Inday TrendingInday Trending
Naging Tapat si Joe sa Kaniyang Boss kahit Takot na Takot Siyang Umaming Nagkamali Siya sa Trabaho; Ikinagulat ng Lahat ang Parusa ng Istriktong Amo

Naging Tapat si Joe sa Kaniyang Boss kahit Takot na Takot Siyang Umaming Nagkamali Siya sa Trabaho; Ikinagulat ng Lahat ang Parusa ng Istriktong Amo

Malakas ang kalabog ng dibdib ni Joe, habang tinitingnan ang mga basag na produkto sa sahig ng stockroom ng kanilang kompanya. Nagkalat ang mga piraso ng babasaging mga lalagyan ng mga produkto para sa mukha.

Kinakabahan si Joe na baka malaman iyon ng kanilang boss, dahil ikinatatakot niyang matanggal siya sa trabaho. Huwag naman sana ngayong may sakit ang kaniyang kapatid na kailangang ipagamot.

“Naku, pare, ikaw ang nakabasag?” tanong ng isa sa kaniyang mga katrabaho.

Tumango si Joe bilang tugon.

“Magmadali ka na lang, Joe. Hindi pa naman nabibilang sa inventory ang mga ’yan tapos wala pang CCTV dito sa stock room. Hindi naman siguro mapapansin ni boss. Isang box lang naman ang kulang, e,” suhestiyon naman nito sa kaniya sabay tapik sa kaniyang balikat bilang pagpapakita ng simpatiya bago ito bumalik sa trabaho.

Hindi sumagot si Joe sa sinabi nito. Parang hindi yata kaya ng kaniyang konsensiya ang sinabi nito pero, may punto nga naman ang katrabaho.

Unang beses kasing may nangyaring ganito kay Joe kaya naman talagang sobra ang kaba niya. Hindi iyon nawala sa kaniyang isip hanggang sa maya-maya ay dumating na nga ang kanilang istrikto at kilalang malupit na boss.

Makailang beses na napalunok si Joe dahil may bumibikig sa kaniyang lalamunan. Tanda na labis ang takot na ngayon ay kaniyang nararamdaman. Naiipit siya sa dalawang desisyon dahil iniisip niya ang kapakanan ng kaniyang kapatid. May sakit ito at siya lamang ang inaasahan ng kaniyang pamilya ngayon dahil baldado na ang kaniyang ina. Ang kaniya namang ama ay matagal nang pumanaw noong sila ay maliliit pa.

Si Joe ang panganay sa limang magkakapatid. Sa edad na beinte kuwatro ay pasan na niya ang kaniyang buong pamilya kaya nga kahit ang pagkakaroon ng nobya ay wala sa prayoridad niya ngayon. Sapat na sa kaniya ang mga ngiti ng kaniyang mga nakababatang kapatid sa tuwing uuwi siya galing sa trabaho.

Matagal nang tulala ang binata nang mapansin siya ng kaniyang boss. Agad siya nitong tinawag upang tanungin. “Ano ang problema mo at tulala ka yata diyan?”

Muling nabuhay ang matinding kaba sa dibdib ni Joe nang marinig pa lang ang tinig ng kaniyang boss. Bigla siyang napipi nang ilang sandali.

“S-sir…” Hindi alam ni Joe kung paano itutuloy ang kaniyang sasabihin. Nanatiling nakatitig ang kaniyang boss sa kaniya na tila ba may hinihintay na isiwalat niya.

“Sir, nakabasag po kasi ako ng isang box ng produkto natin. Sorry po talaga, sir!” sa wakas ay nasabi niya rin.

“Hindi iyan ang itinatanong ko, Mr. Castro. Tinatanong ko kung may problema ka ba at ikaw ay tulala?”

Biglang napakunot ang noo niya nang makitang tila hindi naman nabigla ang kanilang boss sa sinabi niya. Ni hindi nga ito mukhang galit. Ganoon pa man, minabuti niyang sumagot na lang.

“Sir, natatakot po kasi akong matanggal. Iyong kapatid ko po kasi ay nasa ospital ngayon at ako lang ang inaasahan nilang tutulong sa kaniya. Nakabasag po ako ng produkto kaya alam ko po na may posibilidad ngang matanggal ako,” mangiyakngiyak na sagot na lamang ni Joe sa kaniyang boss.

“Bakit ko naman tatanggalin ang isang tapat na empleyado ng kagaya mo? Huwag kang mag-alala dahil hindi kita tatanggalin bilang pagkilala sa katapatang ipinakita mo sa akin. Ganoon pa man, kailangan pa rin kitang parusahan kaya’t hindi ka maaaring tumanggi sa ipagagawa ko sa’yo.”

Biglang ikinatuwa ni Joe ang narinig. “Maraming salamat po, sir! Sobrang salamat po! Ano po iyong kailangan kong gawin? Kahit ano ho para lang po makabawi ako.”

“Simple lang naman ang ipagagawa ko sa ’yo, Castro. Kailangan mong tanggapin na hindi ka na lang basta picker ngayon sa stock room. I’m now promoting you as a shift leader. Bukod doon ay tataasan ko rin ang sahod mo.”

Biglang nanlaki ang mga mata ni Joe sa narinig. Walang pagsidlan ng tuwa sa kaniyang dibdib dahil sa magandang balitang iuuwi niya mamaya sa kaniyang pamilya! Hindi akalain ni Joe na ang kapalit pala ng kaniyang katapatan ay ang mas magandang buhay na hatid ng kaniyang boss. Mabuti na lamang at ginawa niya ang tama kahit na maaari naman niyang ilihim ang kaniyang kasalanan laloʼt wala namang ebidensya. Isang mabuting ehemplo si Joe at dapat siyang tularan ng mga empleyado kaya naman binigyan siya ng pagkilala ng kaniyang boss.

Advertisement