Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangan ng Lalaki ang Batang Kalye na Dumukot sa Kaniyang Pitaka; Inosente Pala ang Kaniyang Hinusgahan

Pinagbintangan ng Lalaki ang Batang Kalye na Dumukot sa Kaniyang Pitaka; Inosente Pala ang Kaniyang Hinusgahan

“Diyos ko, ang saya-saya ko!”

Walang pagsidlan ang tuwa ni Mang Efren dahil sa natanggap na balitang tatanggap ng medalya ang panganay na anak sa nalalapit nitong pagtatapos sa kolehiyo.

Matagal niya itong pinangarap sa panganay niyang anak na si Levign na nakatakdang mag-ahon sa kanila sa kahirapan sa sandaling makatapos ito ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho.

“Excited na ako. Makikita ko na ang anak ko na nagmamartsa na nakasuot ng toga at tatanggap ng diploma at may kasama pang medalya! Sa wakas at dumating din ang araw na ito,” wika ni Mang Efren sa sarili.

Masiglang nagtungo ng araw na iyon si Mang Efren sa palengke. Gusto niyang mamili ng masasarap na pagkain para sa gaganaping kasiyahan sa kanilang bahay para sa nalalapit na pagtatapos ng anak.

“Tiyak na magugustuhan ng anak ko ang mga ihahanda ko,” bulong pa niya sa isip.

Pagdating niya sa palengke ay narinig na niya agad ang ‘di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob. Nang mapadaan siya sa isang maliit na pasilyo at akmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas ng isang batang babae na humahangos at pawis na pawis. ‘Di naman sinasadyang mabangga siya nito na muntik na niyang ikabuwal.

“Aray! Ano ka bang bata ka, tumingin ka naman sa dinaraanan mo! Alam mo naman na masikip itong daan at patakbo ka pang lumabas!” inis na bulyaw ni Mang Efren.

“Pasensiya na po, hindi ko po sinasadya, manong. Nagmamadali po kasi ako, e,” tugon ng bata.

“Ang hirap kasi sa inyong mga kabataan ngayon, napakakulit at ang titigas ng mga ulo niyo!” singhal niya rito.

Hindi na sumagot pa ang bata at kumaripas na ng takbo.

Napaismid na lamang si Mang Efren at nagmamadaling nang nagtungo sa loob ng pamilihan. Marami siyang pinamili ngunit nang magbabayad na siya sa tindera at dumukot sa kanyang bulsa ay laking gulat niya dahil wala roon ang kaniyang pitaka.

“Teka, narito lang iyon kanina, a!” taka niyang sabi.

“Bakit po?” tanong ng tindera ng mga prutas.

“A, e nawawala kasi ang pitaka ko,” nag-aalalang sagot ng lalaki.

“Naku, e magkano naman po ang laman?” anito.

“Mayroon akong dalang tatlong libong piso sa aking pitaka,” aniya.

“Diyos ko, manong. Baka nadukutan kayo? Madalas pa namang nagkalat dito ang mga mandurukot,” nag-aalalang sabi ng tindera.

Saglit siyang nag-isip at inalala ang mga nangyari kanina. Agad na pumasok sa kaniyang isip ang gusgusing bata na nakabangga niya. Natatandaan niyang tumama pa ang braso nito sa kaniyang tagiliran sa pagmamadali nito kanina. Sa isip niya ay baka hindi pa ito nakakalayo sa lugar. Hindi niya makakalimutan ang hitsura ng batang iyon na nanlilimahid at tila hindi naliligo. Lumabas siya sa palengke at hinanap sa paligid ang bata. Nagpalinga-linga siya ng tingin hanggang sa makita niya ang kaniyang hinahanap. Nakita niya itong nagpapalakad-lakad sa tabi ng mga nagtitinda ng mga gulay. Mabilis niya itong nilapitan at marahas itong hinila sa braso.

“Nakita rin kita! Ikaw ang dumukot ng pitaka ko ‘no? Huwag kang magkakailang bata ka!” wika niya sa bata.

“Ano pong pitaka? Wala po akong kinukuhang pitaka sa inyo, manong,” tanggi nito.

“Anong wala? Ikaw ang kumuha sa pitaka ko at wala nang iba. Kunwari ay binangga mo ako tapos ay dinukutan mo na ako!” bulyaw ni Mang Efren.

Dahil sa lakas ng boses ni Mang Efren ay pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid. Maya-maya ay nilapitan siya ng isang babaeng tindera.

“Manong, ano pong problema?” tanong nito.

“Ito kasing batang ‘to, dinukutan ako. Kinuha ang pitaka ko sa bulsa. Kunwari pang nabangga ako kanina iyon naman pala ay dudukutan lang ako!” sagot niya sa galit na tono.

“Ang mabuti pa ay ipahuli niyo sa pulis. Marami talagang batang mandurukot dito,” wika ng tindera.

“Mabuti pa nga! Halika, sumama ka sa akin,” ani Mang Efren.

“Bakit po, saan niyo ako dadalhin?”

“Ibibigay kita sa pulis. Ipapakulong kita kapag hindi mo ibinalik sa akin ang pitaka ko!”

“Maawa po kayo, wala po akong dinukot na maski ano sa inyo. Kahit kapkapan niyo pa po ako ay wala kayong makukuha sa akin. Hindi po ako mandurukot,” pakiusap nito.

“Kapkapan? Ano pang kakapkapin ko sa iyo kung naipasa mo na sa iba ang pitaka ko? Naku, alam ko na ang galawan niyong mga magnanakaw,” aniya sa bata.

Nang biglang may malakas na boses siyang narinig sa kaniyang likuran.

“Manong, manong, sandali!”

Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay nakita niya ang tindera ng prutas na kausap niya kanina sa palengke.

“Manong, ito bang pitaka na ito ang hinahanap mo? Nakita kasi ng pamangkin ko na nakalapag sa tabi ng mga tinda naming prutas,” wika ng babae.

“O-oo, iyan nga ang pitaka ko!”

Agad na tiningnan ni Mang Efren ang loob ng pitaka at nakitang kumpleto pa ang mga perang naroon at walang nawala. Bigla niyang naalala na naipatong niya pala sa mga prutas ang pitaka niya at nang magbabayad na siya ay hindi na naalala na naroon lamang iyon. Mabuti na lamang at mabait ang pamangkin ng tindera na nakakita niyon at ibinalik sa kaniya.

“Naku, maraming salamat, ha. Ang akala ko’y ninakaw na ang pitaka ko,” sabi ni Mang Efren.

“Walang anuman. Sa susunod po ay mag-iingat kayo, manong. Huwag niyong ipinapatong sa kung saan-saan ang pitaka niyo. Mabuti na lang at ang mabait kong pamangkin ang nakakita niyan at hindi nakuha ng iba,” hayag ng babae.

Hiyang-hiya si Mang Efren sa ginawa niyang pambibintang sa batang kalye.

“Sorry, bata. Pati ikaw ay napagbintangan ko. Wala ka naman palang kasalanan. Hayaan mong makabawi ako sa iyo. Sabihin mo kung anong gusto mong pagkain at bibilhan kita.”

“Talaga po, manong?” gulat na sabi ng bata.

“Oo. Sabihin mo lang kung anong gusto mo.”

Agad na itinuro ng bata kung ano ang gusto nitong bilhin. Nagulat si Mang Efren kung ano ang ipinabili sa kaniya nito.

“Mga prutas at gulay?” nagtatakang sabi ng lalaki.

“Opo, mga prutas at gulay po para sa lolo kong may sakit. Nagmamadali po ako kanina kasi kailangan ko pong mangalakal ng basura para may pambili po ako ng mga prutas at gulay para sa mabilis na paggaling ng lolo ko. Kulang pa nga po ang pera ko e, kaya po naghahanap pa po ako kanina ng mga basurang maibebenta,” bunyag ng bata.

Nakaramdam ng habag si Mang Efren. May mabuting puso pala ang batang gusgusing pinagbintangan niyang magnanakaw kanina. Nagkamali siya sa kaniyang ginawa rito kaya abot-abot ang paghingi niya rito ng tawad.

“Patawarin mo ako, bata. Hinusgahan kita agad.”

“Ayos na po iyon, manong. Kasalanan ko rin po, kung naging maingat po ako ay hindi ko kayo nasaktan kanina,” tugon ng bata.

Pagkatapos maipamili ay inihatid ni Mang Efren ang bata sa maliit na barong-barong kung saan ito nakatira kasama ang lolo nito. Nagpasalamat naman ang lolo ng bata sa ginawa niyang kabutihan. Masayang umuwi si Mang Efren na may ngiti sa kaniyang mga labi. Napagtanto niya na hindi dapat nanghuhusga sa kapwa dahil minsan, dahil sa sarili rin nating kapabayaan kung bakit nawawala ang mga bagay na akala natin ay kinuha ng iba.

Advertisement