
Ibinigay ng Binata ang Lahat sa Nobya ngunit Ipinagpalit pa rin Siya; Makalipas ang Isang Taon ay Isang Mensahe ang Kaniyang Matatanggap sa Dating Kasintahan
“Ilang beses na akong hindi nakakapasok sa klase ko, Maya. Baka p’wedeng sa susunod ay itaon natin ang date natin sa wala akong pasok,” pakiusap ni Lance sa kaniyang nobya.
“Kung ayaw mo akong samahan ay mabuting maghiwalay na lang tayo. Kung hindi mo pala prayoridad ang relasyon na ito ay ayoko nang maging nobya mo!” tampo ng dalaga.
“H-hindi naman sa ganun! Ayoko lang naman mapabayaan ang pag-aaral natin. Gusto ko makapagtapos tayo ng pag-aaral para sa kinabukasan din natin,” paliwanag ni Lance.
“Basta kung hindi mo tipo na makasama ako ngayon kahit na malungkot ako at ikaw lang ang inaasahan ko na makakapagpasaya sa akin, sige, umalis ka na at hindi kita kailangan!” wika muli ni Maya.
“S-sige, hindi na ako papasok. Sorry na! Saan mo ba gustong pumunta?” wala nang nagawa pa ang binata.
Wala pang limang buwan ang relasyon ng magkasintahang Lance at Maya. Kay tagal niligawan nitong si Lance ang dalaga. Dahil sikat sa paaralan at tunay na may taglay na kagandahan ay hindi maitatanggi ng binata na nahirapan talaga siya kay Maya dahil marami siyang kaagaw dito. Ngunit siya ang nagtagumpay at bumihag sa puso ng dalaga dahil sa kaniyang matiyagang panunuyo.
Sunud-sunuran si Lance sa lahat ng kagustuhan ng kaniyang nobya. Madalas nga ay mapagalitan ng guro at magulang niya itong si Lance dahil sa pagliban nito. Ngunit hindi niya magawang ituro ang tunay na dahilan ng kaniyang hindi pagpasok. Takot kasi ang binata na baka makipaghiwalay sa kaniya ang nobya. Ganito siya kahumaling sa dalaga.
Nang makapagtapos sila ng pag-aaral ay nasunod pa rin ang kagustuhan ni Maya na magtrabaho si Lance sa isang opisinang malapit lamang sa bahay nila. Nang sa gayon ay madali siyang mapupuntahan ng nobyo kung kailangan siya nito. Hindi na rin naghanap ng trabaho pa ang dalaga at madalas umasa kay Lance.
Kahit na madalas pagsabihan ng mga kaibigan itong si Lance ay nagbibingi-bingihan ito. Walang mas matimbang pa para sa kaniya kung hindi si Maya.
Isang araw ay nagkayayaan ang magbabarkada sa isang bar. Hindi inaasahan ni Lance na makita ang kaniyang nobya na may kasamang iba.
“A-anong ibig sabihin nito, Maya? Akala ko ay masama ang pakiramdam mo kaya ayaw mong sumama sa akin?” napasigaw si Lance dahil sa pagkabigla.
“S-sino ‘yang kasama mo?” dagdag pa ni Lance.
“Ikaw nga d’yan sabi mo sa akin ay pupunta ka kaagad sa bahay. Sabi mo hindi ka papasok ngayong araw! Kanina pa kita hinihintay!” saad ng dalaga.
“Kaunting oras lang ang ipaghihintay mo, Maya. Hindi tama na ipagpalit mo ako agad!” sambit ng binata.
“Ayoko na sa’yo, Lance. Tantanan mo na ako. Nagsasawa na ako sa relasyon natin! Tara na nga, Jake, ayoko na rito!” saad ni Maya sabay alis nila ng lalaking kasama.
Halos gumuho ang mundo ni Lance. Hindi niya alam kung bakit sa ganoon lang mauuwi ang kanilang relasyon. Mahal na mahal niya si Maya at wala siyang gusto kung hindi magbalikan sila.
Makalipas ang dalawang buwan ay tumawag sa kaniya ang dating nobya.
“Hindi naging ayos ang relasyon namin ni Jake. Marami siyang babae. Napagtanto ko na iba ka pa rin. Ikaw pa rin ang gusto ko. Sana ay matanggap mo pa ako,” wika ni Maya kay Lance.
Wala nang nagawa pa si Lance kung hindi tanggapin ang kasintahan dahil sa pagmamahal niya rito. Ngunit ilang buwan lang ang nakalipas ay nagawa na naman siya nitong ipagpalit sa iba. Makalipas ang isang linggo ay muli itong humingi ng tawad sa binata at malugod siyang tinanggap muli ni Lance.
“Pare, bakit tinanggap mo pa? Dalawang beses ka na niyang niloko!” sambit ng kaibigan ni Lance.
“Mahal ko, pare, e!” tugon ng binata.
“Nagawa niya na ng dalawang beses, kaya niya ulit gawin ‘yan sa’yo nang paulit-ulit!” sambit ng kaibigan.
Hindi nga nagkamali ang kaniyang kaibigan. Makalipas ang ilang buwan muli ng kanilang relasyon ay nahuli na naman niya ang kasintahan na may iba.
“Sa pagkakataong ito, Lance. Hindi na ako babalik sa’yo. Mas panatag ako kay Andrei. Mas kaya niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ko. Mas nararamdaman kong mahal niya ako dahil lagi siyang nandiyan kapag kailangan ko siya. Sana ay mahanap mo na rin ang para sa iyo. Siya ang mahal ko at hindi ikaw,” pag-amin ng dalaga.
Sa pagkakataong ito ay tila naliliitan si Lance sa tingin niya sa kaniyang sarili. Bakit nga ba sobra ang pagmamahal niya kay Maya na nakaya niyang tanggapin ang paulit-ulit na panloloko nito sa kaniya? Bakit kailangang palagi siyang nariyan kung walang masasandalan ang dalaga?
Nagpakasubosb sa trabaho si Lance para piliting makalimutan si Maya. Makalipas ng dalawang taon na pilit na paglimot ay muli siyang nakatanggap ng tawag ka Maya at nais makipagkita. Pinaunlakan naman niya ang dalaga.
“Hindi ako masaya kay Andrei. Sinasaktan niya ako. Madalas ko rin siyang mahuling may iba. Alam ko, hindi mo na ako kayang patawarin. Pero sa lahat ng pinagdaanan ko, Lance, walang lalaking tumanggap sa akin tulad ng pagtanggap mo. Nais kong makipaghiwalay na kay Andrei at tuluyan nang sumama sa’yo. Pangako, hinding-hindi na mauulit ang lahat ng kasalanan ko sa’yo!” pagmamakaawa ng dalaga.
Ang hindi alam ni Maya ay naroon din si Andrei sa kanilang tagpuan. Naririnig ang lahat ng kaniyang sinasabi sa pamamagitan ng telepono. Nang tinawagan kasi ni Maya si Lance para makipagkita ay agad niyang inalam ang numero ng kasintahan nito. Agad siyang nakipag-usap at pinabatid niya sa lalaki na nakikipagkita si Maya sa binata at sa palagay niya ay makikipagbalikan na naman ito. At totoo nga ang kaniyang hinala!
Agad na nagtungo si Andrei sa kinauupuan ng dalawa. Laking gulat ni Maya nang makita ang kasintahan.
“Hindi kita sinasaktan! Hindi totoo na nahuhuli mo akong nambabae. Ikaw ang pilit na gusto akong hawakan sa leeg, Maya. Ayaw mo na sa relasyon natin? Makipaghiwalay ka nang maayos. Palalayain kita dahil ayoko na rin sa relasyon na ‘to! Ubod ka ng sinungaling!” galit na sambit ng binata.
“Pasensiya ka na, Maya. Hindi na ako tanga para tanggapin kang muli. Hindi ko na hahayaan na lokohin mo na naman ako at paglaruan. Kayo na lang ang mag-usap ng kasintahan mo na sa tingin ko ay ayaw na ring makasama ka. Sana ay hindi ka na maglaro ng damdamin ng iba. Tandaan mo na hindi sa’yo umiikot ang mundo!” sumbat ni Lance sabay alis sa kinaroroonan nila.
Naiwan si Maya na nag-iisa at pinagtitinginan at pinagbubulungan ng lahat. Halos lumubog sa kinakaupuan niya ang dalaga dahil sa kahihiyan. Wala na siyang kasintahan at wala na rin siyang babalikan pa kay Lance at ngayon ay alam ng lahat ang kawalanghiyaan na kaniyang ginawa.