
Pinangako ng Babaeng Ito na Gagantihan Niya ang Mister sa mga Bisyo Nito, Ano Kaya ang Magiging Resulta ng Kaniyang Balak?
Kung sa malayo nga raw titingnan ang buhay ni Ruby ay perpekto ito para sa iba. Nariyang siya lamang ang nakapagtapos ng pag-aaral sa kanilang magkakapatid at mula sa hirap ay mabilis na nakaahon sa buhay lalo na noong makapangasawa ito ng lalaking mayaman at mahal na mahal siya. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ay ang malaking pagbabago ng kaniyang buhay simula nang makapanganak siya.
“Ang tagal mong hinintay ang araw na ito, Ruby! Anong pakiramdam na makalaya ulit?” saad ni Richard na kaibigan ng babae.
“Parang nakakapanibago, hindi pa nga ako sanay na maglakad sa labas at ang sarap sa pakiramdam na nakapang-alis. Pero sa totoo lang namimiss ko na ang anak ko,” masaya na may halong lungkot na sagot ni Ruby rito.
“Hindi naman ‘yan ang tinutukoy ko kasi alam naman nating mabuting ina ka at pinakamabuting asawa. Ang malaking tanong ko sa’yo ngayon ay kung ganon pa rin ang plano mo. Gusto mo pa rin bang gantihan si Tyron sa mga bisyo niya?” tanong muli ni Ryan sabay ismid sa kaniya.
“Oo naman, ipaparanas ko sa kaniya ang lahat ng mga pinagtiisan ko sa kaniya! Ito na ang oras ko para siya naman ang umiyak. Siya naman ang magmakaawa sa akin at siya naman ang malungkot sa sitwasyon namin,” balik ni Ruby rito sabay tingin sa kaniyang telepono habang sinasamsam ang kaniyang kape.
Halos tatlong taon din na tumigil sa trabaho ang babae upang bantayan ang kanilang anak. Kasabay na rin nito ang dalawang taon niyang pagpapasuso sa bata na naging dahilan kung bakit halos nawalan siya ng oras sa sarili. Kasabay rin nito ang dalawang taon niyang galit sa kaniyang asawa sa tuwing mag-iinom ito at maiiwan siyang mag-isa sa kanilang anak. Ilang ulit niyang pinangako sa sarili na gagawin niya ito pabalik sa mister sa oras na makabalik na siya sa trabaho at maibalik niya ang dating daloy ng kaniyang buhay.
Isang linggo pa lamang ang nakakalipas ngunit lunod na sa alak ang babae at kaliwa’t kanan din ang kaniyang pagbubuhay dalaga raw muli. Hanggang sa tumagal ito ng ilan pang linggo at umabot ng isang buwan.
“Hindi mo man lang ba ako aawayin?” tanong ng babae sa kaniyang mister.
“Di ba ‘yan naman talaga ang plano mo? Matagal mo nang sinabi sa akin na ganiyan ang gagawin mo kapag bumalik ka na sa trabaho. Kung diyan ka masaya bakit kita aawayin, kung sa tingin mo sa ginagawa mong iyan ay mapapahinto mo ako sa pag-inom ko ay ewan ko na lang kung ilang bote pa ang kaya mo,” kalmadong sagot ni Tyron sa kaniya habang nagbabasa ito ng libro.
Saglit na hindi nagsalita ang babae at hindi niya napigilan ang pagpatak ng kaniyang luha. Napaupo na lamang ito, “Bakit pa ba tayo nagsasama kung ganito lang din naman tayo? Maghiwalay na lang tayo, Tyron, kaysa naman parehas nating sinisira ang mga sarili natin,” wika niya sa asawa.
Saglit na hindi umimik ang dalawa at mas nangibabaw ang tahimik na pag-iyak ni Ruby habang inaalala ang mga masasaya nilang araw noong wala pa silang anak.
“Kasalanan ko ba ang lahat ng ito? Bakit pakiramdam ko ako lang ang may rason kung bakit nagkaganito tayo?” malungkot ngunit seryosong wika ng kaniyang asawa. Sa tinagal-tagal nilang naging magkasintahan ay ngayon na lamang niya ulit narinig ang boses na iyon ni Tyron.
“Simula nang mabuntis ka para bang wala ka nang ginawa kung ‘di pansinin ang lahat tungkol sa akin. Bigla-bigla na lang na galit ka na sa lahat ng kinalakihang bisyo ko. Ang alak, ang sigarilyo, ang mga kaibigan ko na kaibigan natin noon. Lahat ng iyon ay pilit na binabago mo,” pahayag pang muli ng lalaki.
“Dati naman ayos lang sa’yo ang mga ‘yun. Alam ko, alam kong sasabihin mo na para sa bata kaya ka nagkakaganiyan. Pero hindi mo rin ba naisip na wala namang dumagdag sa bisyo ko, kung tutuusin pa nga ay nababawasan ko na ito. Pero hindi iyon ang nakikita mo, mas nakikita mo ang maliliit na pagkakamali ko. Gusto mo palagi na lang ikaw ang tama, palagi na lang ikaw ang lalambingin, ikaw na lang ang iintindihin. Paano naman ako, Ruby? Hindi lang naman ikaw ang naging magulang dito, pati rin naman ako. Hindi lang naman ikaw ang nagsasakripisyo, pati rin naman ako. Sana mas nakikita mo ‘yun kaysa sa mga maliit na bagay na natitira para makahinga pa ako sa’yo at sa lahat ng mga pagbabago sa buhay natin,” naluluhang saad ni Tyron sa kaniya.
“Mahal na mahal kita, pero kung napapagod ka at nauubos ka. Ganoon din ako, sana nakikita mo rin ang mga sakripisyo ko kahit na hindi ako ang naiiwan sa bahay para alagaan ang anak natin. Sana nakikita mo rin na hindi naman ako nag-aksaya ng pera para sa alak o sa kaibigan natin at higit sa lahat hindi naman ako ad*k na katulad ng iba riyan na halos araw-arawin na lang ang pag-inom. Tuwing may okasyon lang naman, Ruby, sana naman makita mo ang nangyayari sa’yo. Sana nakikita mo rin ‘yung mga pagbabago mo na nakaapekto sa relasyon natin. Hindi ko sinasabi na mali ka o ikaw ang may kasalanan, ang sa akin lang ay ipaintindi mo sa akin bakit ka nagkakaganiyan,” dagdag pa ng lalaki saka niya niyakap si Ruby at doon na nga rin umiyak ang lalaki.
Sa pagkakataong iyon ay parang nagising sa kaniyang sarili at naramdaman niya ang pagod at hinagpis ng kaniyang asawa. Ngayon niya nakita ang lahat ng punto ng kaniyang asawa. Ngayon niya nasabi na hindi lang para sa babae ang post-partum ngunit para rin sa mga tatay. Sa mga tatay na ngayon ay ginagawa ang lahat para sa bagong yugto ng kanilang buhay. Ngayon niya nakita na hindi lang siya ang nahihirapan, hindi lang siya ang napapagod. Sa huli, nag-usap ng masinsinan ang mag-asawa at mas lalo nila ngayon naintindihan ang isat isa.