Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya Matanggap ng Kaniyang Pamilya sa Kabila ng Pagiging Isang Huwarang Anak; Isang Pangyayari ang Magmumulat ng Kanilang mga Mata

Hindi Siya Matanggap ng Kaniyang Pamilya sa Kabila ng Pagiging Isang Huwarang Anak; Isang Pangyayari ang Magmumulat ng Kanilang mga Mata

Pangatlong anak si Alex sa limang anak nila Aling Nina at Mang Kardo. Dahil siya ang pinaka may itsura sa kanilang magkakapatid at madalas mapuri ay siya ang pinaka-paboritong anak ng kaniyang mga magulang. Napakatalino rin niya. Kaya naman madalas siyang ipagmayabang ng mga ito.

Ngunit lahat ‘yon ay nagbago nang nadiskubre ng pamilya niya na siya ay may pusong babae. Doon nagsimulang magbago ang turing sa kaniya ng buong pamilya niya. Madalas na siyang murahin ng ama, pagtawanan at kutyain ng mga kapatid at balewalain ng ina.

“’W*langya ka talagang batang ka, nagawa mo pang lumandi at ginabi ka! T*rantado ka!” Galit na galit na sigaw sa kaniya ng kaniyang ama isang gabi pagkauwi niya.

Binugbog siya nito. Hindi man lang nagawa ng tatay niyang tanungin siya kung saan siya galing. Kung kumain na ba siya o hindi. Anak ba siya talaga nito?

Pero ang mas masakit pa roon ay hindi man lang siya tinulungan ng nanay niya habang binubugbog siya ng ama. Pinanood lang sila nito.

Hindi siya binibigyan ng baon ng kaniyang mga magulang kaya naman kinakailangan niya pang dumiskarte para magkaperang pamasahe at para sa kakainin niya sa pananghalian. Kaya ang ginagawa niya na lang ay tumutulong siya sa mga teachers niya sa mga proyekto at pagdidisenyo sa mga bulletin boards kapalit ang bente pesos para sa kaniyang pamasahe at dalawang pirasong itlog para sa kaniyang pananghalian.

At dahil nga sa matalino, masipag, at madiskarte si Alex ay nakapagtapos ito ng kolehiyo. Tiniis niya talaga ang lahat hanggang sa makapagtapos siya. Balak niya kasing bumukod sa oras na makapagtapos siya. Dahil oras na makahanap na siya ng trabaho ay aayos na ang buhay niya at hindi niya na kailangan pang tiinisin ang paghihirap na dinadanas niya sa sarili niyang pamilya. Makakatakas na siya sa bangungot niyang buhay.

Pero sa kasamaang palad ay hindi iyon nangyari. Hindi pa pala siya makakatakas sa bangungot niyang buhay, dahil ilang araw matapos ang kaniyang pagtatapos ay inatake sa puso ang kaniyang ina at na-stroke. Halos hindi na ito makagalaw at nakaratay na lamang sa kama. Walang ibang nag-alaga sa ina kundi si Alex.

Naghanap siya ng trabaho at agad din namang natanggap. Araw-araw ay sinisigurado ni Alex na maaga siyang makakauwi pagkatapos ng trabaho, dahil siya pa ang gagawa ng mga gawaing bahay sa kanila at aalagaan niya pa ang nakaratay niyang ina. Pagkatapos niyang pakainin ang ina ay dederetso na siya sa kwarto niya at matutulog.

Hindi na hinihintay pa ni Alex na makauwi ang ama at pinipili na lang matulog agad. Wala din naman itong ibang ginawa kundi murahin siya at pagsabihan ng masama. Hindi nga nito magawang tikman o kainin ang mga pagkaining si Alex mismo ang nagluto para sa kaniya.

Lahat ng gutom at pagod sa trabaho at gawaing bahay, pinipili nalang itulog ni Alex. At nagbabakasakaling kinabukasan, magigising siya sa bangungot na ito.

Pati ang kaniyang sweldo ay hindi man lang mahawakan ni Alex. Paano, ang ATM card niya ay hawak ng ina at magugulat na lang siyang isinangla na pala nito iyon. Kaya kahit na nagtratrabaho at nagpapakahirap araw-araw ay wala pa ring nangyayari sa buhay ni Alex. Nagtitiis na lang siyang maglakad at minsan lang siyang kumain sa trabaho.

Lumipas ang ilang buwan at nagulat na lamang sila nang biglang umuwi ang kaniyang isang kapatid. Ang pinakapaboritong anak ni Aling Nina. Lasing ito at nagwawala. Pinagsisisira pa nito ang mga gamit sa kanilang bahay, kaya naman sinubukang awatin ni Alex ang kapatid ngunit ay ayaw nitong tumigil.

Binugbog si Alex ng kaniyang kapatid at hinampas ng mahaba at purong kahoy na bangko. Hindi ito tumigil hanggang sa hindi nawawasak ang upuan. Biglang nagdilim ang paningin ni Alex at agad-agad siyang kumuha ng kutsilyo at akmang sasaksakin niya na ang kapatid niya ng biglang tumakbo ang ina patungo sa kapatid niya at niyakap ito.

“Wag mong saktan ang anak ko, h*yop ka!” pakiramdam ni Alex ay gumuho ang buong mundo niya. Mas masakit pa sa bugbog na natamo niya ang naramdaman niya ng marinig ang mga salitang iyon ng kaniyang ina. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga narinig. Maya-maya lang ay may mga barangay tanod na dumating sa bahay nila at nagulat na lang siya nang tinuro siya ng kaniyang nanay.

“Ayan! Ayan po! Sinasaktan at papat*yin niya ang anak ko! Ikulong niyo ‘yan!” sigaw nito habang nakaturo sa kaniya. Nagulat si Alex sa narinig mula sa ina. Siya pa talaga ang ikukulong? Napatawa na lang siya ng mapakla. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari.

Inimbitahan si Alex sa barangay at tinanong kung ano nga ba ang nangyari. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman sa barangay nila ang sitwasyon ni Alex at ng kaniyang pamilya. Pagkatapos niyang ilahad ang totoong nangyari ay tinanong siya,

“Gusto mo bang magsampa ng kaso laban sa magulang mo?”

Pinilit na lang ngumiti ni Alex. “Hindi na po. Ayos lang naman po ako. Kaya ko pa naman po.”

“Sigurado ka ba, hijo? Sobra-sobra na ang paghihirap na dinadanas mo sa pamilya mo,” nag-aalang tanong tanong at pagpapaalala sa kaniya ng tanod na kaharap.

“Opo. Kaya ko pa naman po. Kawawa naman po kasi ang nanay ko. Walang ibang mag-aalaga sa kaniya kundi ako lang,” naaawa man sa binata ay tumango na lang ang tanod bilang pagrespeto sa naging desisyon nito.

Lumipas pa ang ilang araw at mas lumala pa ang pang-aabuso kay Alex. Hindi na nga siya makapasok dahil sa dami ng pasa at bali sa katawan. Hanggang sa isang araw, hindi na nakayanan ni Alex ang hirap na dinadanas niya. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa.

Nakatayo siya ngayon sa rooftop ng building kung saan siya nagtratrabaho. Sukong-suko na siya sa buhay niya. Puro paghihirap lang naman ang nararanasan niya. Paulit-ulit niyang tinatanong ang Diyos kung bakit ba siya nabuhay. Tatalon na sana si Alex nang bigla niyang narinig ang boses ng kaniyang ina.

“Alex! Anak, parang awa mo na ‘wag kang tatalon!” sigaw nito habang akay-akay ito ng kaniyang kapatid. Ngunit wala ng maramdaman si Alex. Tinitigan niya lang ang ina.

Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya. “D’yan lang kayo. ‘Wag kayong lalapit,” akmang tatalon na si Alex kaya naman tumigil ang ina at kapatid sa paglapit sa kaniya. Napatingin siya sa likod ng mga ito at nakita niya ang matalik na kaibigan na umiiyak. Ito pala ang tumawag sa mga ito.

“Anak, please, patawarin mo ako. Patawarin mo ako kung naging napakasama kong ina sa’yo. Pangako, magbabago na ako. Magbabago na kaming lahat para sa’yo. Itigil mo lang ito. ‘Wag ka lang tatalon, please,” humahagulhol na pagmamakaawa ng ina kay Alex.

Para bang nadurog ang puso ni Alex nang makitang umiiyak ang ina. Bumaba siya at niyakap ito.

“Patawarin niyo rin po ako, ‘nay, kung naisipan ko mang sukuan ang buhay ko. Pinapatawad na po kita. Mahal na mahal po kita,” humahagulhol na rin si Alex habang nakayakap sa ina.

Simula noon ay unti-unting nagbago ang pamilya ni Alex. Hindi na siya binubugbog ng kaniyang kapatid at ama. Madalas na rin siyang kumustahin at kahit papaano ay alagaan ng kaniyang ina. Medyo umayos na rin ang relasyon niya sa kaniyang mga kapatid.

Hindi man perpekto ang pamilya ni Alex ay nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na binigyan siya nito ng pamilya. Puro pasakit at pighati man ang naging dulot nito sa kaniya ay ayos lang din sa kaniya. Dahil ang importante sa kaniya ay may pamilya siya at nagawa nilang magbago para sa kaniya.

Advertisement