Inday TrendingInday Trending
Isang Magtataho ang Pumuwesto sa Tapat ng Restawran na Dinarayo ng Marami; Nagulat Sila sa Naging Aksyon ng May-ari

Isang Magtataho ang Pumuwesto sa Tapat ng Restawran na Dinarayo ng Marami; Nagulat Sila sa Naging Aksyon ng May-ari

Umagang-umaga pa ngunit napakainit na ng panahon. Dahil doon ay tagaktak na naman ang pawis ng magtatahong si Mang Arnulfo at halos basain na niyon ang suot niyang damit.

Ganoon pa man ay kailangan niya pa ring ipagpatuloy ang paglalako, kung hindi ay wala siyang iuuwing kita mamaya sa kaniyang pamilya. Bukod doon ay kailangan niya rin ng pangtutos sa kaniyang maintenance na mga gamot. Sitenta anyos na kasi si Mang Arnulfo at marami na siyang dinaramdam na sakit. Hindi naman niya magawang manghingi na lamang nang manghingi sa kaniyang mga anak dahil may kani-kaniya nang pamilya ang mga ito na kailangan din nilang pagkagastusan.

Napalingon si Mang Arnulfo sa kabilang dako ng kalsadang tinatahak niya. Napako ang kaniyang paningin sa isa sa mga establiyemento roon dahil kahit na maaga pa lamang ay dinudumog na iyon ng napakaraming tao. Isa pa’y napansin niya ring malilim ang bahaging iyon ng kalsada. Mukhang magandang ideya kung doon muna siya magpapahinga.

Tinawid ni Mang Arnulfo ang kabilang bahagi ng kalsada at doon nga ay pinili niya munang magpahinga. Agad na kumalam ang sikmura ng matanda nang malanghap ang samyo ng humahalimuyak na pagkain mula sa naturang establisiemento. Napag-alaman ni Mang Arnulfo na isa pala iyong kainan.

Ngunit wala pa mang ilang minuto ng nananatili roon si Mang Arnulfo ay nilapitan siya ng guwardiya ng naturang kainan…

“Manong ano po ‘yang tinda n’yo? Taho?” tanong nito sa kaniya pag kalapit na pagkalapit nito.

Tinanguan naman ito ni Mang Arnulfo. Agad siyang kinabahan dahil baka paalisin siya agad nito roon. “Bawal ba rito, boss?” tanong ni Mang Arnulfo sa guard, ngunit bago pa man ito makasagot ay tinawag ito ng isang lalaking kararating lang.

Matangkad at mukhang mayaman at banyaga ang naturang lalaki. Mukha rin itong istrikto habang kausap nito ang guwardiya ng lumapit sa kaniya kanina. Mukhang ito yata ang may-ari ng naturang kainan base sa pakikipag-usap dito ng guwardiya.

Minabuti na lamang ni Mang Arnulfo na iligpit na lamang ang kaniyang paninda kaysa antaying paalisin pa siya ng mga ito.

Ipinasan niya na ang kaniyang panindang taho at handa na sanang umalis doon nang tawagin siyang muli ng guwardiya.

“Manong, sandali!” pigil nito sa akma niyang pag-alis. “Tawag po kayo ni boss,” seryosong anito sa kaniya.

“Bakit, po?” may pag-aalalang tanong naman ni Mang Arnulfo ngunit nagkibit-balikat lamang ang guwardiya. Napakamot na lang siya sa ulo dahil sa kaba. Iniisip niya kung ano ba ang maaaring dahilan kung bakit siya ipinapatawag ng boss nito.

Wala nang nagawa pa si Mang Arnulfo kundi ang tumalima at lumapit sa may-ari na ngayon ay nasa loob na ng pagmamay-ari nitong kainan.

“Sir, pasensiya na po kung dito ako pumuwesto ng pahinga. Sobrang init kasi at dito lang malilim. Hindi ko naman po alam na bawal dito,” paliwanag agad ni Mang Arnulfo rito ngunit kumunot lamang ang noo ng kaniyang kausap.

Naisip ni Mang Arnulfo na baka hindi ito nakakaintindi ng tagalog. Muli siyang napakamot sa ulo dahil doon.

Ngunit ikinagulat ni Mang Arnulfo nang bigla itong magsalita… “Sino po ang nagsabing bawal kayong magpahinga rito, manong? Hindi po totoo ’yon!” Matatas pala itong managalog!

Nabigla si Mang Arnulfo. Napanganga pa siya habang nakatitig sa kaharap nang bigla itong ngumiti.

“Itatanong ko lang sana kung kumain na po kayo, manong? May dala po kasi akong pagkain para sa mga staff ko rito sa mini-resto, baka po gusto ninyong makisalo sa amin? Libre po,” sinsero pag-alok nito sa kaniya.

“T-talaga po?” hindi makapaniwalang tanong ni Mang Arnulfo. “Sigurado po kayo, sir?” pangungumpirma pa niya.

“Oo naman po, manong. Bakit naman po hindi?” sagot naman ng mabait na boss.

“Pero marumi po ako. Nakakahiya naman pong makisalo sa inyo, sir!” sabi niya pa ngunit tinawanan lamang siya ng kausap.

“Hindi po kayo marumi, manong. Natural lang pong pagpawisan kayo dahil napakasipag n’yo kaya deserve n’yo pong bigyan ng tulong. Sige na ho, samahan n’yo na po kaming kumain,” tila napukaw ng damdamin ni Mang Arnulfo sa kabaitan ng naturang banyaga. Bukod sa guwapo ito ay napakabuti pa at talagang matatas siyang managalog. Nakakatuwang may mga ganito pa pala talagang kabait na tao.

Doon lamang napansin ni Mang Arnulfo na halos lahat ng mga kostumer sa loob ng naturang restaurant ay mga nakatingin sa kaniyang kausap. Binabati nila ang mabait na binata at inihayag ang kanilang paghanga rito.

Nalaman ni Mang Arnulfo na isa palang matulungin ang kausap niya at kilala ito ng karamihan dahil ilang beses na rin itong nag-viral sa social media. Kaya naman pala dinudumog ang kainan nito, dahil bukod sa masasarap ang pagkain doon at napakaguwapo ng nagmamay-ari ay napakabuting tao rin nito.

Advertisement