Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ng Sariling Pamilya ang OFW na Ito Matapos Nila Siyang Gatasan; Nagsisi Sila Nang Umuwi Ito sa ‘Pinas

Itinakwil ng Sariling Pamilya ang OFW na Ito Matapos Nila Siyang Gatasan; Nagsisi Sila Nang Umuwi Ito sa ‘Pinas

Halos manlumo ang OFW na si Ester, matapos mapag-alamang naka-block na siya sa account ng mga kamag-anak niya sa Pilipinas. Nanginginig ang kaniyang mga kamay habang hawak ang cellphone. Ilang sandali na siyang nakatitig doon ngunit hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang natuklasan.

Sa loob ng mahigit anim na taon niyang paninilbihan sa mga baniyaga sa ibang bansa ay nagawa niyang suportahan ang karamihan sa mga ito lalo pa’t ulilang lubos naman na siya kung maituturing. Wala na kasi ang mga magulang ni Ester kaya’t nang siya ay mag-abroad ay pinilit niyang makatulong sa kaniyang mga natitirang kaanak upang kahit papaano ay maramdaman niyang may natitira pa rin siyang pamilya.

Nakapagpaaral siya ng mga nakababatang pinsan pati na rin ng mga pamangkin niya sa mga ito, nagbigay ng pangnegosyo, nagpaayos ng bahay at sumuporta sa iba’t ibang pangangailangan ng mga ito. Kahit nga ang luho ay halos iasa na rin nila sa kaniya ngunit ni minsan ay hindi siya nagreklamo. Maging ang sarili niya ngang nobyo ay nagagawa niyang isantabi para lamang sa kanila! Naging napakabuti ni Ester sa mga ito ngunit ngayong siya naman ang nangangailangan ay ito pa ang isinukli nila sa kaniya.

Malamang ay kumalat na ang balita sa kanilang mga kaanak na siya ay may sakit ngayon at walang pagkukunan ng pera. Na siya naman ang hihingi ng tulong sa kanila sa pagkakataong ito, kaya heto at halos sabay-sabay nila siyang inalis sa kanilang mga kontak upang hindi na siya makahingi pa ng tulong sa mga ito.

Napahagulhol na lamang si Ester nang sa wakas ay mapagtanto niya na sa kaniyang isip na tanging pera lamang ang habol ng mga taong iyon sa kaniya. Tama nga ang kaniyang kaibigan!

“O siya, tahan na, Ester. Sa halip na ikalungkot mo ang pangyayaring ’to ay mas dapat mong isiping sa wakas ay nagising ka na sa katotohanang ginagatasan ka lang ng mga ’yan. At least ngayon, makakapagsimula ka ulit, hindi ba?” pang-aalo sa kaniya ni Karen. Ang kaibigan at kapwa OFW niyang nagpamulat sa kaniya tungkol sa ginagawa ng kaniyang mga kaanak sa kaniya na matagal din niyang ipinagsawalang bahala.

“Tama ka, Karen,” pinahid niya muna ang luhang bumasa sa kaniyang pisngi, “Hindi ko nga talaga dapat iniiyakan ang mga taong iyon na umpisa pa lang ay hindi naman talaga ako itinuring na kapamilya,” aniya pa.

Nakangiting tumango naman si Karen sa kaniya. Puno ng simpatiya ang mukha nito para kay Ester.

“Paano kaya kapag nalaman nilang hindi naman totoong may sakit ka at wala ka nang pera? Paano kung malaman nilang malago na ang negosyong itinayo mo sa Pilipinas para sana sa kanila? Pusta akong magkakandarapa sila sa muling paghabol sa ’yo para humingi ng patawad kuno,” tatawa-tawa pang sabi ni Karen kay Ester.

“Hindi na! Hindi na ulit ako magpapauto pa sa kanila kahit ano’ng mangyari. Simula ngayon ay sarili ko naman ang isipin ko, pati na rin ang kinabukasan namin ni Troy.

Ang totoo kasi ay nag-propose na ng kasal sa kaniya ang nobyo noong isang linggo, ngunit wala pa siyang sagot na naibigay rito. Siguradong malaki na ang tampo sa kaniya ng nobyong si Troy lalo’t nagdalawang isip talaga siya kung tatanggapin ang kasal na alok nito o uunahin ang inaakalang responsibilidad sa mga kamag-anak niyang ginawa lang naman siyang gatasan ng pera.

Kaya naman nabuo sa kaniya ang ideyang gumawa ng kuwento upang subukin kung pamilya nga ba ang turing sa kaniya ng kaniyang mga kaanak sa Pilipinas. Ngayon nga ay napatunayan niya nang nagsayang lamang siya ng pera, pagod, panahon at pagmamahal sa kanila. Sana pala ay matagal na niyang pinag-isipan ang pakikipag-isang dibdib sa tunay na taong nagmamahal sa kaniya. E ‘di sana ngayon ay baka may sarili na rin silang pamilya na tulad ng kaniyang pinapangarap noon pa man.

Mahal naman ni Ester si Troy. Iyon nga lang ay mas nangingibabaw kay Ester ang pag-aalala para sa kaniyang mga natitirang kaanak simula nang mawala na ang kaniyang mga magulang sa mundo kaya nagiging balakid iyon upang hayaan niyang maging masaya sa piling nito ang kaniyang sarili.

Ngayon ay nagpasiya na siyang umuwi ng ‘Pinas at ganoon na lamang ang gulat ng kaniyang mga kaanak nang mabalitaang kaunti na lamang ay milyonarya na si Ester! Laking pagsisisi ng mga ito at halos wala nang mukhang maiharap sa kaniya.

Samantalang iyon naman ang naging simula ng masayang pagsasama nila ng kaniyang nobyo na lalo pang naging makulay nang sila ay magkaroon na ng sariling supling.

Advertisement