
Matapos Tumira sa Maynila ay Bumalik ang Dalaga sa Probinsiya; Dala ang Kumpiyansa Dahil sa Kaniyang Narating ay Mayroon Siyang mas Mahalagang Matututunan
Maagang gumising si Mae upang bumiyahe pauwi ng kanilang probinsya. Nakaayos na ang kaniyang kaunting gamit at ipinasok na rin niya sa kaniyang kotse ang maliit na bag bilang baon sa mahabang biyahe niya. Takipsilim pa lamang ay nasa kalye na ang dalaga para hindi siya abutan ng trapik.
Matapos ang napakahabang pagmamaneho, abot tanaw niya ang mga magulang na nakangiti sa may ‘di kalayuan. Matapos ang mahigit na pitong taon, ngayon lamang nakauwi ulit si Mae matapos niyang umalis para mag-aral sa Maynila at magtrabaho doon. Isa na ata iyon sa mga pinakamasasayang araw para sa mag-asawa na muli nilang masilayan ang mukha ng nag-iisa nilang anak.
“Nakahanap na nga pala ako ng buyer, ‘nay, ‘tay. Pag natapos na ang transakisyon natin, isasama ko na kayo pa-Maynila. Kaya mag-ayos-ayos na rin kayo dito ha?” mga salitang nagpatigil ng tawanan at kwentuhan ng buong pamilya. Walang tugon dito ang mag-asawa at nagpatuloy lamang sa kanilang salo-salo. Pagkatapos, kinagabihan ay tuluyan na ngang nagpahinga si Mae dahil sa pagod din sa pagmamaneho ng halos buong araw.
Kinaumagahan, tirik na ang araw nang magising si Mae. Ramdam na rin niya ang lagkit ng init ng araw dahil tanghaling tapat na rin iyon. Irita siyang pumasok sa banyo upang maligo kaagad dahil sobrang init talaga ang kaniyang nararamdaman. Matapos maligo, hinanap niya kaagad ang kaniyang selpon. Ngunit nadagdagan lamang ang kaniyang inis nang makita niyang wala ni-isang signal siyang mahanap sa lugar na iyon.
Lumabas si Mae upang humanap ng signal. Habang hawak hawak ang kaniyang selpon na itinataas-taas pa niya, ay bigla siyang nabunggo ng isang matandang lalaki na may bitbit ng isang sakong mais. Muli siyang nainis nang mga oras na iyon ngunit nang masilayan ang mukha ng matanda, malaking ngiti ang nasilayan sa kaniyang mukha matapos makita ang lalaking nagpalaki sa kaniya! Ito kasi ang laging nagbabantay sa kaniya noong palaging umaalis ang kaniyang nanay at tatay para magpunta ng bayan.
Sa isang saglit, nalimutan ni Mae ang kaniyang selpon, ang signal at ang mga dapat na gawin dahil sa matandang lalaki na kaniyang nakakwentuhan. Kumain pa sila sa labas at masayang nagpalitan ng mga kwento ng nakaraan at mga kasalukuyan. Sobrang saya ang naramdaman ni Mae nang mga oras na iyon hanggang sa huling sandali ng kanilang pag-uusap.
Hapon na nang muli niyang maalala na kakausapin niya ang buyer ng kanilang lupain. Subalit hindi pa rin siya makahanap ng signal kahit na saan. Sa kaniyang pag-uwi, nasilayan niya ang isang mapayapang kaganapan sa kaniyang mga mata. Ang malawak na palayan, ang araw na palubog na, mga batang nagtatawanan at naghahabulan, mga magsasaka kasama ang buo nilang pamilya na masayang nagkukwentuhan sa lupang nais niyang ibenta.
Nang makita siya ng mga iyon, masaya ang mga iyon na sinalubong siya. Ang ilan pa nga ay nagbibiro dahil nene pa siya noong nilisan niya ang kanilang probinsya. Isang araw na puno ng tawanan, ng mga biro’t kwentuhan ang pumuno ng kaniyang araw. Ibang-iba iyon sa kaniyang plano. Nasayang na ang tatlong araw niyang plano na pagtigil dito dahil kailangan na rin niyang bumalik sa Maynila at sa kaniyang abalang opisina.
“Kumusta naman ang araw mo, ‘nak?” tanong ng kaniyang ama habang sila ay naghahapunan. Habang inaalala ang nangyari sa kaniyang araw, hindi mapigilan ni Mae na ngumiti at magkwento sa kaniyang mga magulang. Tungkol kay Mang Paeng na kaniyang nakasalubong at mga kwentuhan nilang dalawa. Tuwang-tuwa ang dalaga habang siya ay nagkukwento sa nanay at tatay niya. Parang noon lamang na madaldal at laging nagkukwento ito noong siya ay bata pa lang.
Kinagabihan, sa kaniyang pagtulog, napuno si Mae ng pasasalamat at niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang ama’t ina. Sa unang pagkakataon ata, nawalan ng silbi ang kaniyang selpon at nakatulog siya ng may ngiti sa mga labi. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagkabata na walang pinoproblema, kasama ang mga taong ang tanging tugon ay ngiti at biruan.
Hindi pa man sikat ang araw, nagising na agad si Mae. Pagkalabas niya ay kitang-kita ng dalawa niyang mga mata ang mga masisiglang mga tao na nagbabatian sa umaga. Mga ngiti habang nagsisimula sa kanilang trabaho. Ang iba pa nga ay sama-sama pang nag-uumagahan. Simula umaga hanggang matapos ang araw, hindi nilisan ni Mae ang tabi ng kaniyang ama’t ina.
Kinagabihan, habang nasa hapunan, muli nang namaalam si Mae dahil luluwas na siya ng Maynila kinabukasan ng madaling araw. Sa tatlong araw niya sa probinsya, nakita niya na hindi naman talaga lugi ang pamumuhay sa probinsya. Napagdesisyunan din niyang lisanin na ang buhay Maynila at bumalik na sa probinsya upang makasama na niyang muli ang mga magulang. Handa na siyang lisanin ang mundong akala niya ay mas mabuti at payapa kaysa sa buhay na kapiling ang mga taong mahal niya at minamahal siya.