Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pag-iingat ng Mag-asawa Dahil Maselan ang Pagbubuntis ni Misis; Matanggap Kaya Nila Ang Magiging Tunay na Hamon sa Kanila?

Labis ang Pag-iingat ng Mag-asawa Dahil Maselan ang Pagbubuntis ni Misis; Matanggap Kaya Nila Ang Magiging Tunay na Hamon sa Kanila?

Napakalaking ngiti ang makikita sa mukha ng mag-asawang ito habang palabas sila sa ospital kung saan nagpatingin si Lyn kung totoo ngang nagdadalantao siya. Kasama niya ang kaniyang asawa na todo ang suporta dahil matagal na nila hinihiling ang magkaroon ng anak. Dalawang taon na rin kasi silang kasal subalit hindi pa sila nabibiyayaan ng sariling anak. At ngayon, kung sakali ay matutupad na rin ang kanilang matagal nang hinihiling sa itaas.

Isang buwan na raw na buntis si Lyn subalit alam nilang ligtas naman ang bata ng mga oras na iyon. Kung kaya naman, hindi itinigil ni Lyn ang kaniyang pagpasok sa trabaho niya bilang manager sa isang bangko. Subalit nang tumagal iyon ng tatlong buwan, bigla na lamang dinugo si Lyn na nagbigay ng sobrang takot sa kanilang mag-asawa.

Iyak nang iyak si Lyn ganoon din ang kaniyang asawang si Marvin dahil akala nila ay nawala ang bata sa kaniyang sinapupunan. At nang ibalita ng doktor, nakahinga sila nang maluwag nang sabihin nito na ligtas ang bata ngunit nangangailangan ng dobleng pag-iingat dahil mahina ang kapit nito. Hindi naman nagdalawang-isip ang mag-asawa na patigilin na muna sa pagpasok si Lyn sa kaniyang trabaho. Kahit pa pinaghirapan niya ang posisyon na mayroon siya ngayon. Handa siyang isakripisyo iyon kung kapalit ay buhay ng kaniyang nag-iisang anak.

Bawat araw, sukat ni Lyn ang mga pagkain na kaniyang kinakain. Lahat ng mga sa tingin niyang makakapagpalakas sa resistesnsiya ng bata ay agad niyang kinakain. Umiinom din siya ng mga bitamina, umiinom ng mga inumin na masusustansiya. Lahat din ng mga prutas ay nagpapabili siya kay Marvin para lang hindi niya makalimot ang mga sustansiya na makukuha sa mga iyon. Kahit na gustong-gusto niyang bumili ng mga pagkain na kinakatakam niya ay pinipigilan niya ang sarili lalo na kung alam niyang hindi naman iyon makabubuti sa bata.

Hindi rin nagkulang si Lyn na magpatingin sa doktor dalawang beses sa loob ng isang linggo. Sabi-sabi nga ng iba’y todo na ata ang kanilang pag-iingat at ang biro pa ng iba’y baka hindi raw kayanin ng bata ng perperktong pagbubuntis. Ngunit wala silang pakialam sa sinasabi ng kahit na sinuman dahil alam nilang tama at makakabuti lang sa kanilang anak ang mga hakbang na ginagawa nila.

Kailanman ay hindi nawawala ang panalangin ni Lyn at Marvin na maging maayos ang lahat. Mula sa pagbubuntis ni misis hanggang sa araw na iluluwal niya ang bata. Maayos naman ang lahat at masaya silang malaman na babae ang kanilang magiging anak. Mula sa mga damit, gagamiting bote, mga laruan, at lahat ng gamit ay nakahanda na. Pati nga sarili nitong kwarto ay handang-handa na rin. Ang hinihintay na lamang ay ang masilayan na ng kanilang anak ang mundo.

Ilang buwan pa ang nakalipas at dumating na nga ang araw ng panganganak ni Lyn sa kanilang anak. Kabado man ngunit sinigurado naman ni Marvin na magiging ayos ang lahat. Sa loob ng ilang oras, walang ginawa si Marvin kundi ang ipanalangin ang kaligtasan ng kaniyang mag-ina. At hindi naman siya nabigo dahil ilang oras lamang ay masayang ibinalita ng doktor ang kaligtasan ng dalawa. Subalit isang hamon pala ang naghihintay sa mag-asawa.

Sa halip na matuwa, halos hindi matanggap ni Marvin nang makita ang kaniyang anak na hindi normal. Mayroon itong kapansanan at kitang-kita ito sa pisikal na anyo pa lamang nito. Inisip ni Marvin ang magiging reaksyon ni Lyn kung makikita niya na ganito ang itsura ng kaniyang anak. Kaya naman, hangga’t hindi pa nagigising ang misis, nag-isip siya ng paraan.

Mabilis na naghanap si Marvin ng sanggol na babae na kasukat at kakasilang lang din tulad ng kanilang anak upang ipagpalit sa kanilang anak. Nilibot ni Marvin ang halos lahat ng ospital sa kanilang siyudad subalit lahat ay tinanggihan siyang gawin ang kasalanang iyon kahit na alukin pa niya ng limpak-limpak na salapi. Habang pauwi, hindi alam ni Marvin ang kaniyang gagawin. Gusto na niyang sumuko dahil sa pagod at kawalang tulog. Hanggang sa inisip niya ang lahat ng sakripisyo ni Lyn sa pag-aalaga sa kanilang anak. Bumuhos ang kaniyang luha habang siya ay nagmamaneho pabalik sa ospital.

Nang marating ang silid ni Lyn, muling naging emosyonal si Marvin nang makita ang malalaking ngiti ni Lyn habang hawak nito ang kanilang anak. Masaya si Lyn at tuwang-tuwa habang kinakausap ang kanilang munting anak. Humingi ng tawad si Marvin kay Lyn at sa kaniyang anak. Natauhan siya sa isang katotohanan- na kahit na anong itsura o kapansanan man ng anak mo, ikaw pa rin ang dapat na unang susuporta at magbibigay ng pagmamahal sa kaniya. Hindi man buo, ngunit bilang mga magulang, ay pipilitin nilang maging buo ang pamumuhay ng kanilang nag-iisang anak.

Advertisement