
Dahil sa Lockdown ay Nawalan ng Trabaho ang Dalawang Matanda; Biyaya pala ang Hatid ng Dati Nilang Pagtulong sa Kapwa
Kilala ang mag-asawang Pilo at Kara sa pagtulong nila sa kapwa. Kung tawagin nga sila ng kanilang mga kabarangay ay Lolo Pilo at Lola Kara ng lahat. Halos sila kasi ang palaging nilalapitan ng kanilang mga kabarangay noon sa tuwing mangangailangan ang mga ito, kahit na pare-pareho lang naman silang mahihirap. Pagtatanim ng mga gulay at pag-aalaga ng baboy at manok na ibinibenta nila sa palengke ang pangunahing ikinabubuhay ng mag-asawa noon.
Masipag at masikap sa buhay ang mag-asawa kahit na hindi sila nabiyayaan ng sariling mga supling. May diperensiya kasi ang matres ni Lola Kara. Sa katunayan ay ilang beses itong nakunan noong araw na labis din nilang pinanghinayangan sa mahabang panahon. Gayon pa man ay hindi siya iniwan ni Lolo Pilo. Nanatili itong tapat at mapagmahal na asawa kay Lola Kara sa kabila ng kanilang sitwasyon. Dahil doon, kahit papaano ay napunan nila ang nararamdamang kakulangan sa kanilang pagsasama, idagdag pa ang pagsisimula nilang pakikipaglapit sa kanilang mga nakasasalamuhang tao noon. Napakagiliw nila sa mga bata kaya naman palagi ring puno ng mga batang nagtatakbuhan at naglalaro ang kanilang bakuran. Halos araw-araw ay naroon ang mga ito sa kanila. Biro pa ng mga bata ay hindi raw kasi kumpleto ang kanilang mga araw kapag hindi natitikman ang libreng pamiryenda ni Lola Kara. Turon, Bananacue, Lumpia, Ginataang Bilo-Bilo, Biko at iba pang mga kakaining pagkasasarap na inihahain sa kanila ni Lola Kara. Kinatandaan na iyon ng mga bata sa kanilang barangay kaya ngayong may mga anak na sila ay malapit din ang mga ito sa mabait na mag-asawa.
Ngunit dumating ang pandemiya. Apektado ang lahat ng kabuhayan sa kanilang lugar dahil halos nawalan ng trabaho ang karamihan sa kanila. Nariyan pang hindi naman maaaring lumabas ang mga senior citizen dahil mabilis silang mahahawa ng kumakalat na sakit. Nagbibigay man ng tulong ang kanilang lokal na pamahalaan ay hindi iyon sapat dahil nagme-maintenance ng gamot ang dalawa dahil marami na silang komplikasyon sa katawan na dala ng kanila na ring katandaan.
“Iisang tableta na lamang ang natitira nating gamot pang-maintenance, Kara. Inumin mo na lang ito’t maghahanap na lang ako ng para sa akin bukas. Baka pupuwede akong makapanghiram diyan sa kapitbahay o kaya ay ipagapalit ko ’yong isa nating manok kahit sa murang halaga na lang,” pilit pinasisigla ang tinig na ani Lolo Pilo sa kaniyang asawa upang hindi ito mag-alala. Sinundan niya pa iyon ng masuyong ngiti na agad namang sinuklian ni Lola Kara ng isang matamis na halik sa pisngi.
Ngunit gaano man pilit na tatagan ng mabuting mag-asawa ang kanilang mga loob ay talagang hinahamon sila ng pagkakataon. Hindi nila akalaing tatagal pala ang lockdown sa kanilang lugar dahil sa mabilis na paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit. Ang ipinagtataka nila ay kung bakit tila bingi naman ang kanilang lokal na pamahalaan sa kanilang mga hinaing. Siguro’y hindi na magkandaugaga ang mga ito sa dami ng natatanggap nilang dating mula sa kanilang mga kinasasakupan.
Ilang araw nang nag-aalala ang mag-asawa para sa isa’t isa dahil hindi na nila naiinom ang kanilang mga dapat inuming gamot dahil ubos na rin ang kanilang mga baboy at manok na alaga. Ang mayroon na lamang sila ngayon ay ang kanilang mga pananim na nag-uumpisa pa lamang din namang pagsibulan ng bunga.
Nang araw na iyon ay halos manlumo na ang mag-asawa sa kaiisip kung saan sila kukuha ng kakanin. Wala pang rasyon mula sa kanilang lokal na pamahalaan.
Nakatulala si Aling Kara sa kisame habang nagpapahinga sa kaniyang luma nang tumba-tumba nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Lumabas naman si Lolo Pilo mula sa kusina kung saan ito nagpapainit ng tubig na sana ay ipangkakape nilang mag-asawa upang makaraos ng gutom ngayong gabi.
“Ako na ang magbubukas ng pinto, mahal,” anang napakalaking pa ring si Lolo Pilo kay Lola Kara. In Ihatid naman niya ito ng tingin hanggang sa pintuan ng kanilang bahay.
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa ay pag-asa ang hatid ng mga taong nasa likod ng pintuang iyon… pag-asa na minsan din nilang ipinaranas sa mga ito noong sila ay maliliit pa na ngayon ay gusto naman nilang ibalik sa pinakamabubuting taong nakilala nila.
“Magandang araw po, Lolo Pilo at Lola Kara! Narito po kami para magbalik ng kabutihang loob ninyo sa amin noong mga bata pa po kami. Alam po naming kami naman ang kailangan ninyo ngayon kaya naman po narito kami para magbigay ng tulong para sa inyo!”
Nang isa-isang ipasok ng mga ito ang kaniya-kaniya nilang mga dalang pagkain, gamot, bigas, grocery at iba pang pangangailangan sa bahay ay hindi na napigilan ng mag-asawa ang maluha sa sobrang tuwa. Totoo nga talagang may magandang balik sa atin ang bawat mabuti nating gawa.