
Pinalayas ng Ama ang Tamad na Anak; Iyon Lamang pala ang Solusyon upang Magsumikap ito sa Buhay
Isang tamad at mabarkadang anak si Joseph. Labing walong taong gulang pa lamang siya ngunit halos alam na niyang gawin ang lahat ng klase ng bisyo. Sugal, alak, sigarilyo, babae… lahat iyan ay nasubukan na nito.
Matagal nang sakit sa ulo ni Mang Andoy ang kaniyang nag-iisang anak. Palibhasa ay wala itong kalinga ng inang maagang sumakabilang-buhay. Wala namang panahong mag-asawa pa ng iba si Mang Andoy dahil nangako siya sa sarili na tanging ang kaniyang misis na si Aling Imelda lamang ang kaniyang una’t huling mamahalin.
Ngunit mahirap din pala ang walang katuwang sa buhay. Hindi kasi kaya ni Mang Andoy na pagsabayin ang paghahanapbuhay at pag-aalaga kay Joseph. Habang lumalaki ang kaniyang nag-iisang anak ay nasanay itong lagi na lamang naiiwan sa kapitbahay sa tuwing papasok si Mang Andoy sa trabaho. Halos miminsanan na lamang din kung magkasalubong ang kanilang mga libreng oras, lalo na nang mag-highschool si Joseph.
Tila estranghero na sa isa’t isa ang mag-ama sa paglipas pa ng panahon. Bibihira silang mag-usap o kahit magkabiruan man lang. Nasanay na lamang din si Joseph na palaging wala ang ama kaya’t ang atensyon niya ay ibinuhos niyang lahat sa barkada.
“Andoy! Andoy!” Isang tanghali ay hinahapong tinawag ni Aling Lilibeth si Mang Andoy. “Naku, mabuti naman at naabutan pa kita bago ka pumasok!” dagdag pa ni Aling Lilibeth na siya ring nagsisilbing tagapag-alaga ng kaniyang anak na si Joseph simula pa noon.
“Wala ho talaga akong pasok ngayon, Aling Lilibeth. May day off na ho ako,” balita naman ni Mang Andoy, “pero teka, ano ho ba’t parang humahangos kayo riyan? May problema ho ba?” tanong niya naman kay Aling Lilibeth.
“Naku, Andoy, ang totoo niyan ay ilang araw ko nang inaabangan makadaupang palad kita. May kailangan ka kasing malaman tungkol kay Joseph.”
Biglang dumagundong ang kaloob-looban ni Mang Andoy nang marinig ang pangalan ng kaniyang anak. “A-ano ho iyon, Aling Lilibeth?” kinakabahan niyang tanong.
“Iyang pasaway mo kasing anak, hayon at sumali sa riot sa school! Nagulat lang din ako nang bigla na lang akong ipatawag ng prinsipal sa kanilang paaralan bilang ang alam ng mga ito ay ako ang tumatayong guardian ng bata. Doon nila sinabi sa akin na nadali raw ang anak mo’t malala ang lagay ngayon!” pagsasaad pa ni Aling Lilibeth ng masamang balita.
Nanggigigil na napamura si Mang Andoy habang sinasapo ang kaniyang noo. Pang-ilang beses na ba ito? Hindi na niya mabilang ang mga gulong kinasangkutan ng kaniyang anak, sa totoo lang.
Agad na pinuntahan ni Mang Andoy ang eskuwelahan nina Joseph at ipinagtanong ang tungkol sa batang umano ay nadali ng kaniyang anak. Agad siyang naglabas ng pera upang sagutin ang mga gastusin sa ospital sapagkat alam niyang kasalanan nga talaga iyon ng anak niya gaano man nito itanggi ang insidente.
“Ang lakas ng loob mong mambugbog ng kapwa mo estudyante dahil lang hindi ka niya mapakopya sa assignment? Anong klase kang mag-aaral, ha, Joseph?! Napakatamad mo! Gagawa ka na lang ng assignment, iaasa mo pa sa iba!”
Mataas agad ang tono ng pananalita ni Mang Andoy pagkauwing-pagkauwi pa lamang nila sa kanilang tahanan. Hindi naman sumasagot si Joseph at tila wala lamang naririnig. May gana pa itong maglaro ng mobile games sa harap niya habang siya ay nanenermon.
Sa galit ni Mang Andoy ay hinablot niya ang hawak nitong aparato at inihagis. Akma sanang aangil si Joseph nang bigla niyang ihagis dito ang bag nito at mga damit na ipinahanda niya kay Aling Lilibeth kanina.
“Lumayas ka na sa bahay na ito dahil hindi na kita kailangan!” hiyaw pa ng nanggagalaiti nang si Mang Andoy na umakmang sasampalin pa ang anak.
Dahil doon ay wala nang nagawa si Joseph kundi ang tumakbo palabas ng bahay dahil sa takot sa ama. Ngayon lamang niya ito nakitang ganoon kagalit. Noon kasi ay palagi naman siya nitong pinagpapasensiyahan.
Hindi alam ni Joseph kung saan siya pupunta. Wala naman silang kamag-anak sa lugar na ito dahil halos nasa probinsya ang lahat ng kakilala nila.
Ni wala siyang perang maaaring ipangkain man lang!
Nang subukan ni Joseph na makituloy sa kaniyang mga kaibigan ay wala rin namang naitulong ang mga ito. Lahat sila ay tumanggi, habang ang iba ay pinagtawanan pa siya.
Bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng pagpapasensiyang ginawa ng kaniyang ama sa kaniya kahit na napakapasaway niya. Sa pagkakataong iyon ay nagsisi siya.
Bumalik siya sa puder ng ama. Tinanggap naman siya nito nang bukas-palad. Iyon pala ay tinuturuan lamang siya nito ng leksyon. Sa buong araw na pagala-gala niya sa kalsada ay nakamasid lamang pala ito sa kaniya, lulan ng kanilang sasakyan. Hindi pa rin naialis sa ama ang pag-aalala nito sa kaniya.
Humingi ng tawad si Joseph sa ama at nangakong hindi na uulitin pa ang mga kasalanan. Mula ngayon ay sisipagan na niya ang pag-aaral at makikinig na siya sa mga payo nito.