Inday TrendingInday Trending
Nagalit sa Diyos ang Binata Dahil Hindi Nito Dininig ang Kaniyang Unang Panalangin; Ano Kaya ang Maging Bunga ng Kaniyang Galit?

Nagalit sa Diyos ang Binata Dahil Hindi Nito Dininig ang Kaniyang Unang Panalangin; Ano Kaya ang Maging Bunga ng Kaniyang Galit?

Namumula pa ang kaniyang mga mata, namumugto at salubong ang mga kilay sa mukha nito. Kunot ang noo’t mahahaba na rin ang bigote’t tumutubo na rin ang balbas kahit na sa murang edad niyang labing siyam na taon. Isang linggo matapos pumanaw ng kaniyang nag-iisang magulang at ama. Daing niya, iyon na nga lang ang kasama niya matapos silang iwan ng ina ay kinuha pa ito sa kaniya. Galit na galit si Jose sa mundo, lalo na sa Diyos.

Dinilat ni Jose ang kaniyang mga mata matapos makarinig ng katok mula sa kaniyang pinto. Naroon ang mga taong galing sa simbahan na huling nanalangin para sa kaniyang ama. Imbes na papasukin ang mga iyon, binuksan niya ang pinto at sinigawan ang mga iyon.

“Umalis kayo dito! Alis!” hiyaw ni Jose at pagkatapos ay binalibag ang pinto ng kanilang bahay. Hindi naman siya kinulit pa ng mga taong nais lang naman siyang damayan.

Kumuha siya ng pakete ng sigarilyo at isang bote ng alak sa ref dahil sa naalala niyang galit sa mga tao. Puno rin ng alaala ang nakapaligid sa kaniya sa kanilang bahay. Kinuha ang selpon at nagtingin ng kaganapan sa social media. Doon ay nagpunta siya sa isang page ng mga katulad niyang may galit din sa mundo. Agad niya itong pinadalhan ng mensahe, hangad niyang may makausap at mapagsabihan ng mga sama ng loob.

Ilang araw pa ang lumipas, muling nagising si Jose sa katok at ring ng kaniyang selpon. Nariyan kasi ang kaniyang tita na naiwan niyang nag-iisang kamag-anak. Subalit kahit dito ay ayaw niyang makipag-usap. May mga himutok siya na pinanggagalingan ng kaniyang galit dito.

“Jose, ‘di naman pwedeng ganito ka na lang. Pano na ang negosyo ng papa mo? Malulugi ‘yon kung hindi mo aayusin ang buhay mo. Sa tingin mo ba, gusto ng ama mong nakikita kang araw-araw na naglalasing at nakakulong dito sa bahay niyo?” Sunod sunod na sermon ng kaniyang Tita Angel. Subalit tahimik ang binata na nakatulala lamang at wari bang walang nagsasalita sa kaniyang paligid. Kahit na galit siya rito, tinitimpi niya iyon dahil kapatid pa rin iyon ng kaniyang ama.

“Kung ganiyan ka na lang din ng ganiyan… Eh.. ipasa mo muna sakin ang pangangalaga ng lupain pati mga manukan. Ako na muna ang bahala sa lahat hangga’t hindi ka pa nakaka-recover, okay?” pakunwaring wika naman ng kaniyang tiya. Dito na parang nagpantig ang kaniyang mga tainga.

“Yan! Kunwari ka pang gusto mo kong tulungan at damayan! Eh pera lang naman talaga ang habol mo. Nung nasa ospital nga si papa ni sumilip hindi mo nagawa! Nasa iyo na nga ang kalahati ng negosyo ‘di ba? Lahat ba gusto mo? Ganiyan ka na ba talaga kasakim?!” sigaw ni Jose sa kaniyang tiyahin na nagulat ng mga oras na iyon. Agad niya itong pinalayas at muli siyang kumuha ng alak at nagpakalango.

Habang umiinom, patuloy ang kaniyang pagluha at pagsambit ng mga sama ng loob. Paulit-ulit niyang bigkas, walang kwenta… walang silbi… Tumayo siya nang makita ang nakalaylay na tali sa may sulok. Wala sa kaniyang sarili ang binata at nilapitan iyon. Habang umaatungal na parang bata, sinukbit niya ito sa may kisame tangkang magpapakatiw*kal ito. Nang bigla na lamang isang boses ang kaniyang narinig.

“Jose… Jose…” mahinahong tinig ng isang lalaki ang kaniyang narinig na nagpabalik sa kaniya sa ulirat. Dahil sa labis na pagkagulat, nahulog si Jose mula sa bangko na kaniyang pinagpapatungan at nahulog sa sahig. Nawalan siya ng malay dahil sa labis na kalasingan pati na sa pagbagsak sa sahig.

Kinaumagahan, nagising si Jose na kinakapa ang bukol sa likurang bahagi ng kaniyang ulo. Masakit pa ito pati na kaniyang ulo dahil sa alak na ininom kagabi. Muling naalala ni Jose ang nangyari kagabi. Kinilabutan siyang muli nang matandaan ang tinig na kaniyang narinig. Agad niyang pinutol ang tali at itinapon iyon sa basurahan. Hindi niya maipaliwanag ngunit mas maluwag na ang kaniyang damdamin sa ngayon.

Buong umaga ay masipag na naglinis ng bahay si Jose. Naligo at nag-ayos ng kaniyang sarili. Pagkatapos, sa unang pagkakataon ay binuksan niya ang kwarto ng kaniyang ama. Puno iyon ng mga larawan nila pati na mga nakasabit na larawan ng mga salita mula sa Bibliya. Sa lamesa ng kaniyang ama, naroon ay isang lumang Bibliya na pag-aari ng kaniyang ama. Binuksan niya iyon dahil may nakaipit na larawan dito. Labis siyang napaluha nang mabasa ang huling bilin ng kaniyang mahal na ama.

“Mahal kong anak, patawad at iiwan na kaagad kita… Hindi ko man alam kung kailan, pero ramdam kong malapit na… Huwag ka sanang mapuno ng lungkot at galit. Dahil magkikita pa tayo, hindi man dito sa mundo kundi sa paraiso na inihanda ng Diyos para sa atin. Lagi kitang papanoorin at gagabayan mula roon, anak. Mahal na mahal kita…”

Bumalik sa kaniya ang lahat ng masasayang sandali nila ng kaniyang ama, tiyahin, pati na mga kasamahan sa simbahan. Siguro nga ay hindi pa huli ang lahat. Upang humingi ng tawad sa kaniyang tiya, sa mga taong nag-aalala sa kaniya pati na sa Diyos na minsan na niyang kinamuhian.

Nang dahil sa sulat ng kaniyang ama, natauhan ang binata na kailangan niyang tumayong muli at magpatuloy sa buhay. Alam niyang nasa langit na ang kaniyang ama at hindi siya tunay na nag-iisa, dahil ginagabayan siya nito kasama ng Diyos sa kaniyang pakikipagsapalaran sa buhay.

Advertisement