Inday TrendingInday Trending
Sa Tuwing Hindi Niya Nakukuha ang Kaniyang Gusto ay Pinagbubuhatan Niya ng Kamay ang mga Anak at Asawa; Isang Araw Paggising Niya ay Bigla na Lamang Nagbago ang Lahat

Sa Tuwing Hindi Niya Nakukuha ang Kaniyang Gusto ay Pinagbubuhatan Niya ng Kamay ang mga Anak at Asawa; Isang Araw Paggising Niya ay Bigla na Lamang Nagbago ang Lahat

Nakatulala na naman sa kawalan si Fernando. Iniisip niya na naman kung nasaan na kaya ang kaniyang pamilya at kung paano niya hahanapin ang mga ito.

Mahigit dalawampung taon niya na ring hinahanap ang kaniyang asawa at mga anak. Kung saan-saan niya na hinanap ang mga ito pero parang inilalayo talaga siya sa mga ito ng mundo at hindi niya pa rin sila mahanap. Siguro ay ito na talaga ang parusa sa kaniya dahil sa kaniyang mga kasalanan.

Nanariwa na naman sa kaniyang isipan ang mga alaala kasama ang kaniyang pamilya bago siya nito iniwan.

“Hoy Bernard, bilhan mo nga ako ng isang boteng alak dun sa tindahan!” utos niya sa panganay na anak. Nasa walong taong gulang pa lamang ang batang lalaki.

“Pe-pero ‘tay, wala po tayong pera. Hindi pa nga po kami nakakakain ng kapatid ko. Pati na rin po si nanay,” natatakot na sagot ng batang lalaki sa ama.

“Oh e ‘di umutang ka! O humingi ka dun sa nanay mo! Wala akong pakialam kung paano mo gagawin basta bigyan mo ako ng isang boteng alak!” bulyaw niya sa anak at akmang papaluin ito ng walis. Napapikit naman si Bernard na tila ba hinintay na dumapo ang walis sa kaniyang balat. Hinahanda ang sarili sa sakit na mararamdaman.

Agad naman na dumating ang kaniyang asawang si Shiela at hinarang ang hawak niyang walis kaya naman ang asawa niya ang natamaan imbis na ang anak. Napaaray sa sakit ang asawa niya.

“Oh mahal kong asawa, mabuti naman at dumating ka na. Bigyan mo nga ng pera ‘yang batang ‘yan at ng makabili ng alak, nauuhaw ako!” napatingin sa kaniya ang asawa niyang may mamasa-masang mga mata.

“Wala na akong pera. Sapat lang ang kinita ko para pambili ng pagkain natin ngayong araw at gamot ni bunso. Marami pa nga tayong utang kila Aling Tina gawa ng kakautang mo ng alak eh. Wala ka na ba talagang plano magbago ha, Fernando?” Kakakitaan ng galit at lungkot ang mga mata ni Shiela habang sinasabi sa asawa ang mga katagang iyon. Makikita sa mga mata nito ang pagod sa pag-intindi sa asawa. Hindi niya na napigilan ang sariling mga luha na kumawala sa kaniyang mga mata.

“Ano? Anong sabi mo?! Sumasagot-sagot ka na sa’king babae ka ha!? Halika nga rito!” nilapitan niya ang asawa at inumpisang pagbuhatan ito ng kamay. Ito ang madalas gawin ni Fernando sa asawa’t anak niya sa tuwing hindi niya makuha ang kaniyang gusto o ‘pag sinasagot siya ng mga ito.

Talagang nagbago na nga si Fernando, hindi naman kasi siya ganito dati. Matino siyang tao at masaya sila ng kaniyang pamilya. Mabait na ama at mapagmahal na asawa siya sa kaniyang pamilya. Pero lahat ng iyon ay nagbago nang siya ay matanggal sa trabaho nang mapagbintangan sa salang hindi niya naman ginawa.

Galing lamang siya sa hirap at nagpursige kaya naman nakapasok sa isang malaking kompanya, at dahil sa likas na masipag at madiskarte ay talaga namang natutuwa sa kaniya ang kaniyang mga boss na naging rason para kainggitan siya sa kanilang kompanya. Sabi nga nila, maraming nagagawa ang inggit. Pinagtulungan siya ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho at pinagbintangan sa salang ‘di naman niya ginawa.

Hindi nakulong si Fernando pero natanggal siya sa kompanyang pinagtratrabahuan. Doon siya nagsimulang lunurin ang sarili sa alak at sirain ang sarili. Labis siyang nagagalit sa mundo dahil hindi ito naging patas sa isang taong tapat kagaya niya. Sa araw-araw na paglalasing ay unti-unti na rin siyang nagbago hanggang sa umabot na hindi na siya makilala ng kaniyang sariling pamilya. Parang nawala na ang kanilang mabait at mapagmahal na haligi ng tahanan.

Nagagawa niya nang saktan ang asawa at anak na dati ay ni lamok ay hindi niya pinapadapuan. Tuluyan na ngang nawala ang dating Fernando.

Isang araw ay nagising na lamang siya na wala na ang kaniyang asawa at dalawang anak. Nilayasan siya ng mga ito! Nang una ay galit na galit siya pero kalaunan ay napagtanto niya ang kaniyang mga nagawa para magawa ng kaniyang pamilya na iwan siya. Labis siyang nagsisi sa kaniyang mga nagawa at hinanap ang mga ito sa abot ng kaniyang makakaya. Sinubukan niyang ayusin muli ang kaniyang sarili para sa pagbalik ng mga ito ay makakapagsimula na ulit sila at bumalik sa dating masaya at puno ng siglang pamilya, ngunit mabilis na lumipas ang mahigit dalawampung taon at wala pa rin siyang nahahanap ni anino ng mga ito.

Anibersaryo ngayon ng araw na ikinasal si Fernando sa kaniyang asawa sa simbahan. Sa labis na pangungulila niya sa asawa ay naisipan niyang puntahan ang simbahan kung saan sila nagpakasal.

Nagsindi siya ng kandila at taimtim na nagdasal sa Panginoon. Una’y nagpasalamat siya sa pagkakataong ibinigay sa kaniya para magbago bago pa mahuli ang lahat, at pangalawa ay ang sana mahanap niya na ang pamilyang kaytagal nang hinahanap. Pagkatapos niyang magdasal at papalabas na sana ng simbahan ay may nakabangga siyang babae.

“Ay, pasensiya na po kay-,” malugod na paghingi niya ng paumanhin sa babae, pero natigilan silang pareho ng mapagtanto kung sino ang nakabangga.

“Fernando,” tawag sa pangalan niya ng isang boses na akala niya’y hindi niya na mapapakinggan pa kahit kailan. Hindi na napigilan ni Fernando ang sarili at mahigpit na niyakap ang asawang kaytagal na hinanap.

“Shiela, mahal ko, patawarin mo ako sa aking mga nagawa sa iyo at sa ating mga anak. Pangakong nagbago na ako. Nagtino na ulit ako. Kaytagal ko kayong hinanap,” sunod-sunod ang mga luhang umagos sa kaniyang pisngi habang niyayakap ang kaniyang asawa. Bagamat nagulat ay niyakap din siya si Shiela at para bang sinasabi na okay lang at na napatawad na siya ng mga ito.

Pagkatapos mag-usap ng mag-asawa ay dinala siya ng kaniyang asawa sa kasalukuyang tinitirhan nila ng kanilang mga anak. Hindi naging madali ang buhay ng kaniyang mag-iina pagkatapos maglayas ngunit hindi sila sumuko at nagtulungan para mabuhay. Lahat ng uri ng marangal na trabaho ay pinasukan ni Shiela maigapang lamang ang mga anak sa kahirapan.

Hindi naman siya nabigo at napagtapos niya ang dalawang bata. Naging isang abogado ang panganay nilang si Bernard at nag-aaral namang maging doktor ang bunsong si Lilita. Unti-unti silang nakaahon sa hirap, laking pasasalamat niya na rin sa kaniyang mga anak dahil kahit kailan ay hindi siya pinahirapan ng mga ito.

Humingi ng tawad si Fernando sa kaniyang mga anak at pinakita at pinatunayan na nagbago na talaga siya. Muli nang nagbalik ang amang labis silang mahal at gagawin ang lahat para sa kanila, hindi na siya magpapakalunod sa alak at magagalit sa napakadayang mundo.

Agad din naman siyang pinatawad ng kaniyang mga anak dahil nakikita nila na tunay na nagbago na siya. Napagdesisyunan na lamang ng kanilang pamilya na kalimutan na lamang ang mapait na nakaraan at magsimula muli. Simula ng araw na iyon ay araw-araw na bumabawi si Fernando sa asawa at anak sa mga taong nasayang na hindi nila nakapiling ang isa’t isa. Hindi niya na ulit hahayaang may masayang na panahon pang muli na magkakahiwalay sila.

Advertisement