Inday TrendingInday Trending
Iniligtas ng Binata Mula sa Pagkakalunod sa Ilog ang Isang Aso; Hindi Niya Akalain na Ganito Pala ang Igaganti sa Kaniya Nito

Iniligtas ng Binata Mula sa Pagkakalunod sa Ilog ang Isang Aso; Hindi Niya Akalain na Ganito Pala ang Igaganti sa Kaniya Nito

“Boss, baka p’wedeng makabale ng sahod sa inyo. Kailangang-kailangan ko lang po talaga,” tila isang asong sunod nang sunod si Daryl sa kaniyang amo sa isang litsunan para lamang mapakiusapan ito.

“Bale na naman, Daryl? Palagi ka na ngang nahuhuli sa pagpasok mo. Ang sabi ng ilang kasamahan mo dito ay madalas ding lumipad ang isip mo. Tapos ang gusto mo ngayon ay bumale na naman?! Ano ba naman’yan!” galit na tugon ng amo.

“Sige na po, boss. Kailangan ko lang kasing ipadala sa nanay ko sa probinsiya. May sakit kasi niya ngayon. Hindi pa raw kasi sila nakakaani ng pananim. Kaya, boss, pakiusap, huli na talaga ito,” pangungulit ng binata.

“Huwag mo nga akong kulitin, Daryl, at abala ako dito sa litsunan! Magtrabaho ka para magkasahod ka!” bulyaw pa nito.

Maya-maya ay may nakitang aso ang kaniyang amo!

“Lintek! Narito ka na namang hayop ka! Perwisyo talaga!” sambit ng amo sabay sipa dito. Agad namang umalis ang aso.

“Daryl, palayasin mo nga ‘yang asong ‘yan. Kapag nagdilim ang paningin ko riyan, ipapalitson ko rin ‘yan, makikita niya!” utos ng boss.

Maingat na itinaboy ni Daryl ang aso.

Mabigat pa rin ang nararamdaman ng binata dahil hindi siya nakahiram sa kaniyang amo. Hindi niya alam kung saan kukunin ang ipapadala sa kaniyang inang may sakit upang makabili ito ng gamot. Ni hindi nga niya magawang tawagan ang mga ito dahil saktong panggastos na lamang bukas ang kaniyang pera.

Kinaubukasan ay nagpupumilit muli si Daryl sa kaniyang amo. Nagbabakasakali siya na sa pagkakataong ito ay mapahiram na siya nito. Ngunit wala pa rin siyang napala.

“Tantanan mo ako, Daryl. Kapag hindi ka pa tumigil diyan at hindi ka matutong magtrabaho ng tama ay sisisantihin kita. ‘Yan ang gusto mo, ‘di ba? Kapag ako ay nainis mo, mawawalan ka ng trabaho! Kaya tumigil ka na sa pangungulit mo at magtrabaho ka na ngayon! Marami tayong order!” pagkabuwisit ng ginoo.

Kaya minabuti ng binata na tigilan na sa pangungulit sa amo. Ngunit hindi niya maialis ang pangamba para sa kaniyang ina.

Kahit na naroon siya sa trabaho ay tila lumilipad ang kaniyang isipan pauwi sa kanilang bahay sa probinsya.

Hindi niya namalayan na naroon na muli ang aso at nakuha niyang kagatin ang isang letson.

“Lintik ka, Daryl! Hindi mo man lamang binugaw ang aso!” sambit ng isang kasamahan.

“Anong gagawin ngayon natin niyan ngayon? Pare-pareho tayong magbabayad. Nakakabanas naman alam niyong gipit tayo pare-pareho!” saad pa ng isa niyang kasamahan.

“Hindi ko talaga siya napansin! Pasensiya na!” tarantang tugon ng binata.

Nang marinig ng amo ang gulo sa litsunan ay agad itong nagtungo roon at nakita niya ang pangyayari. Napamura ito sa galit. Hinabol niya ang aso at saka niya pinaghahampas. Awang-awa si Daryl ngunit wala siyang magawa. Nang hindi na makalaban pa ang aso ay tinapon ito ng amo sa ilog malapit sa kanilang tindahan.

“Mga wala kayong silbi” sambit niya sa mga trabahador pagbalik ng tindahan.

Agad namang tinuro ng mga kasamahan si Daryl.

“Pag-ambag-ambagan niyo ang letson na kinagatan ng asong ‘yan! Wala kayo pare-parehong sasahurin ngayong katapusan!” saad ng amo.

Pagkaalis ng kanilang amo ay naririnig pa rin ni Daryl ang iyak ng aso kaya hindi niya napigilan na babain ito sa ilog. Nilangoy niya ang kaawa-awang aso mula sa pagkalunod dahil hindi ito makalangoy dahil sa pinsalang natamo nito sa may-ari ng litsunan.

Agad dinala ni Daryl ang aso paalis sa ilog.

“Nasisiraan ka na talaga ng bait, Daryl. Ayan nga ang dahilan kung bakit wala tayong sasahurin. Niligtas mo pa. Hindi mo na lang hinayaang malunod!” sambit ng iang kasamahan.

“Parang tayo rin ang asong ‘yan! Ang nais lang natin ay mabuhay,” tugon ng binata.

Dahil sa pangyayari ay lalong wala nang maipadala si Daryl sa kaniyang mga magulang. Mabuti na lamang ay may magandang loob daw na nagpautang sa kaniyang ama. Kaya ang problema na lamang ay ang pambayad dito.

Isang araw ay inabot na ng hatinggabi itong si Daryl dahil sa katatrabaho. Nakatulog na nga ito sa litsunan dahil sa pagod.

Ilang kalalakihan ang pumasok sa litsunan at pilit na pinapasok ang opisina ng kaniyang amo. Nang maalimpungatan si Daryl ay nakita siya ng mga kalalakihan. Dahil isa siyang saksi ay gagawan sana siya ng masama ng mga ito.

Kinuha ng isang lalaki ang kaniyang panaksak at agad tinutok sa binata ngunit lahat ay nagulat ng biglang lumusob ang aso sa kanila at sinakmal ang lalaking sasaksak kay Daryl.

Hahampasin sana siya ng isa pang lalaking magnanakaw, ngunit galit na galit ang asong nagtatahol at pinagsasakmal sila.

Dahil sa ingay ay natunugan ito ng mga kapitbahay at agad silang humingi ng tulong sa mga pulis. Agad nahuli ang mga kawatan.

Lubusan ang pagpapasalamat ni Daryl sa aso sa pagligtas nito sa kaniyang buhay. Hindi rin makapaniwala ang may-ari ng litsunan sa ginawa ng aso. Napakalaking pera kasi ang naroon sa kaniyang opisina.

Bilang pagpapasalamat ay hindi na nila itinataboy pa ang aso. Kinupkop na rin nila ito at binigyan ng pangalan. Hindi na rin mainitin ang ulo ng amo. Dahil sa naganap ay kinalimutan na ng amo ang lahat ng pagkakautang ni Daryl sa kaniya at binigyan pa ito ng sobra para maipadala sa kaniyang pamilya.

Sumipol si Daryl. “Batik! Narito na ang pagkain mo!” masayang tawag ni Daryl habang ibinibigay niya ang handang pagkain para sa aso.

Advertisement