
Itinago ng Binatang Ito ang Tunay na Kasarian Dahil sa Takot sa Ama, Napaluha Siya nang Suportahan ng Buong Pamilya
“Sis! Ano na? Sasali ka ba sa…” hindi na natapos ni Tiffany ang kaniyang sinasabi dahil bigla nang tinakpan ng kaibigan ang kaniyang bibig.
“Hoy, Dan! Ano ka ba? Baka marinig ka ng tatay ko! Alam mo namang hindi pa ako nakakapaglantad sa kaniya, eh, nakakainis ka talaga!” bulong ni Junior saka niya bahagyang sinabunutan ang kaibigan.
“Ah, eh, pasensiya ka na, Junior, akala ko kasi nasabi mo na sa kaniya kagabi,” kamot-ulong sambit nito saka tumawa dahilan upang muli niya itong sabunutan.
“Naku, naudlot nga, eh. Biglang nagsidatingan yung mga katrabaho niya no’ng kakausapin ko na siya. Ayun, katulad ng dati, pinipilit ako ng mga katrabaho niya na mag-pulis din balang araw,” kwento niya habang abala sa pag-aayos ng kaniyang buhok.
“Eh, paano ‘yan? Anong balak mong gawin? Naku, mamaya na ang patimpalak sa paaralan, hindi pwedeng mangulelat ang klase natin,” pag-aalala ng kaniyang kaibigan dahilan upang mapabuntong hininga na lang siya.
“Hindi ko nga, alam, eh. Bahala na, halika na, mahuhuli na tayo sa klase,” yaya niya sa kaibigan saka na sila lumabas ng kaniyang silid.
Nakita niya ang kaniyang ama na abala sa pagbabasa ng diyaryo sa sala dahilan upang akbayan niya ang kaibigan saka nagpaalam.
“Tatay, alis na po kami ng nobya ko,” sambit niya saka na sila tuluyang lumabas ng bahay.
“Kadiri ka talaga!” pandidiri ng dalaga saka siya malakas na tinulak palayo.
“Hayaan mo na! Talo ka pa ba, sis?” sambit niya dahilan upang maghagalpakan sila habang naglalakad.
Bunso at nag-iisang lalaki sa apat na magkakapatid ang binatang may pusong dalaga na si Junior. Nasa elementarya pa lamang siya nang makaramdam ng kakaibang kagustuhan na taliwas sa kaniyang kasarian ngunit dahil nga isang pulis ang kaniyang ama at siya ang inaasahan na susunod sa mga yapak nito, hindi niya ito inintindi bagkus pinilit niya ang sariling maging isang tunay na lalaki.
Hanggang sa pagtuntong niya sa hayskul, kinimkim niya ang tunay na nararamdaman. Paghinalaan man siya ng iba sa kaniyang kasarian, pilit niya itong itinatanggi dahil nga ganoon na lang ang takot niya sa kaniyang ama. Upang matahimik na ang mga usap-usapan, nakiusap siya sa kaniyang matalik na kaibigang si Tiffany upang umarte bilang nobya niya na labis namang ikinatuwa ng kaniyang ama’t buong pamilya.
Ngunit nang tumuntong na siya sa ikalabing-dalawang baitang niya sa hayskul, kung saan nakasalamuha na siya ng iba’t-ibang klase ng tao, doon na siya labis na nahirapang magtago dahilan upang ilantad na niya ang kaniyang pagkababae sa mga kapwa niya estudyante. Labis ang suportang ipinakita ng mga ito sa kaniya at nais pa siyang ipanlaban sa darating na pageant sa kanilang paaralan dahilan upang labis siyang mag-alala at matakot sa kung anong pwedeng mangyari kapag ito’y malaman ng kaniyang ama.
Noong araw na ‘yon, ang araw ng nasabing patimpalak, pagpasok nila sa paaralan ni Tiffany, agad siyang sinalubong ng kaniyang mga kaklase. Pinapasukat na sa kaniya ang gagamitin niyang mga damit para sa darating na pageant.
“Naku, teka lang, hindi pa kasi ako nakakapagpaalam,” nakatungong sambit niya.
“Ano ka ba, Junior, si tatay nga ang bumili niyan, eh, huwag ka na mag-alala, suportado ka naming lahat!” biglang lumaki ang kaniyang mata nang marinig ang boses ng panganay niyang kapatid.
“A-ate?” hindi makapaniwala niyang sambit.
“Huwag ka nang maarte d’yan, wala na tayong oras, aayusan na kita!” sigaw nito saka siya pinaupo sa upuan at sinimulang lagyan ng make-up dahilan upang bahagya siyang mapaluha sa saya.
Ilang oras lang ang nakalipas, nagsimula na nga ang nasabing patimpalak. Kabado man, nilabanan niya ang sarili at ginawa ang lahat ng kaniyang makakaya upang masungkit ang pinapangarap na korona at dahil nga sa angking talento at katalinuhan, nagawa niyang makuha ang kaniyang pangarap.
Mangiyakngiyak niyang iwinagayway ang kaniyang kamay habang naglalakad sa entablado bitbit-bitbit sa kaniyang ulo ang naturang korona.
Nakuha ng kaniyang ama na nakauniporme pa ang kaniyang atensyon, “Anak ko ‘yan!” sigaw nito saka naghiyawan ang mga katrabaho nitong pulis na dumayo pa para lamang panuorin siya dahilan upang ganoon na lang mag-umapaw ang kasiyahang nararamdaman niya.
Doon niya napagtantong wala siyang dapat ikatakot, lalo na kung wala naman siyang tinatapakang tao. Nasa linya man ng batas ang kaniyang ama, hindi naman isang krim*en ang magkaroon ng pusong babae kahit pa siya’y pinanganak na lalaki.