Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Binatang Ito ang Mangmang na Kamag-aral, Nanliit Siya sa Tagumpay Nito Sampung Taon ang Nakalipas

Minaliit ng Binatang Ito ang Mangmang na Kamag-aral, Nanliit Siya sa Tagumpay Nito Sampung Taon ang Nakalipas

“Pare, turuan mo nga ‘yang si Carl, tingnan mo, ngayon lang pumasok kung kailan araw ng exam, anong maisasagot niyan?” sambit ni Bino nang makitang nakatungo lang sa lamesa ang kaklase nilang ngayon lang pumasok.

“Naku, Bino, bakit mo ba iniinis ang sarili mo? Hayaan mo siya, kasalanan niya ‘yan, tatamad-tamad siya pumasok, eh,” sagot ni Hezekiah habang abala sa pagbabasa ng kanilang mga pinag-aralan.

“Hindi ka ba naaawa sa kaniya? Ikaw ang nangunguna sa klase natin, dapat tulungan mo siya kahit konti,” pangongonsensya pa nito dahilan upang bahagya siyang mainis.

“E ‘di ikaw ang tumulong sa kaniya, tutal, ikaw naman ang pangalawa sa klase natin, hindi ba?” inis niyang sagot dito dahilan upang yayain nitong mag-aral ang kaklaseng kanilang pinag-uusapan ngunit imbis na matuwa, pinaalis lang ito ng naturang binata, “Kung ako kasi sa’yo, huwag mo pag-aksayahan ang taong walang pangarap sa buhay, tiyak naman walang mararating ‘yan, bakit mo pa tuturuan?” parinig niya sa binata dahilan upang agad itong lumabas sa kanilang silid-aralan.

“Hezekiah, sobra naman yung sinabi mo,” bulong pa ni Bino sa kaniya.

“Totoo naman, eh, bakit hindi niya ako gayahin? Nag-aaral nang lubos kaya lalong tumatalino,” mayabang niyang sagot saka bumalik muli sa pag-aaral.

Kilala bilang isa sa mga natatanging estudyante ang binatang si Hezekiah sa kanilang paaralan dahil sa angkin niyang katalinuhan. Sa katunayan nga, kada may patimpalak na namamagitan sa bawat paaralan sa kanilang lalawigan, siya ang laging pinapanlaban. Mapapatimpalak man ‘yan sa Mathematics, Science, History o kahit anong asignatura pa, isa siya sa mga pinipiling magrepresenta ng kanilang paaralan.

Ni minsan, hindi pa siya umuwing luhaan. Palagi niyang nasusungkit ang medalyang pinaglalabanan at inuuwi ito sa kanilang paaralan dahilan upang labis siyang hangaan, hindi lang ng mga estudyante’t guro, pati na ng kanilang punong guro na ganoon na lang siya kung purihin.

Ngunit dahil sa mga papuri at tagumpay na nakakamtan, tila nag-iba ang pakikitungo niya sa kaniyang mga kapwa estudyante, lalo na sa kaklase niyang parang isang kabute na papasok lang sa araw ng pagsusulit.

Lagi niyang sinasabi kapag may nais magpaturo sa kaniya ng isang asignatura, “Ang mga estudyanteng tamad at mangmang, walang mararating sa buhay,” dahilan upang unti-unting dumami ang mga estudyanteng nanggagalaiti sa yabang na mayroon siya.

Lumipas ang mga buwan at tuluyan na siyang nakapagtapos ng hayskul. Ngunit imbis na maging masaya dahil sa sandamakmak na medalyang nakasabit sa kaniya, kalungkutan ang kaniyang naramdaman nang wala ni isa sa kaniyang mga kamag-aral ang pumapansin sa kaniya.

Pinagsawalang bahala niya iyon at agad na umuwi upang maghanap ng kolehiyong kaniyang papasukan. Ngunit bigla siyang nilapitan ng kaniyang mga magulang at inamin sa kaniyang wala nang pinagkakakitaan ang mga ito na labis niyang ikinagalit.

“Pasensiya ka na, anak, nalugi ang negosyo natin, eh, pwede ka na naman makapagtrabaho, tapos ka na sa hayskul, eh, kahit may iskolaryip ka, hindi ka namin mapapag-aral na, wala na nga tayong makain, eh, napapansin mo ba?” ika ng kaniyang ama saka agad na umalis sa kaniyang silid. Tinapik-tapik lang siya ng kaniyang ina saka sumunod sa kaniyang ama.

Doon na tila tumigil ang mundo niya. Buong akala niya’y makakapagtapos siya ng pag-aaral dahil sa angking talino niya, ngunit iba pala ang nais ng tadhana.

Kahit na lingid sa kaniyang kagustuhan, agad siyang naghanap ng trabaho. Balak niya sanang magtrabaho habang nag-aaral ngunit tila hindi iyon ang takbo ng kaniyang buhay dahil hindi siya makahanap ng trabahong makakapagbigay sa kaniya ng sapat na perang pangkain nilang pamilya at pangbaon niya sa paaralan.

Hanggang sa lumipas ang sampung taon, wala pa rin siyang permanenteng trabaho. Kung hindi siya naghahakot ng semento kapag may ginagawang bahay, siya’y nagpapadyak ng pedicab para lang kumita ng pera.

Isang araw, nakatanggap siya ng mensahe mula sa kaibigang si Bino, iniimbitahan siya nito na pumunta sa reunion ng kanilang klase. Agad siyang tumanggi dahil nga wala siyang sapat na pera at labis siyang nahihiya dahil kung sino pa ang nangunguna noon sa klase, siya pa ang nangungulelat ngayon.

Ngunit kinabukasan, nakita na lang niyang nasa harap na ng kanilang barung-barong ang binatang dati’y minamaliit niya. Lulan ito ng isang magarang sasakyan kasama ng kaniyang kaibigang si Bino. Pinilit siya ng mga ito na sumama, binihisan siya, pinakain at inayusan bago magtungo sa naturang reunion.

Doon niya nalamang kaya pala madalas lumiliban sa klase ang naturang binata, naglalako pala ito ng isdang huli ng lumpong ama. Ito raw ang tanging pinagkakakitaan nila noon upang mabuhay. Hindi man nakapagtapos ng hayskul dahil laging lumiliban sa klase, mas pinili pala ng binatang ito na magnegosyo upang mabantayan ang ama at kumita ng pera, at doon na nagsimulang umangat ang buhay nito.

Nakatungo lang siya habang pinapakinggan ang kwento ng naturang binata at labis siyang nagulat nang alukin siya nito ng trabaho sa sarili nitong kumpanya na ikinatuwa niya.

Wala mang ipon katulad ng iba, isang leksyon naman ang kaniyang natutunan sa buhay na mayroon siya ngayon.

Doon niya labis na napagtantong daig ng madiskarte ang matalino. Parehas man silang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, diskarte ang pinairal ng kaniyang kaklase dahilan upang ito’y magtagumpay. Kung dati’y nilalait-lait at minamaliit niya ang kaklase, ngayon ay ito na ang kaniyang inspirasyon upang magsikap sa buhay.

Advertisement