Nakabingwit ng Napakalaking Isda ang Dalawang Lalaki; Hindi Nila Malaman ang Gagawin nang Matuklasan na Hindi Pala Ito Isda

Sa isang malayong isla kung saan makikita ang maituturing na isa sa may mga pinakamagandang natural na tanawin at masagana sa iba’t ibang klase ng isda, coral reefs at iba pang mga lamang tubig, naninirahan ang pamilya ni Mang Raul.

Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan sa islang ito. Araw-araw ay masasaya ang mga mamamayan dahil parating masagana ang karagatan. Malayo man sa lungsod ay maunlad pa rin ang kanilang isla dahil sa mga biyayang natatanggap nila sa karagatan.

Masaya at payapa ang pamumuhay ng mga taong naninirahan rito, ngunit unti-unti itong nagbago nang magsimula ang pagpapatayo ng mga estrukturang pang komersyal at ng pabrika sa kanilang isa. Dahil sa kagustuhang humabol sa pag-unlad ng mga siyudad, nagsimulang pabayaan ng mga tao ang karagatang pinagkukunan nila ng kanilang pangunahing kabuhayan.

Ngunit unti-unting nasira ang karagatan dahil sa kapabayaan at pang-aabuso ng mga mamamayan. Maraming namamat*y na mga isda dahil sa mga basura at mga kemikal na nanggagaling sa pabrika. Nakakalat din ang mga plastic at iba pang naglalakihang basura sa karagatan kaya naman madalas ay may lumutang na mga isda at iba pang mga lamang dagat dahil sa pagkalason. Marami na ring natagpuan na mga rare species gaya ng mga pawikan, dolphin at mga balyena ang namamat*y.

Ang dating maunlad at masaganang isla ay unti-unting lumubog ang ekonomiya. Para bang pinarusahan sila ng kalikasan at ni isang isda o lamang dagat ay wala na silang makita o mahuli. Tila bang nagsialisan na ang lahat ng mga ito.

“Paano ba ‘yan? Wala na naman tayong huli ngayon araw! Mangungutang na naman tayo sa tindahan ni Kumareng Rosa, sana naman ay magpautang pa siya kahit mga de lata at bigas lang,” saad ni Mang Raul sa kasamahan nito.

“Oo nga eh. Ako rin eh, mukhang sa tindahan din ni Kumareng Rosa ang bagsak,” napakamot nalang sa kaniyang ulo ang lalaki habang iniisip ang nagpatong-patong na nilang utang dahil sa ilang linggo nang wala silang huli.

Dumaan pa ang ilang linggo at wala pa rin silang nahuhuli na kahit anong mga lamang dagat. Dahil sa wala na silang makain at isa-isang nagsialisan na ang mga mamamayan at lumipat sa mga karatig isla at naghanap ng ibang pagkakakitaan para mabuhay ang kanilang mga pamilya.

Advertisement

Isa sa mga pamilyang nagpaiwan sa isla ang pamilya nila Mang Raul at ilan sa mga kasamahan niya sa pangingisda. Dito na sila ipinanganak kaya naman ayaw talaga nilang lisanin ang isla. Araw-araw ay hindi sila nagsasawang sumubok na magpalaot para manghuli at nagbabakasakaling may mahuli na.

“Saan na naman kayo pupunta? Magpapalaot na naman kayo? Eh wala na nga kayong mahuhuli sa karagatan! Nagsialisan na ata lahat ng mga isda eh! Tumigil na kayo at maghanap na rin ng ibang trabaho sa ibang isla o bayan! Hindi ba kayo naaawa sa amin ng inyong mga anak?” madalas na sabihin ng mga asawa nila Mang Raul. Ngunit parang bingi ang mga lalaki at ipinagpatuloy lang ang kanilang magpapalaot araw-araw. Hindi nila matanggap ang katotohanan at pilit na nagpapalaot pa rin.

Hanggang sa isang madaling araw ay may nahuli silang kumagat sa kanilang pain at pumasok sa kanilang net. Mukhang malaking huli ito dahil sa bigat kaya naman labis na natuwa at nasasabik na hinila nilang dalawa ang lubid ng net hanggang sa maiangkat na nila ang kanilang huli. Unti-unti na nilang nakikita ang buntot nito, mukhang isang napakalaking isda ang nahuli nila. Paniguradong matutuwa ang kanilang mga pamilya!

Ngunit laking gulat nila ng makita kung ano ang kanilang nahuli. Isang batang babaeng may buntot ng isda! Isang batang sirena ang kanilang nahuli! Patuloy pa rin itong nagpupumiglas ngunit halatang nanghihina na ito. Nagkatinginan lamang si Mang Raul at ang kaniyang kasama, parehong hindi makapaniwala sa kanilang nakikita.

Napagdesisyunan na lamang ng dalawa na iuwi ang batang sirena at inilagay sa isang malaking drum na lalagyan ng kanilang tubig. Pinuno nila ito ng tubig dagat at ikinulong doon ang batang sirena.

“Ano na ang gagawin na’tin sa batang sirena?” pabulong sa kaniya ng kasamahan. Nag-isip muna si Mang Raul bago magsalita.

“Hindi ko pa alam. Pero maaari nating pagkakitaan iyon. Magtayo kaya tayo ng perya? O ibenta na lang natin sa mga may-ari na ng mga perya o sa Maynila. Paniguradong tiba-tiba tayo r’yan,” puno ng pagkasabik na sagot ni Mang Raul sa kasamahan.

“Sigurado ka ba? Hindi kaya tayo parusahan ng kalikasan sa gagawin nating iyan? O baka gantihan tayo ng sirenang iyan! ‘Di ba may kapangyarihan ang mga sirena?” may bahagyang takot na maririnig sa boses ng lalaki.

Advertisement

“Ano ka ba! Nakita mo nang bata ang nahuli natin! Wala pang kayang gawin iyan!” bagama’t medyo nabahala sa sinabi ng kasamahan ay hindi ito ipinahalata ni Mang Raul. Hindi niya na pakakawalan ang pagkakataong ito dahil sigurado siyang ito na ang makakasalba sa kanilang isla. Sigurado siyang malaking halaga ang kanilang makukuha kapalit ng batang sirena.

Halos mabingi sila nang biglang nakarinig ng isang matinis at malakas na tinig. Agad namang naglabasan ang mga lalaki sa kani-kanilang mga tahanan para tingnan kung ano ang ingay na narinig habang nagtago naman sa loob ang mga babae at mga bata. Halos lumuwa ang kanilang mga mata sa gulat nang makitang may isang babaeng napakahabang buhok ang lumulutang sa gitna ng karagatan. Magkahalong pagkamangha at takot ang naramdaman ng mga mamamayan sa kanilang nakita. Isang sirena! May isang galit na galit na sirena ang nagpakita sa kanilang lahat.

Tila ba nakikisabay sa galit ng sirena o nakokontrol ng sirena ang kalikasan dahil kasabay ng galit na mukha nito ang isang napakalakas na bagyo at mga ipo-ipo sa likod nito.

“Ibalik niyo ang anak ko! Hindi na kayo nakontento sa pagsira sa aming tahanan! Pagkatapos niyong sirain ang karagatang wala namang ibang binigay sa inyo kundi kasaganahan. Mga wala kayong puso! Ngayon naman ay kukuhanin niyo pa ang nag-iisa kong anak?! Sadyang napakasama talaga ninyong mga tao! Wala na kayong ibang inisip kundi ang kapakanan niyo lamang! Ang dapat sa inyong lahat ay mawala dito sa mundo!” galit na galit na sigaw ng sirena sa ibang lenggwahe pero hindi nila alam kung paano nila iyon naiintindihan.

Bagama’t natatakot ay nagpakatatag si Mang Raul at hinarap ang sirena, “Sandali po! Pasensiya na po! Nagmamakaawa ako, pakinggan niyo muna ako,” nanginginig man sa takot ay lakas loob na saad ni Mang Raul.

“Nasaan ang anak ko? Magsalita ka, tao!” makapangyarihang sagot sa kanya ng Sirena.

“Patawarin niyo po sana kami pero hindi po namin sinasadyang kunin ang anak ninyo! Aksidente lamang po naming siyang nakuha nang kami ang nagpalaot kaninang madaling araw. Huwag po kayong mag-alala at ibabalik din namin siya sa inyo ngayon din!” unti-unti namang kumalma ang sirena sa kainyang narinig. Agad din namang inilabas at pinakawalan nila Mang Raul at Mang Lito ang umiiyak na batang sirena at ibinalik sa kanyang ina.

“Humihingi po kami ng tawad sa nangyari,” puno ng sinseridad na paghingi ng tawad nila Mang Raul at Mang Lito.

Advertisement

“Pero kung maaari ay pwede po ba kaming makahingi ng tulong sa inyo? Gagawin po namin ang lahat maibalik lamang sa dati ang kasaganahan ng aming isla. Mahal na mahal namin ang islang ito,” bagama’t may pag-aalinlangan ay nilakasan niya na ang kaniyang loob at kinapalan na ni Mang Raul ang kaniyang mukha, maibalik lamang sa dati ang kanilang minamahal na isla.

“Kung gusto niyong muling bumalik ang dating kasagahan ng inyong isla ay kailangan lamang ninyong maibalik ito sa dati niyang anyo. Matuto kayong makuntento sa kung ano ang ibinigay sa inyo ng kalikasan at huwag niyo itong abusuhin dahil hindi niyo gugustuhin ang ganti niya sa inyong mga tao,” iyon lamang ang sinabi ng sirena at umalis na ito kasama ang kanyang anak.

Kagaya ng sinabi ng sirena ay sinubukang ibalik ng mga mamamayan ang dating ayos ng kanilang isla. Nilinis nila ang karagatan, inalis ang mga basura at ipinasara ang pabrika. Nagtanim din sila ng mga halamang dagat para mas mapasigla at mapalusog ang kanilang karagatan.

Gaya nga ng sinabi ng sirena ay unti-unting nanumbalik ang kasaganahan sa kanilang isla at muling nanumbalik ang saya at mapayapang pamumuhay ng mga mamamayan nito. Ipinangako ng mga mamamayan sa kanilang mga sarili na sa pagkakataong ito ay aalagaan na nila ng maayos at tama ang kalikasan matapos masaksihan ang bagsik ng paghihiganti nito.