya Nito; Isang Regalo ang Iniwan Nito sa Kanila

Napailing na lang si Agnes nang muling marinig sigaw ng kaniyang amo na si Amelia.

“Tatay! Ano ka ba naman?! Sinabi ko naman sa’yo na kapag dudumi ka, sabihin mo sa akin! Mahirap ba ‘yun, ‘tay?” Nanggigil na wika nito sa amang matandang ulyanin na.

“N-naku, A-nnalisa, pasensiya na,” narinig niyang wika ng matanda.

“‘Tay! Ako si Amelia, anak mo ako! Matagal nang wala ang asawa mong si Annalisa!” Walang awang sigaw ng anak sa tatay nito.

“Wala na? Imposible!” Umiiyak na wika ng matanda.

Madami pa siyang narinig na masasakit na salita mula sa babae habang pinagsasabihan ang lumuluhang ama.

Hindi namalayan ni Agnes na lumuluha na pala siya dahil sa awa sa matanda.

“Agnes! Halika dito at linisan mo si tatay!”

Napapitlag na lang siya nang tawagin siya ng amo. Agad niyang pinalis ang luha sa kaniyang pisngi.

Inalalayan niya ang matandang umiiyak pa rin papuntang banyo. Hindi niya magawang mandiri sa matanda dahil awang-awa siya sa sinasapit nito sa kamay ng sariling anak.

Matagal nang katulong ng pamilyang iyon si Agnes. Halos dalawang dekada na. Kaya naman nasaksihan niya kung gaano kabait ang matandang lalaki na si Sir Mattias pati na ang asawa nito na si Ma’am Annalisa na matagal nang pumanaw.

Ang problema ay ang mga anak nitong mga ganid sa pera. Noong una ay pinag-agawan ng mga ito ang pag-aalaga sa ama nang mag-ulyanin na ito para masiguro na makakakuha ng malaking mana.

Subalit nang natuklasan nila na walang pera ang matanda ay halos ipagtabuyan ng mga ito ang ama. Galit na galit ang magkakapatid dahil hindi nila alam kung saan napunta ang pagkalaki-laking pera ng kanilang ama. Hindi na rin nila ito makausap nang maayos dahil ulyanin na.

Napunta man ang matanda sa poder ni Amelia ay minamaltrato naman nito ang ama. Lagi nitong sinisigawan ang kaawa-awang matanda at kung minsan ay sinasaktan pa.

Gusto man niyang ipagtanggol ang matanda ay wala siyang magawa dahil saksakan ng sama ang ugali ng babae. Maging siya kung minsan ay napagbubuhatan nito ng kamay.

Ayaw niya rin namang umalis dahil gusto niyang siya na ang mag-alaga kay Sir Mattias. Malaki ang utang na loob nila dito at sa asawa nito dahil nang ma-stroke ng kaniyang ama ay ito ang tumulong sa kanila sa pagpapa-ospital.

“’Wag na po kayong umiyak, Sir Mattias. Siguro po ay may problema lang si Ma’am Amelia kaya ganoon,” pag-aalo niya sa matanda.

Ngunit lumipas ang mga araw ay hindi man lang nabago ang pakikitungo ni Amelia sa ama nito. Isang araw, nagising na lamang si Agnes sa matinis na tili ng among babae na dinig na dinig sa buong kabahayan.

Agad siyang lumabas upang usisain ang komosyon.

Nagimbal siya nang makita ang koleksyon ni Amelia ng mga mamahaling vase ay basag-basag na nakakalat sa sahig.

Halos mabaliw naman si Amelia sa galit dahil ilang taon nitong inipon ang koleksyon na pawang daang libo ang halaga ng bawat isa.

Makikitang nanginginig sa takot ang nakayukong matanda.

“‘Tay! Anong ginawa mo sa koleksyon ko?!” Sigaw ni Amelia.

“Sorry, a-anak. Hindi ko sinasadya,” namumutlang wika ng matanda.

“Ganyan ka lagi, hindi mo sinasadya. Hindi ko na kayang palampasin ‘to! Layas, lumayas ka sa pamamahay ko! Wala ka naman nang silbi!” Itinulak pa nito ang matanda dahilan upang matumba ito at masugatan ng bubog sa sahig.

Agad na pumalahaw ng iyak ang matanda.

Ngunit tila walang awa na naramdaman si Amelia sa ama nito, bagkus ay nairita pa.

“Tumigil ka! Lumayas ka dito!”

Hindi naman napigilan ni Agnes na magsalita.

“Ma’am Amelia! Tama na ho! Ama niyo ho iyan, baka nakakalimot kayo!”

Agad na lumapit si Agnes sa matandang nakasadlak upang asikasuhin ito.

“Ano? Sinong nagbigay sa’yo ng karapatan na sabihan ako ng dapat kong gawin? Ikaw na katulong lang?” Mapang-uyam itong tumawa habang dinuduro siya.

Ngunit hindi nagpatalo si Agnes dito. “Hindi mo man lang inisip na ang matandang inaapi mo ay ang taong nagbihis, nagpakain, at nagpalaki sa’yo! Ang tatay mo!”

Lalo namang nagliyab sa galit si Amelia. Akmang sasampalin ito ng katulong ngunit mabilis nitong nasalo ang kamay ng babae.

“Subukan mo! Ipapa-pulis kita!” Hindi nagpapasindak na hamon niya rito.

Napaurong naman ang babae habang nagtatatalak na dinuro siya.

“Layas! Lumayas kayong dalawa sa pamamahay ko! Magsama kayo!” Naghihisteryang sigaw nito.

‘Yun na ang huling araw na nakatapak sila sa bahay na iyon.

Hindi malaman ni Agnes kung saan dadalhin ang matanda. Ayaw niyang dalhin ito sa mga anak nito dahil kilala niyang pare-parehong masasama ang ugali ng mga ito. Dati na nilang itinaboy ang ama.

Ayaw niya rin namang dalhin ang matanda sa Home for the Aged. Ayaw niyang mag-isa ito sa mga nalalabing araw nito sa mundo.

Kaya naman iniuwi niya ang matanda sa kanilang probinsya. Alam niyang maalagaan ito doon.

Malugod naman silang sinalubong ng kaniyang ama at ina.

“Anak! Sir Mattias!” Maligayang bati ng mga ito.

Kinuwento niya sa mga magulang ang nangyari sa matanda. Galit na galit ang mga ito kay Amelia ngunit mas lamang ang awa na naramdaman ng mga ito para sa matanda.

Gusto nilang malimutan ng matanda ang masakit na alaala kaya siniguro nila na magiging komportable at masaya ang matanda sa kanilang poder.

Inalagaan nila ito, itinrato nang tama at tinulungan nila ito gaya ng pagtulong na ginawa ng matanda para sa kanilang pamilya noon.

Bumalik ang dating sigla ng matanda.

Muling nakita ni Agnes ang matamis na ngiti at malakas na halakhak ng matanda sa tuwing nakikipagkwentuhan sa mga matatanda sa kanilang probinsiya.

Doon ay nakahanap ito ng paglilibangan at mga bagong kaibigan.

Ngunit panandalian lamang ang naging ligaya nila dahil isang araw ay hindi na ito nagising pa mula sa mahimbing nitong pagkakatulog.

Nagluksa ang buong pamilya. Ipinaalam rin nila sa pamilya ni Sir Mattias na pumanaw na ito. Subalit ni isa ay wala man lang nagpakita sa mga ito hanggang sa mailibing ang matanda. Isang lalaki lang ang nagpunta, na nagpakilalang si Lukas, ang abogado ng matanda.

Isang araw matapos ang libing, habang nililinis ni Agnes ang silid na ginamit ni Sir Mattias ay isang liham ang natuklasan niyang iniwan ng matanda para sa kanila.

Agnes,

Maraming salamat sa inyong pagkupkop sa akin. Salamat dahil sa nalalabi kong oras sa mundo ay muli kong naramdaman kung paano magkaroon ng isang pamilya. Hindi ko makakalimutan ang utang na loob na ito, kahit sa kabilang buhay. Sana magustuhan niyo ang aking huling regalo.

Mattias

Hinanap ni Agnes sa silid ng matanda ang regalo na sinasabi nito ngunit wala siyang nakita. Huminto siya saglit sa paghahanap nang may kumatok sa kanilang pintuan.

“Sir Lukas?” Gulat na wika niya. Ito ang lalaking nagpakilalang abogado raw ni Sir Mattias.

“Mayroon lamang akong ibabalita sa inyo, hija.” Inilabas nito mula sa hawak na bag ang isang envelope.

“Ito ang last will and testament ni Mattias. Nakasaad dito na ang lahat ng kaniyang ari-arian ay mapupunta sa pamilyang kukupkop sa kaniya hanggang sa kaniyang huling hininga.”

Tumingin ito sa kaniya. “At kayo ang pamilyang iyon.”

Nanlaki ang mata ni Agnes. Tila iyon yata ang regalo na sinasabi ng matanda!

“Imposible ho! Baka ho si Ma’am Amelia ang tinutukoy niya!” Hindi kumbinsidong wika niya sa abogado.

“Nakausap ko siya ilang araw bago siya pumanaw, at ang pamilya niyo ang gusto niyang pagbigyan ng lahat ng kaniyang ari-arian,” paliwanag nito.

“Eh paano ho ang pamilya niya? Pwede ho bang wala silang makuha? Malamang magagalit ang mga iyon sa amin!” Problemadong tanong ni Agnes.

“Kayo ang itinuturing niyang pamilya. Hindi naman kailangan kadugo ang magiging tagapagmana, hindi ba? Kayo lang ang tunay na nagmalasakit kay Mattias kaya lalaban tayo kung magsasampa ng reklamo ang mga anak niya,” sabi ng abogado bago umalis.

Kagaya ng inaasahan, nagreklamo nga ang mga anak nito na ganid sa pera. Nagulat ang mga ito na napakalaki pala ng ari-arian na naiwan ng ama.

Ngunit ibinasura rin kaagad ang reklamo ng mga ito. Lalo pa’t madaming ebidensiya na pinabayaan ng mga ito ang kanilang ama. Walang nagawa ang mga ito kung hindi ang magalit at magsisi.

Simula noon, nakapamuhay ng komportable ang pamilya nila Agnes.

Ni minsan ay hindi nila nalimutang gunitain ang buhay ni Mattias. Lagi nila ipinagdarasal ang kaluluwa nito kung saan man ito naroroon.

Advertisement