
Masama ang Ugali ng Guwapong Binata Kaya May Kung Sinong Sumugat sa Ipinagyayabang Niyang Mukha; Malapit Pala sa Kaniya ang May Sala
Si Christopher na ang pinakamagandang lalaki sa kanilang pinapasukang kolehiyo. Siya ang pinapantasya at hinahangad ng mga kababaihan. Sa kabila ng kaguwapuhan at kakisigan ay nakapaloob sa binata ang mapangmata at mapanglait na pagkatao.
“Congratulations Christopher dahil ikaw na naman ang nanalong male campus crush ngayong taon. Napakaguwapo mo kasi, pare!” sabi ng kaibigan niyang si Vladmir.
“Ano pa bang aasahan mo sa isang katulad kong guwapo, siyempre ako pa rin ang tatanghaling hari ‘di ba? Wala silang panamang lahat sa kaguwapuhan ko,” aniya.
“Sana kasing guwapo mo rin ako at kasing lakas ng appeal para ma-experience ko naman ang pagiging male campus crush,” wika ng kaibigan.
“Gag*! Asa ka pa! Hindi ka naman biniyayaan ng guwapong mukha ‘no kaya huwag kang ambisyoso, Vlad!”
Tumahimik na lamang si Vladimir sa masakit na pananalitang iyon sa kaniya ng kaibigan.
Bukod sa mga naggagandahang babae sa kanilang campus ay may mga nagkakagusto rin kay Christopher na mga simpleng babae gaya ni Kristel. Hindi masyadong kagandahang babae ngunit matalino ito at mahusay na student leader. Hindi naiwasang ipakita ng dalaga ang paghanga sa binata.
“Saan mo ba ako dadalhin, Vlad?” takang tanong ni Christopher.
“Basta, sumama ka na lang,” anito.
Dinala siya nito sa garden ng eskwelahan.
“Anong ginagawa natin dito?”
“May gustong makipag-usap sa iyo, kaya pagbigyan mo na,” wika ng kaibigan.
Nang biglang lumitaw si Kristel.
“Hi, Christopher, pasensiya ka na ha. Nakiusap talaga ako kay Vladmir para makita at makausap ka,” anito.
Ikinabuwisit ng binata ang presensiya ng dalaga kaya nagalit siya at ipinagtabuyan ito.
“Anong kalokohan ito? Bakit ka narito ha? May gusto ka ba sa akin? Ang kapal rin ng mukha mo na makipagkita sa akin, lumalabas tuloy na malandi kang babae. Para sabihin ko sa iyo, hindi ang katulad mo ang tipo kong babae. Matalino ka nga, pero wala ka namang ganda na pangunahin kong hinahangaan sa isang babae. Ni wala nga sa kalingkingan ng mga magagandang babae rito sa campus ang pagmumukha mo, e. Sorry, pero wala kang maaasahan sa akin. Hindi ang mukhang iyan ang nararapat sa mukha ko!”
Hindi nakapagsalita si Vladimir at tila napahiya naman sa mga sinabi ng binata si Kristel. Halos madurog ang pagkatao ng dalaga sa mga inihayag ni Christopher. Mula noon ay hindi na ito lumapit sa binata. Kapag nagkakasalubong sila ay hindi na siya nito pinapansin. Sa isip ni Christopher ay nagtanda na ang dalaga sa ginawa niyang pamamahiya rito.
Minsan habang naglalakad siya palabas ng eskwelahan ay may lumapit sa kaniyang lalaki.
“Hi, pare! Puwede bang makapagpa-piktyur sa iyo? Idol kasi kita, e. Ang gwapo mo kasi!” wika ng lalaki.
Kahit nagtataka ay pinagbigyan ni Christopher ang hiling nito. “Sure!” tangi niyang nasabi.
Maya-maya ay may kinuha ito sa bag na maliit na patalim at mabilis na inihiwa iyon sa pisngi ni Christopher.
“Aaahh! Bakit mo hiniwa ang pisngi ko?!” sigaw niya.
“Dapat lang sa iyo ‘yan. Siguradong magtatanda ka na!” anito at tumakbo palayo.
Isinugod siya sa ospital ng mga estudyante nagmagandang loob na tumulong sa kaniya. Sinabi ng doktor na mag-iiwan ng napakalaking pilat sa pisngi niya ang sugat na ginawa ng lalaki. Malalim raw kasi ang pagkakahiwa nito sa pisngi niya. Kaya ang dati niyang guwapong mukha ay napalitan na ng pangit na mukha na kailanman ay hindi niya pinangarap.
Mula nang nangyari iyon ay nag-iba na ang lahat. Nawala ang mga taong humahanga sa kaguwapuhan niya hanggang sa nakapagtapos siya sa kolehiyo ay dala-dala niya ang pilat sa kaniyang mukha na nag-iwan ng masakit na alalala. Wala nalang siyang nagawa kundi tanggapin ang sitwasyon niya at ipagpatuloy ang buhay sa bago niyang hitsura.
Sa una ay nahirapan sa paghahanap ng trabaho si Christopher dahil sa hitsura niya ngunit may isang kumpanya na tumanggap sa kaniya at doon siya nakapagtrabaho.
Dalawang buwan pa lamang siyang nananatili sa kumpanyang iyon. Mabait naman sa kaniya ang mga katrabaho niya at kasundo niya ang mga ito. Wala ring kumukutya sa kaniyang hitsura kaya inakala niya na maayos na ang lahat ngunit isang araw…
“Chris, marami ka pa bang ginagawa?” tanong ng kasamahan niyang si Alfred.
“Wala naman masyado. Natapos ko na kasi ‘yung pinagagawa ni Ma’am Vicky kanina. Bakit, may ipapagawa ka ba?”
“Oo, pare, e. Dalhin mo naman itong mga papeles sa kwarto ni boss. Darating kasi siya e kasama ang kapatid niya. Pasuyo na lang,” utos ng kasamang lalaki.
“S-sige, ako na ang magdadala niyan,” aniya.
Ang totoo ay gusto niya ring makita at makilala ang kanilang boss na palagi na lamang niyang hindi nakikita sa opisina. Kapag tinatanong naman niya ang mga kaopisina niya ay palaging sinasabi ng mga ito na palagi itong busy kaya palaging wala sa opisina. Ngayon na may tiyansa na makita at makilala niya ito ay nasa kaniya na ang pagkakataon.
Nang pumasok siya sa kwarto ng kanilang boss ay hindi niya inasahan na nasa loob na pala ito. Nakaupo sa upuan nito habang nakatalikod sa kaniya.
“Good morning, sir, narito na po ang mga papeles na kailangan niyo.”
Nang humarap sa kaniya ang kausap ay laking gulat niya nang makilala ito.
“V-Vladimir?! I-ikaw ang boss ko?”
“Sige ipatong mo na lang diyan sa mesa. Siguradong darating na rin naman ang hinihintay ko,” sabi ng lalaki habang panay ang tingin sa suot na wristwatch.
Maya-maya ay isang pamilyar na boses ang narinig ni Christopher.
“Hi, kuya. Narito na ako!” wika ng babaeng dumating.
Nang lingunin ni Christopher kung kanino nanggaling ang boses ay hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita.
“K-Kristel? Magkapatid kayo?” taka niyang tanong.
“O, hi, Christopher! Natatandaan mo pa pala ako? Hindi kita namukhaan. Ay oo nga pala, kasi hindi ka na pala guwapo gaya ng dati. Dito ka rin pala nagtatrabaho, buti natanggap ka? Ah, siyempre boss kasi si Vladimir dito kaya nakapasok ang kagaya mo,” nang-iinis na sabi ng babae.
“T-teka, ikaw ang dahilan, Vlad, kung bakit ako nakapasok dito sa kumpanyang ito? Sa tagal nating magkaibigan, hindi mo sinabing magkapatid pala kayo?” aniya.
“Oo, magkapatid kami ni Kristel. Hindi ko sinabi sa iyo na may kapatid akong babae dahil hindi ka naman interesado sa mga babaeng hindi kagandahan ‘di ba? Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan ang araw na hinamak at pinahiya mo ang aking kapatid. Kaya nang malaman kong nag-apply ka rito sa kumpanya ng papa namin ay agad akong gumawa ng paraan para makapagtrabaho ka rito. Plinano naming magkapatid na mangyari talaga ang pagkikita nating tatlo dahil may ipagtatapat kami sa iyo,” hayag ni Vladimir.
“At ano naman iyon?”
“Kami lang naman ni Kristel ang may kagagawan ng nangyari sa iyo. Kami ang nag-utos na papangitin ang iyong mukha para mawala na ang kaangasan at kayabangan mo. Alam mo bang galit na galit ako sa iyo noon dahil sa mga panlalait na ginawa mo sa akin at sa aking nakababatang kapatid? Nararapat lang sa iyo iyan dahil sa kabila ng mala-anghel mong mukha ay nagtatago naman ugali ng isang dem*nyo!” bunyag ng lalaki.
Magkahalong galit at sama ng loob ang naramdaman ni Christopher sa ibinunyag sa kaniya ng dalawa.
“Mga hayop kayo! Sinira niyo ang mukha ko, ang buhay ko!” bulyaw niya sa dalawa. “Hindi pa ako tapos sa inyo. Alam kong marami akong kasalanan at pinagsisisihan ko na iyon. Ang hindi ko lang matanggap ay nagawa niyo talagang sirain ang buo kong pagkatao para sa paghihiganti ninyo? Humanda kayo, magbabayad kayong magkapatid sa ginawa ninyo sa akin!” aniya sa galit na boses at nagmamadaling lumabas ng kwarto.
Sinampahan niya ng kaso sina Vladimir at Kristel sa ginawa ng mga ito sa kaniya na nauwi sa pagkakaaresto sa magkapatid. Ipinangako naman ni Christopher sa sarili na hinding-hindi na siya manlalait ng kapwa dahil kundi dahil sa ugali niyang iyon ay hindi sana nangyaring may mga sumama ang loob at nagalit sa kaniya.