Inday TrendingInday Trending
Nilayasan ng Kaniyang Mag-ina ang Lalaki sa Kaniyang Kaarawan, Ang Araw na Ito rin Pala ang Simula ng Kaniyang Pagbangon

Nilayasan ng Kaniyang Mag-ina ang Lalaki sa Kaniyang Kaarawan, Ang Araw na Ito rin Pala ang Simula ng Kaniyang Pagbangon

“Mahal, baka naman pwedeng bukas na kayo umalis ni bunso? Parang-awa mo na, huwag niyo akong iwan sa mismong kaarawan ko,” pagmamakaawa ni Raul sa asawa niyang nag-eempake ng mga damit.

“Bukas pa? Para ano? Isang araw na naman kaming magtitiis ng gutom, ha?” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang mapatungo na lang siya.

“Patawarin mo ako, mahal, pangako, maghahanap ako ng maraming kalakal ngayon, huwag niyo lang akong iwan,” pangungumbinsi niya sa asawa saka niya inalis sa kamay nito ang bag na may lamang mga damit.

“Ilang beses mo nang sinabi ‘yan, Raul?! Hanggang ngayon, mas mahirap pa tayo sa daga! At kung pwede nga lang kainin ang daga, baka iyon na ang pinapaulam mo sa amin sa araw-araw!” mangiyakngiyak na sambit nito sa kaniya saka hinaltak sa kaniyang kamay ang bag na puno ng damit, “Bahala ka na sa buhay mo, hindi ko na kayang tiisin ang ganitong buhay! Wala akong pakialam kung kaarawan mo ngayon, eh, isang normal na araw lang naman ito na wala tayong makakain!” dagdag pa nito saka kinarga ang kanilang anak at tuluyang umalis.

“Mahal ko!” sigaw niya, hinabol man niya ito at pinigilan sa abot ng kaniyang makakaya, hindi siya nito inintindi bagkus nagpatuloy pa rin ito sa pag-iwan sa kaniya dahilan upang mapaluhod na lang siya’t humagulgol sa kalsada.

Isang mangangalakal ang padre de pamilyang si Raul. Lubos na siyang natutuwa kapag nakakalikom ng isang daang piso sa isang araw. Agad na niya itong binibili ng bigas at itlog na ipapakain niya sa mag-ina niyang isang beses lang sa isang araw kung makakain dahil sa paghihintay sa kaniya.

May maganda naman talaga siyang trabaho noon kung saan siya kumikita ng sapat na pera para sa kaniyang mag-ina. Ngunit dahil sa angking talento at talino, maraming naiinggit sa kaniya, kaya naman siya’y ginawan ng isang patibong upang mapatalsik.

Inutusan siya ng isang niyang katrabaho na kumuha ng pera sa opisina ng kanilang boss at dahil nga ang pagkakaalam niya’y utos ito ng nakakataas sa kaniya, agad-agad niya itong sinunod, ngunit nang mahuli siya ng kanilang boss, bigla na siyang binaliktad nito dahilan upang makasuhan siya, mapatalsik sa trabaho, at makulong ng isang taon.

Labis ang kahihiyang naramdaman niya noong mga araw na iyon dahilan upang siya’y malunod sa depresyon habang nasa kulungan. Ito ang dahilan upang hindi na siya magtangkang pumasok pa sa trabaho pagkalabas niya ng kulungan.

“Magnenegosyo na lang ako, hawak ko na ang oras ko, akin pa lahat ng kita,” sambit niya sa kaniyang asawa nang siya’y makalaya, ngunit dahil nga wala silang sapat na pera pangpuhunan, napilitan siyang mangalakal muna upang makalikom ng pera habang naglalabada ang kaniyang asawa.

Ngunit siguro, ganoon talaga kapait ang tadhana sa kaniya dahil kahit anong gawin niya, saan siya magpunta, halos araw-araw, kakaunti ang kaniyang mga nakakalakal dahilan upang unti-unti silang mabaon sa utang sa tindahan. Ito na ang naging dahilan upang magdesisyon ang kaniyang asawa na iwan siya.

Noong araw na ‘yon, habang humahagulgol sa kalsada, bigla na lang may tumabi sa kaniya’t inabutan siya ng isang malaking cake na may nakasindi pang kandila.

“Ikaw naman, Raul, nakalaya ka na pala, hindi ka man lang bumisita sa opisina ko,” sambit ng dati niyang boss dahilan upang mapatigil siya sa pagngalngal, “Maligayang kaarawan sa’yo, hindi ko sadyang makita ang pag-iwan sa’yo ng mag-ina mo, ang sadya ko lang naman, mapabalik ka sa trabaho sa kaarawan mo,” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat.

Doon niya nalamang natuklasan na pala nito ang tunay na nangyari sa kaniya. Labis itong humingi ng tawad saka siya kinantahan ng maligayang bati’t pinahipan sa kaniya ang dalang cake habang sila’y nakasalampak sa kalsada.

“Wala, eh, magaling ka kasi kaya kinaiinggitan ka. Mantakin mo, pati imbestigasyon, napalabas nilang maysala ka, patawarin mo ako, ha,” sambit nito na labis niyang ikinatuwa.

Muli nga siyang bumalik sa dating trabaho dahilan upang unti-unti siyang muling makaipon. Nabalitaan niya ring napatalsik na ang mga empleyadong may inggit sa kaniya dahilan upang bumalik na ang kagalingan niya pagtatrabaho.

Tinutok niya ang sarili sa pagtatrabaho upang agad na makaipon at mahanap na ang kaniyang mag-ina ngunit isang araw, bigla na lang siyang dinalaw ng mga ito sa kaniyang trabaho na labis niyang ikinatuwa.

“Patawarin mo ako, Raul, patawad. Nangamba lamang akong walang magiging kinabukasan ang anak natin. Ni hindi kita naisip. Patawarin mo ako,” hikbi nito dahilan upang agad niya itong yakapin at humingi ng tawad sa lahat ng kaniyang pagkukulang.

Advertisement