
Mahilig Manguha ng Tanim ng Kapitbahay si Aling Rose nang Walang Paalam; ‘Di Niya Akalaing Ikapapahamak Nila Iyon
Daig pa ni Aling Rose ang aswang kung makapaniktik sa kanilang kapitbahay. Panay na naman ang silip niya mula sa bintana ng kanilang kuwarto na natatabingan ng manipis na kurtina. Inaabangan niyang magsara na ng mga pintuan at bintana pati na rin ng mga ilaw ang kanilang kapitbahay upang maisagawa na niya ang kaniyang binabalak.
Marami kasing pananim na gulay ang mga ito sa kanilang bakuran na madalas ay siya ring ibinibenta ng mga ito sa palengke bilang dagdag kita na rin. Ngunit tuwing sasapit ang gabi ay sumasalisi pala itong si Aling Rose at nangunguha rin ng mga pananim na hindi naman niya pinaghirapan upang makalibre sa pang-ulam kinabukasan.
Paano’y kilalang sugarol ang babae. Hangga’t maaari niya pang tipirin ang pagkain ng nangangayayat na niyang mga anak ay talagang gagawin niya para lang may maipangtustos siya sa kaniyang pagsusugal. Bukod doon ay isa rin siyang manginginom. Wala nga yatang araw na hindi nakita ng kaniyang mga kabarangay na nakainom si Aling Rose.
Simula kasi nang iwan sila ng kaniyang asawa upang sumama sa ibang babae ay nagkaganon na siya. Nawalan siya ng gana sa buhay. Kahit ang kaniyang tatlong anak ay napabayaan na rin niya. Tila nawalan sila ng patutunguhan.
Kaya nga, heto, sa matagal na panahon ay nakakaraos na lamang sila sa pangunguha ng mga gulay sa kanilang kapitbahay na himalang hindi rin naman nagrereklamo at mukhang pinabayaan na lamang siya sa pangunguha. Mukhang napapailing na lamang ang mga ito sa kanilang gawain.
Tagumpay na naman sa pangunguha ng pananim si Aling Rose. Sa muling pag-uwi niya sa kanilang bahay ay may bitbit na siyang patola, talong at okra. Ganoon din ang malunggay at pechay na bubot pa man ay hindi niya na rin pinalampas.
“Inay, bubot pa ho itong pechay na nakuha n’yo, ah,” pansin ng kaniyang labing tatlong taong gulang na nang isa-isa na nitong alisin ang mga nakuha niyang gulay upang hugasan.
“Aba’y hayaan mo na! Lamang tiyan na rin ‘yan aarte ka pa ba?” mainit ang ulo ng sagot naman ni Aling Rose sa kaniyang panganay.
Natahimik na lamang si Kimberly. Hindi na niya sinagot pa ang ina at nagpatuloy na lamang sa kaniyang ginagawa. Matapos iyon ay natulog na rin siya.
Kinabukasan pagkagising ni Kimberly ay agad siyang tinawag ni Aling Rose, hindi pa man siya nakakapag-almusal. Ni hindi pa nga siya nakapaghihilamos o nakapagmumumog man lang ay utusan na siya nito.
Mabuti na lamang at responsable’t napakabait na anak ni Kimberly kaya naman agad itong tumalima sa ina.
“Ibulanglang mo ’yang mga gulay na ’yan ha? Damihan mo ng sabaw para umabot ’yan hanggang hapunan bukas. Kakain muna ako bago umalis. Huwag na ninyo akong hintayin mamayang gabi dahil gagabihin ako nang uwi,” pagbibilin pa nito sa kaniya.
“Saan po ang punta ninyo, inay? Sa sugalan na naman po ba nina Aling Sonya?” may himig ng pagkadismaya sa tanong na iyon ni Kimberly sa ina.
“E, kung sabihin kong oo, may magagawa ka?”
Muli ay walang naisagot ang dalagita sa ina. Sinunod na lamang niya ang utos nito. Iniluto niya ang bulanglang na gusto ng kaniyang ina.
Masarap na nilantakan ng mag-anak ang pagkaing iniluto ni Kimberly. Kahit naman kasi simpleng bulanglang lamang iyon ay nagawa niya iyong pasarapin. May talento sa pagluluto ang dalagita dahil iyon talaga ang kaniyang hilig.
Ngunit ganoon na lamang ang gulat ng mag-anak nang biglang magsakitan ang kanilang mga tiyan. Maging ang maliliit na kapatid ni Kimberly ay ganoon din. Ang isa sa mga ito ay sumusuka pa! Tarantang-taranta na si Aling Rose kahit na maging siya ay pinagsasaktan din ng tiyan.
Humingi ng tulong ang mag-ina sa kanilang kapitbahay na sa awa ng Diyos ay mabilis din namang rumesponde upang sila’y madala na sa clinic ng kanilang barangay.
Napag-alaman nilang ang bubot na pechay pala ang dahilan ng kanilang pagkakalason!
“Kawiwisik ko lamang ng abono sa tanim kong pechay, Rose. Marami namang ibang gulay sa bakuran ko, bakit iyon pa kasi ang pinagdiskitahan mo? Akala ko naman kasi ay hindi mo iyon kukunin dahil bubot pa ang mga ’yon,” napapailing na anang kapitbahay ni Aling Rose na siyang may-ari ng mga gulay na laging kinukuha niya. Isa pa ito sa mga nag-abot ng tulong sa kanila.
Napayuko na lamang si Aling Rose sa sobrang pagsisisi. Hiyang-hiya siya sa nangyari at labis ang naging takot niya para sa kaniyang mga anak. Nangako siyang magbabago na upang hindi na muling mangyari ang ganito sa kanilang mag-iina.
Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga anak. Simula noon ay nagsumikap nang muli sa buhay si Aling Rose para sa kaniyang mga supling at namuhay sila nang masaya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.