Inday TrendingInday Trending
Nagkahiwalay ang Magkasintahan Matapos Magsama sa Iisang Bahay; Muling Nag-krus ang Kanilang mga Landas sa Hindi Inaasahang Pagkakataon

Nagkahiwalay ang Magkasintahan Matapos Magsama sa Iisang Bahay; Muling Nag-krus ang Kanilang mga Landas sa Hindi Inaasahang Pagkakataon

“Ayoko na, Jeffrey! Tapusin na natin ito…”

“Yeah, right. Ayoko na rin. Sawa na ako sa mga pang-aaway mo.”

Sa wakas, nagkasundo rin ang mag-live in partner na sina Jeffrey at Alma sa tatlong taong pagsasama nila. Pagsasamang 90% yata ay puro away at 10% ay magpapalamig muna sila upang mag-away ulit sa susunod na mga araw.

Nagkakilala sila sa ‘di inaasahang pagkakataon. Namamasyal sila noon sa isang mall, nang hindi sinasadyang madulas si Alma at mapaupo sa tiles ng mall. Si Jeffrey ang naroon- inalalayan siya nito at tinulungang makatayo, literal at mula sa kahihiyan. Mga bata pa sila noon. Si Jeffrey ay 19 at si Alma naman ay 18.

Nagkapalagayan ang mga loob nila. Wala pang tatlong buwan, naging sila. Kaya naman ganoon na lamang ang galit ng kanilang mga magulang. Magtapos daw muna sila ng pag-aaral at tumulong sa pamilya.

Dahil mga bata pa at nagpapadala pa sa mga simbuyo ng damdamin, nagtanan sina Jeffrey at Alma at nagsama. Nagdalantao si Alma subalit sa ‘di inaasahang pagkakataon, nalaglag ito. Sa una ay masaya sila. Puno lamang ng pagmamahalan ang kanilang pagsasama.

Hindi marunong magluto si Alma. Hindi rin marunong magluto si Jeffrey. Masaya sila kahit pancit canton lamang ang lagi nilang inuulam, o kaya naman, de-lata. Kahit na tinatapos ni Jeffrey ang pag-aaral sa kolehiyo, nagworking student ito para sa kanila ni Alma.

Subalit sabi nga, kahit ang madalas mong kainin ay pinakamasarap na pagkain, darating din ang sandaling mananawa ka na rin dito. Nagsawa sa pancit canton sina Jeffrey at Alma. Nagsawa si Jeffrey na walang alam na gawaing-bahay si Alma kundi magsaing at magwalis.

Napapagastos pa sila nang malaki sa pagpapalaba at pagpapaplantsa. Naging mainitin ang ulo ni Jeffrey lalo na kapag binubungangaan siya ni Alma dahil minsan ay ginagabi siya ng uwi. Selosa pala si Alma. Lagi nitong pinaghihinalaan si Jeffrey na may ibang kinakalantaring babae.

At ngayon nga, pareho na silang napika sa isa’t isa. Sa loob ng tatlong taon, saka nila napagtantong marami pala silang mga pagkakaiba. Mga pagkakaibang walang nais na i-adjust ayon sa ugali at katangian ng isa’t isa. Parang walang nangyaring pagsasama ng tatlong taon.

Para lamang itong tatlong araw para kina Jeffrey at Alma. Umuwi sila sa kani-kanilang mga pamilya, na ikinagulat naman ng kanilang mga magulang.

Ipinagpatuloy lamang ni Jeffrey ang kaniyang pagiging mahusay na Engineer. Nagpokus siya sa kaniyang career. Si Alma naman, ipinasyang mag-aral ng culinary arts.

Makalipas ang dalawang taon, may sarili na siyang restaurant, sa suporta na rin ng kaniyang pamilya. Naitalaga naman si Jeffrey sa branch ng kanilang kompanya sa Singapore kaya naman doon na siya nanirahan.

Makalipas ang limang taon, ipinasya ni Alma na maglakbay. Matagumpay na ang kaniyang restaurant. May apat na siyang branch at bukas na rin siya sa mga nagnanais na mag-franchise. Kailangan niyang mag-benchmark upang makakuha ng ideya sa mga Asian restaurants. Iyan kasi ang balak niya.

Isa sa mga pinuntuhan niya ang Singapore. Habang naglalakad siya sa isang mall doon, hindi sinasadyang matapilok siya. Ngunit isang lalaki ang agad na lumapit sa kaniya upang tulungan siya. Nagkagulatan sila nang makita nila ang isa’t isa.

“J-Jeffrey? A-anong ginagawa mo rito?” Inalalayan muna siya nitong makatayo bago siya sinagot.

“Dito na ako nakatira because of work. Ikaw? Bakit narito ka?”

“Wala… travel. Benchmark lang for some ideas para sa Asian restaurant ko,” sagot ni Alma. Napansin ni Alma na ang laki ng ipinagbago ni Jeffrey. Lalo itong naging guwapo.

“Ah ganun ba. Busy ka ba? Coffee tayo?” aya ni Jeffrey sa dating kasintahan. Nagpaunlak naman si Alma. Nagkumustahan. Napag-alaman nilang single pa ang isa’t isa. Ipinangako ni Jeffrey na sasamahan si Alma sa mga restaurants sa Singapore. Pumayag naman ito.

At tila sa kanilang pagsasama, nanumbalik ang nakaraan sa kanila. Parang nakalimutan nilang tatlong taon silang nagsama bilang live-in partner na puro away lamang.

“Alma… paano kung magkabalikan ulit tayo? Subukin ulit natin? Alam mo, noong nawala ka sa buhay ko, narealize ko na mahal kita. Siguro kinailangan lang nating mahalin muna ang mga sarili natin… masyado pa kasi tayong bata noon,” pagtatapat ni Jeffrey.

Sa pagkakataong iyon ay nagpatianod si Alma sa sinabi ni Jeffrey. Pareho siya nang nararamdaman para sa lalaki.

“Malaki ang pasasalamat ko na nagkahiwalay tayo. Nagawa ko ang mga bagay na hindi ko inasahang magagawa ko. Nag-grow ako as a person. Sa halos limang taon na nagkahiwalay tayo wala akong ibang minahal kundi ikaw lang… at ngayon, pakiramdam ko mas handa na ako,” sagot ni Alma.

At nagkabalikan nga sina Jeffrey at Alma. Sinong mag-aakalang makalipas ang limang taong magkahiwalay ay muli silang magkukrus ng landas, at naroroon pa rin ang kanilang mga damdamin?

Makalipas ang isang taon, ipinasya ng dalawa na magpakasal. Buo naman ang naging pagsuporta ng kanilang mga magulang at kaibigan.

Advertisement