Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Babae ang Nobyo sa Kapatid ng Kanilang Boss; Mabilis ang Singil ng Kama sa Kaniya

Ipinagpalit ng Babae ang Nobyo sa Kapatid ng Kanilang Boss; Mabilis ang Singil ng Kama sa Kaniya

“Napakaguwapo na, napakabait pa ng sweetheart ko!” tuwang-tuwang sabi ni Pamela sa nobyong si Erick.

“E, sino pa ba ng magtutulungan ‘di ba, at saka makakaya ko bang pabayaan ang pinakamamahal kong sweetheart?” sagot ng lalaki.

Tinulungan niyang makapasok sa pinagtatrabahuhang kumpanya ang kasintahan. Hirap kasing makahanap ng trabaho ang nobya dahil hindi ito nakapagtapos sa kolehiyo. Buti na lang at napakiusapan ni Erick ang kaniyang boss para makapasok ito bilang office staff.

Wala pang isang buwang nagtatrabaho roon ang babae nang matipuhan ito ng kapatid ng boss ni Erick na si Armando. ‘Di naman kasi maipagkakaila na maganda, maputi at seksi si Pamela kaya madali nitong nabihag ang puso ng lalaki. Dahil ambisyosa si Pamela ay pinatulan niya si Armando at nagkaroon sila ng bawal na relasyon na hindi nalalaman ni Erick.

“Labs, kailan ka ba makikipaghiwalay kay Erick? Para malaya na tayong magsama at wala na tayong itinatago pa,” wika ng lalaki.

“Humahanap pa ako ng tiyempo, e. Huwag kang mainip labs at mawawala rin sa landas natin si Erick!”

May naisip na paaran ni Armando.

“Ako nang bahala. Sa gagawin ko ay tiyak na iiwan mo siya.”

Kinagabihan, habang naggagayak na para umuwi si Erick ay tinawagan niya si Pamela para sabay na silang umuwi. Habang hinihintay sa labas ng opisina ang nobya ay may lumapit sa kaniyang maganda at seksing babae. Nilandi-landi siya nito at nagulat na lang siya nang bigla siya nitong hinalikan sa labi.

“T-teka, t-tigilan mo nga ako!” pigil niya habang pinipigilan ang babae sa ginagawang paghalik sa kaniya.

Mas lalong pinag-igi ng babae ang pananamantala sa kaniya.

Maya-maya ay bigla itong tumigil sa paghalik at nagmamadaling umalis.

Tinangkang habulin ni Erick ang babae ngunit mabilis itong nawala sa kaniyang paningin. Labis siyang nagtataka kung sino ito at kung bakit ginawa iyon sa kaniya ng babae.

Kinaumagahan ay tinangka niyang sabihin sa nobya ang nangyari sa kaniya nang nakaraang gabi ngunit nang makita siya nito ay nagalit ito at sinampal siya sa mukha ng ubod nang lakas.

“Paano mo nagawa sa akin ‘to, Erick?” galit na galit na sabi ni Pamela.

“A-anong sinasabi mo, sweetheart?” nagtataka niyang tanong.

Ipinakita sa kaniya ng nobya ang mga litrato kung saan kahalikan niya ang isang babae.

“M-mali ang iniisip mo, h-hindi ko ginusto ang nangyari, hindi! S-saan mo nakuha ang litratong iyan?”

“Hindi na mahalaga! Akala ko’y matino kang lalaki, iyon pala ay manloloko at salawahan ka!” anito.

“P-pero wala talaga akong ginagawang masama, sweetheart. Hindi ko nga kilala ang babaeng ‘yan na bigla na lang akong hinalikan!”

Hindi na pinakinggan pa ni Pamela ang mga paliwanag niya. Agad itong nakipaghiwalay sa kaniya at nagmamadaling umalis.

Masamang-masama ang loob ni Erick sa ginawang pakikipaghiwalay sa kaniya ng nobya. Hindi man lang siya nito pinakinggan na sabihin ang totoong nangyari. Binalak niya itong kausapin at suyuin ngunit ayaw na siya nitong harapin. Dumating sa puntong nag-resign na siya sa trabaho para hindi na sila magkita pa ni Pamela. Lalo lang siyang nahihirapan at nasasaktan kapag nakikita niya ang babae sa pinagtatrabahuhang kumpanya.

Lihim namang natutuwa sina Pamela at Armando sa ginawa nilang panloloko kay Erick. Ngayong wala na sa landas nila ang lalaki ay malaya na silang ipagpatuloy ang kanilang lihim na relasyon.

Isang gabi, habang nakasakay ang dalawang taksil sa loob ng kotse ni Armando ay ‘di inaasahang nagkaroon ng aksidente sa kalsada at nabangga ang kanilang sasakyan sa rumaragasang truck. Isinugod sa ospital ang dalawa ngunit hindi na naisalba pa ang buhay ni Armando. Himalang nakaligtas sa nangyaring sakuna si Pamela ngunit kinailangang putulin ang kaliwa niyang hita dahil lubha iyong naapektuhan sa aksidente. Nabulag rin ang kanan niyang mata at kailanman ay hindi na maaaring makakita. Agad na nalaman ni Erick ang nangyari sa dating kasintahan at pinuntahan ito sa ospital. Halos walang mukhang maiharap sa kaniya si Pamela nang makaharap niya ito.

“Patawarin mo ako, Erick. Siguro, itong nangyari sa akin ay kabayaran sa ginawa naming kasalanan sa iyo ni Armando,” hayag ng babae.

“A-anong kinalaman ni Sir Armando rito?” nagtatakang tanong ni Erick.

“Nagkaroon kami ng lihim na relasyon ni Armando. Siya ang nagbayad sa babae na humalik sa iyo at may inutusan rin siya para kunan kayo ng litrato para may ebidensiya ako na pinagtataksilan mo ako. Iyon ang ginamit namin para hiwalayan ka at ipagpatuloy ang aming relasyon. Patawarin mo kami, patawarin mo ako sa ginawa kong panloloko sa iyo. Masyado kasi akong nasilaw sa pera ni Armando kaya nagawa kong pumatol sa kaniya. Ngunit pinarusahan din kami ng Diyos dahil sa aksidenteng nangyari sa amin. Binawian na ng buhay si Armando at ako, ito, isa nang lumpo at bulag ang isang mata,” bunyag ng babae.

Halos maiyak si Erick sa mga ipinagtapat sa kaniya ni Pamela. Pero imbes na magalit ay awa ang naramdaman niya rito. Dahil sa ginawa nitong pagtataksil sa kaniya ay nakamtan na nito ang parusa ng langit. Wala nang magagawa pa ang kaniyang galit sa dibdib, hinatulan na ng karma ang mga taong nanloko sa kaniya. Hangad na lamang niya ang mabilis na pagggaling ng dating nobya at matahimik ang kaluluwa ng namapayapang si Armando.

Advertisement